Lingguhang YA
Kalinisang-Puri: Pagpapatibay sa Pagkaunawa Ko sa Aking Identidad
Nobyembre 2024


“Kalinisang-Puri: Pagpapatibay sa Aking Pagkilala sa Aking Identidad” Liahona, Hunyo 2023.

Mga Young Adult

Kalinisang-Puri: Pagpapatibay sa Aking Pagkilala sa Aking Identidad

Palagi akong hindi komportable sa seksuwal na intimasiya sa labas ng kasal, at itinuro sa akin ng ebanghelyo na balido ang mga nararamdaman ko.

babaeng nakatingin sa isang kompas

Nasa 20 taong gulang ako nang sumapi ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong 2021. Hindi ako talaga namumuhay nang “matuwid”—ang totoo’y kabaligtaran nito ang pamumuhay ko. Bago sumapi sa Simbahan, naninigarilyo ako, umiinom, at napakadalas kong mag-party, na karaniwan sa mga young adult sa Hungary.

Pero kahit binabalewala ko ang mga bagay na ito, hindi ko kailanman nadama na tama ang paggawa nito. Lalo akong hindi komportable pagdating sa seksuwal na pakikipag-ugnayan. Natutuhan ko mula sa mundo na ang layunin ng pagtatalik ay para maaliw at masiyahan ang sarili. Karamihan sa mga tao sa paligid ko ay sang-ayon na hindi ito malaking bagay. Hindi ko hinusgahan ang mga kaibigan ko na may ganitong pananaw, pero natanto ko na ang seksuwal na intimasiya ay hindi totoong walang halaga sa akin.

Kakatwa Ba Ako?

Ikinahiya ko na isa ako sa mga taong “kakatwa” na gustong maghintay hanggang sa maikasal. Naisip ko na maaari akong makipagdeyt sa isang taong ganito rin ang papanaw.

Gayunman, naging mas malakas ang mga pamimilit ng mundo, at nagsimula akong maniwala na napakataas ng mga inaasahan ko. Kaya ibinaba ko ang aking mga pamantayan.

Noong 18 taong gulang ako, idinedeyt ko ang isang tao at sinabi ko sa sarili ko na nagiging madrama ako at umaarteng walang muwang—na ang pakikipagtalik ay hindi kasing-seryoso ng inaakala ko. Nadaig ko ang aking di-komportableng damdamin at naniwalang magiging tama ang pakiramdam ko tungkol dito kalaunan.

Pero hindi ito nangyari.

Naging Kristiyano ako mula pa noong ako ay 16 na taong gulang, pero wala akong batas ng kalinisang-puri na titiyak sa akin na ang likas na nadarama ko ay nagsasabi sa akin kung sino ako—isang anak ng Diyos na karapat-dapat sa pagmamahal at katapatan at kabanalan. Nadama ko ang katotohanang ito pero hindi ako sigurado kung ano ito hanggang sa malaman ko ang tungkol sa ebanghelyo.

Pinalalakas Tayo ng Pananampalataya

Maaaring madaling sumuko sa malalakas na tinig ng mundo. Ngunit bilang mga anak ng Diyos, naniniwala ako na lahat tayo ay may likas na espirituwalidad mula sa Espiritu Santo na maging tapat sa ating banal na pagkatao. Hindi natin kailangang ibaba ang ating mga pamantayan o ikahiya ang ating mga paniniwala. Sa pagsampalataya sa Tagapagligtas na si Jesucristo, maaari tayong maging kakaiba kapag sinusunod natin ang Kanyang mga kautusan.

Palagi kong nadarama na ang seksuwal na intimasiya ay sagrado at mas mahalaga kaysa sa pinalalabas ng mundo. Nilayon ito para tulungan ang mga magkabiyak hanggang sa walang hanggan na palalimin ang kanilang pagmamahal at palakasin ang kanilang mga tipan sa isa’t isa habang bumubuo sila ng selestiyal na ugnayan at pamilya.

Ngunit gayunpaman, nang malaman ko ang tungkol sa ebanghelyo, hindi naging madali ang pagbago sa uri ng pamumuhay ko. Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Pananampalataya ang kailangan para mamuhay nang dalisay kapag isinisigaw ng mundo na makaluma na ang batas ng Diyos sa kalinisang-puri.”1

Sa kabila ng mga pamimilit sa paligid ko, ang pananampalataya ko kay Cristo ay nagpalakas sa akin na sundin ang mga kautusan.

Labis akong nagpapasalamat sa kaloob na pagsisisi at sa suporta at Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Kahit nagkakamali tayo, mapapabanal Niya ang ating kaluluwa laban sa pagkabagabag ng konsiyensya at kahihiyan at bibigyan tayo ng lakas sa mga paraang hindi natin inaakala na posible.

Pag-asa sa Hinaharap

Sa kasalukuyan ay ngumingiti ako sa dati kong ideya na hindi ako makakahanap ng kompanyon na handang sundin ang batas ng kalinisang-puri. Ipinakita sa akin ng pagiging miyembro ng Simbahan na marami sa atin ang nagsisikap para sa parehong mga pamantayan. Ang pamumuhay nang karapat-dapat ay tumutulong sa akin na magkaroon ng tiwala sa aking banal na pagkatao at kapayapaan sa aking puso habang sumusulong ako sa landas ng tipan.

Dumanas ako ng maraming sakit dahil hindi ko ipinamuhay ang batas ng kalinisang-puri. Pero nang hanapin ko si Cristo, nalaman ko kung gaano kalalim ang pagmamahal ng Ama sa Langit. Mapatototohanan ko na ayaw Niya tayong limitahan—nais Niya tayong iligtas mula sa pasakit, pighati, at iba pang mga kalalabasan at ihanda tayo para sa isang mapagmahal, tumatagal, at di-makasariling walang hanggang ugnayan.

Dahil sa Kanyang pagmamahal at mga batas at kaloob na Tagapagligtas, nadarama ko ngayon ang kagalakan, pagtubos, at pag-asa na ibinibigay Nila. Tutal, “Ang pinakadakilang mga pagpapala ng Diyos ay nakalaan para sa mga sumusunod sa Kanyang mga batas. … Ang [Kanyang mga batas] ay ginawa dahil sa Kanyang sukdulang pagmamahal sa atin at ang Kanyang hangarin para sa atin ay maabot ang lahat ng makakaya natin.”2

Alam ko na sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon at sa pagtupad ng mga tipan, mauunawaan ninyo ang Kanyang mga katotohanan at makikita ninyo ang napakaraming natupad na mga pangako at pagpapala sa inyong buhay.

Alam kong nakita ko na ang mga ito.

Ang awtor ay naninirahan sa Hungary.