Pagsasabuhay ng Aklat ni Mormon
Paano Mapapawi ng Liwanag ni Cristo ang Kadiliman ng Lihim na Pagsasabwatan
Paano natin patuloy na maaanyayahan ang liwanag sa ating buhay?
Bilang matagal nang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, noon pa man ay pamilyar na ako sa mga katagang lihim na pagsasabwatan. Ang mga imahe na palaging nabubuo sa isip ko mula sa mga salitang ito ay ang mga larawan ng mga tulisan ni Gadianton na nagtatago sa mga eskinita at lihim na nanunumpa; ang lahat ng ito ay medyo kataka-taka para sa akin, at walang kinalaman sa buhay ko.
Ngunit ang totoo, ang mga lihim na pagsasabwatan ay kapwa makatotohanan at napakalaki ng kinalaman sa buhay natin ngayon—at hindi ito laging kasing kumplikado ng tulad ng iniisip mo. Bagama’t ang ibig sabihin ng mga lihim na pagsasabwatan ay “isang samahan ng mga tao na pinag-isa ng mga sumpa upang isagawa ang masasamang layunin ng pangkat,” narito ang ilan pang mga sitwasyon na kwalipikado rin bilang lihim na pagsasabwatan:
-
“Kapag ang mga tao ay nagsasabwatan upang itago ang kanilang masasamang gawain”
-
Kapag ang mga tao ay gumamit ng masasamang paraan upang “makakuha ng kapangyarihan at makinabang” (Eter 8:23)
-
Kapag ang “mga gang, drug cartel, at mga organisadong pamilya ng krimen” ay gumagawa ng mga krimen at mga karahasan
Mas pamilyar ako sa mga kahulugang ito. Parang ganito ang nakikita ko tuwing nagbabasa ako ng mga balita. At hindi ito dapat ikagulat—ang mga lihim na pagsasabwatan ay umiiral na mula pa noong panahon ni Cain (tingnan sa Eter 8:15), at si propetang Moroni ay kaagad na nagbabala sa atin na kailangan nating patuloy na iwasan ang mga ito (tingnan sa Eter 8:23).
Kaya paano natin masisiguro na hindi maaapektuhan ang ating buhay ng espirituwal na kapahamakang dulot ng “mga nakamamatay na pagsasabwatan” (Eter 8:23)?
Ang Tagapagligtas ay “Hindi Gumagawa sa Kadiliman”
Ang lihim na pagsasabwatan ay udyok ni Satanas; kanyang “inudyukan ang mga anak ng tao sa mga lihim na pagsasabwatan” (2 Nephi 9:9). At dahil alam natin na si Satanas ay gumagawa sa kadiliman (tingnan sa Eter 8:16), makatuwiran na ang panlaban ay ang kasalungat nito: liwanag. Ang Tagapagligtas ay “hindi gumagawa sa kadiliman” (2 Nephi 26:23). Sa halip, Siya ay liwanag:
-
“Ang tunay na ilaw na tumatanglaw sa bawat dumarating sa sanlibutan (Juan 1:9)
-
“Ang ilaw na nagliliwanag sa kadiliman” (Doktrina at mga Tipan 6:21)
Itinuro sa atin ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pagkakaiba ng pamumuhay sa kadiliman at pamumuhay nang may banal na liwanag:
“Binabawasan ng kadiliman ang ating kakayahang makakita nang malinaw. Pinalalabo nito ang ating pananaw tungkol sa alinmang simple at malinaw na. Kapag tayo ay nasa kadiliman, mas malamang na makagagawa tayo ng mga maling pagpili dahil hindi natin nakikita ang mga panganib sa ating landas. …
“Ang liwanag, sa kabilang banda, ay tumutulong sa atin na makita ang mga bagay sa kung ano talaga ang mga ito. Tumutulong ito sa atin na makilala ang tama at mali, ang mahalaga at ang di-gaanong mahalaga.”
Paano Tayo Makakapag-anyaya ng Liwanag sa Ating Buhay?
Hindi lang natin kailangan ang liwanag ng Tagapagligtas sa oras na may kinakaharap tayong kasingtindi ng lihim na pagsasabwatan—kailangan natin ito sa lahat ng oras. Kaya paano natin patuloy na maaanyayahan ang liwanag sa ating buhay?
Binigyan tayo ni Pangulong Uchtdorf ng tatlong paraan:
Kung nais nating dalhin ang Liwanag ni Cristo sa ating mga komunidad, maibabahagi natin ang ating mga patotoo. Ipinaliwanag ni Pangulong M. Russell Ballard (1928–2023) na “winasak [ng mga Lamanita] ang impluwensya ng mga tulisan ni Gadianton sa kanilang lipunan sa pamamagitan ng ‘[pangangaral] nila [ng] salita ng Diyos … sa kanila’ [Helaman 6:37].”
Kung sa pakiramdam mo ay nabubuhay ka sa kadiliman—na nahihiya, naliligaw, na parang may kailangan kang itago—dapat mong malaman na hindi sa ganyang paraan kumikilos ang Panginoon. Nais Niyang bumaling ka sa liwanag ng Kanyang pagmamahal, magsisi, bumalik sa Kanya, at patuloy na ibahagi ang iyong liwanag sa mga tao sa paligid mo.
Kapag Kasama si Cristo, Hindi Magtatagumpay ang Kadiliman
Kaya, ano ang punto ni Moroni sa pagtalakay tungkol sa mga lihim na pagsasabwatan? Para matakot at mag-ingat tayo?
Hinding-hindi. Sa katunayan, ang mga dahilan ni Moroni ay puno ng pag-asa:
-
“Upang ang kasamaan ay mawakasan”
-
“Upang si Satanas ay mawalan ng kapangyarihan sa [ating] mga puso”
-
“Upang [tayo] ay mahikayat na patuloy na gumawa ng kabutihan”
-
“Upang [tayo] ay makarating sa bukal ng lahat ng kabutihan at maligtas” (Eter 8:26)
Kapag alam natin ang mga taktika ni Satanas—at higit sa lahat, kapag alam natin kung gaano kalakas ang kapangyarihan ng Ama sa Langit at si Jesucristo—maaari tayong maging handa na labanan ang mga pag-atake sa ating patotoo at manindigan nang matatag laban sa paghila ng mundo. Maaari tayong mag-anyaya ng liwanag sa halip na mamuhay sa kadiliman.
Malalaman natin na “kay Cristo, ang kadiliman ay hindi magtatagumpay.” Dahil “ang kadiliman ay hindi makatatayo sa harap ng maningning na liwanag ng Anak ng Diyos na buhay!”