Lingguhang YA
Paano Ko Madarama ang Pagmamahal ng Diyos Habang Dumaranas Ako ng Depresyon?
Nobyembre 2024


Paano Ko Madarama ang Pagmamahal ng Diyos Habang Dumaranas Ako ng Depresyon?

Nakararanas ako ng clinical depression, ngunit ang malaman na mahal ako ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ay nagbibigay sa akin ng kagalakan at pag-asa.

binatang nakaupo at mukhang malungkot

Habang lumalaki, natanto ko na naaakit ako sa kapwa ko lalaki, na sa una ay naging dahilan ng pag-iisip ko nang negatibo tungkol sa aking sarili. Ang karanasang ito at maraming mga hamon sa aking buhay ang naging sanhi ng aking clinical depression.

Mahal ko ang aking Tagapagligtas at noon pa man ay may matibay na akong patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo, at alam ko na posibleng makatagpo ng kapayapaan, kagalakan, at kapahingahan sa pamamagitan ng pamumuhay ng ebanghelyo. Ngunit dahil nakararanas ako ng problema sa kalusugan ng pag-iisip, mahirap para sa akin na maramdaman ang ipinangakong kapayapaan at kagalakan sa bawat kalagayan.

Tapat ako kay Jesucristo at sa aking mga tipan, ngunit dahil sa depresyon ang tingin ko sa lahat ng bagay ay wala nang pag-asa, at madalas kong itanong sa aking sarili:

“Paano ko madarama ang kagalakan ng pamumuhay ng ebanghelyo at makita ang aking sarili na katulad ng tingin sa akin ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas?”

Nagpasiya akong tumingin sa halimbawa ng Tagapagligtas para sa mga sagot at pagpapagaling.

Unahin ang Tagapagligtas

Habang nag-aaral ako para makahanap ng mga sagot, naisip ko ang mga pagkakataon sa buhay ko na nadama ko ang kadiliman ng depresyon. Natanto ko na ang pag-alaala at pamumuhay tulad ng Tagapagligtas ang seguridad na kakapitan ko kapag nahihirapan ako.

Itinuro ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Malinaw na mayroon tayong Ama sa Langit, na personal na nakakikilala at nagmamahal sa atin at lubos na nakauunawa sa ating mga pagdurusa. Ang Kanyang Anak na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at Manunubos.”

Walang nagdudulot sa akin ng higit na pag-asa kaysa sa simpleng pag-alaala sa Tagapagligtas at na nauunawaan Niya at ng Ama sa Langit ang lahat ng pinagdadaanan ko. Kaya kapag nalulungkot ako, sinisikap ko na Sila ang una at huling iniisip ko araw-araw. Sinisikap kong tiyakin na nakikipag-ugnayan ako sa Kanila, lalo na sa mahihirap na sandali.

Pagninilay-nilay ng tungkol sa Kanyang Katangian

Kapag pinag-aaralan ko ang mga banal na kasulatan, gustung-gusto kong basahin ang tungkol sa katangian ni Cristo. Nakatutulong ito sa akin na palalimin ang aking kaugnayan sa Kanya at sa Ama sa Langit. Sa Aklat ni Mormon, inilarawan si Cristo bilang mahabagin (tingnan sa 3 Nephi 17:6), tagapagtaguyod (tingnan sa 2 Nephi 4:20), at tunay na liwanag at buhay (tingnan sa 3 Nephi 11:11).

Isa sa mga paborito kong titulo ng Tagapagligtas ay ang Tagapamagitan. Dahil sa pananampalataya ko sa Kanya at sa Kanyang Pagbabayad-sala, maaari Siyang magsumamo sa Ama para sa akin at mamagitan para sa akin (tingnan sa Moroni 7:28).

Patuloy na itinuturo sa akin ng mga banal na kasulatan kung gaano ako minamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo, at ito ang nagbibigay sa akin ng kapayapaang inaasam ko sa pinakamahihirap na sandali.

Nalalaman ang Aking Banal na Identidad

Ipinaalala sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson ang tatlong mahahalagang katotohanan tungkol sa ating sarili: una, na tayo ay mga anak ng Diyos; pangalawa, na tayo ay mga anak ng tipan; at pangatlo, na tayo ay mga disipulo ni Jesucristo.

Ang malaman ang mga katotohanang ito ay nakatulong sa akin na madamang may lugar ako sa Simbahan at madama ang perpektong pagmamahal ng Diyos.

Dahil nakakaranas ako ng pagkaakit o atraksyon sa parehong kasarian, sa loob ng mahabang panahon ay hindi ako sigurado kung ano ang magiging bahagi ko sa Simbahan ni Jesucristo. Hindi ko alam kung paano maaayos ang maraming bagay sa buhay ko.

Gayunman, ang pagtuon sa aking banal na identidad ay pumupuno sa akin ng kapayapaan. Ipinapaalala sa akin kung gaano ako kamahal ng Ama sa Langit, at binabago nito ang lahat para sa akin.

Dahil sa aking banal na identidad, alam ko na hindi ako nag-iisa .

Pagbabago ng Aking Tuon

Sinisikap kong daigin ang aking depresyon sa pamamagitan ng pagsisikap na makilala ang aking Tagapagligtas. Kapag nakatuon ako sa Kanyang pagmamahal, natutuklasan ko ang kaligayahang ipinangako Niya sa akin. Kahit hindi lahat ng araw ay maliwanag, nakakapit pa rin ako sa Kanyang walang hanggang liwanag araw-araw, umaasang magiging mas maganda ang bukas.

Tulad ng itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Kung naghahanap tayo ng kagalakan—kung naghahanap tayo ng mga dahilan para magalak at masayang sundin ang Tagapagligtas, matatagpuan natin ang mga ito.

“Bihira tayong makahanap ng isang bagay na hindi natin hinahanap.

“Naghahanap ba kayo ng kagalakan?

“Humanap kayo, at kayo ay makakatagpo.”

Maaari tayong maging masaya, at ang ebanghelyo ni Jesucristo ay para sa lahat, kahit dumaranas tayo ng depresyon o anumang hamon. Iyan ang nagagawa sa atin ng paglapit kay Cristo. Kapag natutuhan natin ang tungkol sa Kanya at sinusunod Siya, madarama natin ang Kanyang mga pangako ng kagalakan, kapayapaan, at kapahingahan.

Si Jesucristo ang tunay kong kaligayahan, at Siya ay maaari mong maging tunay na kaligayahan din.