Liahona
Ano Pa ang Matututuhan Ko mula sa Aklat ni Mormon? Napakarami!
Enero 2024


Digital Lamang: Mga Young Adult

Ano Pa ang Matututuhan Ko mula sa Aklat ni Mormon? Napakarami!

Akala ko alam ko na ang lahat tungkol sa Aklat ni Mormon—mali pala ako.

Drowing ng hagdan paakyat sa ibabaw ng isang Aklat ni Mormon

Noong nasa misyon ako sa Kentucky, marami akong tinuruan tungkol sa Aklat ni Mormon. Nakita ko ang pagtanggi ng mga tao rito at ang lubos na pagtanggap dito ng iba.

Nagkaroon din ako ng karanasan na nagpabago sa buhay ko sa aklat na ito.

Dahil sa Aklat ni Mormon, nakilala ko si Jesucristo, “ang Panginoong Makapangyarihan” (Mosias 3:5). Nalaman ko ang tungkol sa Kanyang walang-hanggang sakripisyo para sa akin, ang walang-hangganang kapangyarihan ng Kanyang biyaya, at ang walang-hanggang pagmamahal Niya at ng Ama para sa ating lahat.

Nang makauwi na ako mula sa misyon, naniwala ako na alam ko na lahat ng dapat malaman tungkol sa Aklat ni Mormon. Hindi ko ipinagsigawan iyon kailanman, siyempre—pero sa pagbabalik-tanaw, ang saloobing ito ay nakaimpluwensya sa paraan ng pag-unawa ko sa mga banal na kasulatan pagkatapos ng aking misyon.

At hindi sa mabuting paraan.

Mula sa Nag-aalab na Patotoo Tungo sa Pagiging Kampante

Nang pag-aralan ko ang mga banal na kasulatan, madalas kong balikan ang mga pamilyar na talata nang paulit-ulit—karaniwa’y para alalahanin at pagtibayin ang mga bagay na natutuhan ko noon. Talagang sinikap kong patuloy na pagnilayan ang mga banal na kasulatan para may matutuhan akong bago, pero kailanma’y hindi ko nadama na may natuklasan ako. Ang dati kong kasigasigan sa Aklat ni Mormon ay nagsimulang manghina.

Hindi nagtagal pagkauwi ko, nagsimula rin ako sa isang bagong trabaho, at ang dati’y buong isang oras kong pag-aaral ng mga banal na kasulatan noong nasa misyon ako ay naging 30 minuto na lang. Pagkatapos ay tumanggap ako ng isang calling , at ang 30 minutong iyon ay naging 15 minuto. Pagkatapos buong tag-init akong naglingkod bilang FSY counselor. At ginamit ko ang halos lahat ng oras ko sa pag-aaral sa pagrerebyu ng iilang talata na paulit-ulit kong ibinahagi sa mga kabataan linggu-linggo.

Alam ko na gustung-gusto ng Ama sa Langit ang anumang panahong isinantabi ko para pag-aralan ang Kanyang salita. Pero, sa totoo lang, hindi ko nadama na sinusunod ko ang paanyaya ni Nephi na “magpakabusog sa mga salita ni Cristo” (2 Nephi 32:3). Nakumbinsi ko ang sarili ko na wala nang anumang bagong matututuhan. Sa halip na magpakabusog sa Aklat ni Mormon, tumikim-tikim na lang ako.

Nagpatuloy ang pagkakampanteng ito hanggang sa unang semestre ko sa Brigham Young University, kung saan ay dumalo ako sa isang klase sa Aklat ni Mormon. Sa unang araw, tumayo ang propesor ko sa harap ng klase namin. Nang tinitigan niya kami nang may kabaitan pero matalim, sinabi niya, “Ang mithiin ko sa klaseng ito ay para kumbinsihin kayo na wala kayong alam sa Aklat ni Mormon—kahit ano.”

Naintriga ako rito, pero parang mas katulad ito ng maikling sinasabi ng mga propesor para lang makinig ka sa halip na isang tunay na pangako.

Mabuti na lang, maling-mali pala ako.

Isang Nagpapanariwang Pagtingin

Bilang bahagi ng klase, inatasan kami ng aking propesor na basahin ang Aklat ni Mormon. Hindi lang para buksan ito at tingnan nang pahapyaw ang mga salita o pasadahan ang isang kabanata para maalala ang kuwentong maaaring nabasa na natin nang isang milyong beses.

Gusto niya talagang magbasa kami.

Halimbawa, itinuro niya sa amin na wala man lang pagbabantas ang orihinal na manuskrito ng Aklat ni Mormon—at pinadagdagan niya sa amin ng bantas ang isang mahaba at nakalilitong sipi mula sa Alma 13 para ituro sa amin ang mga kaibhang magagawa ng mga kuwit at tuldok. Ipinabasa niya sa amin ang iisang talata na kaagapay ang 1828 na diksyunaryong Webster, na hinahanap ang mahahalagang salita na masyadong magkakaiba ang kahulugan kaysa una kong ipinalagay.

Nahamon sa klase ang maraming mahahalagang palagay ko kung ano nga ba ang Aklat ni Mormon. Hindi ko kailanman natanto, halimbawa, na isinulat ni Nephi ang 1 Nephi nang maraming taon matapos silang maglakbay ng kanyang pamilya papunta sa lupang pangako (tingnan sa 1 Nephi 9:1–5; 2 Nephi 5:28–31).

Natuklasan ko rin kung ilan sa malalalim na kapintasan ng kultura ng mga Nephita ang may nakakagulat na pagkakatulad sa mga hamong kinakaharap ng sarili nating mga kultura ngayon.

Naunawaan ko ang maingat at sinadyang mga mensaheng ikinintal nina Mormon, Moroni, at iba pa partikular na para sa atin—at gaano nila labis na inaalala na hindi tayo maipit sa matinding pag-aalinlangan at pagdududa sa mundo.

Ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson na “ang Aklat ni Mormon ay tunay na salita ng Diyos. Nilalaman nito ang mga sagot sa pinakamahahalagang tanong sa buhay. Itinuturo nito ang doktrina ni Cristo. Pinalalawak at ipinaliliwanag nito ang maraming ‘malilinaw at mahahalagang’ [tingnan sa 1 Nephi 13:29–33] katotohanan na nawala sa paglipas ng mga siglo at maraming pagsasalin ng Biblia.

“Ang Aklat ni Mormon ay nagbibigay ng ganap at lubos na mapaniniwalaang kaalaman tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo na matatagpuan sa buong aklat.”1

Nagsimulang magbago ang aking buong pananaw at patotoo sa aklat na ito nang pagnilayan ko ang mga katotohanang ito.

Palaging Marami pang Dapat Matutuhan

Sa pamamagitan ng tunay na pagpapakabusog sa mga salita nito, natuklasan ko na inihahayag ng Aklat ni Mormon kung sino si Jesucristo—hindi lamang sa doktrina, kundi nang personal at buong katapatan. Taglay ng aklat ang Kanyang lagda sa bawat pahina. Ito ay isang walang-hanggang talaan na nagpapatotoo kung paano Niya hindi nalilimutan ang Kanyang mga pinagtipanang tao at hindi Niya sila kailanman kalilimutan.

Itinuro din ni Pangulong Nelson: “May makapangyarihang nangyayari kapag hangad ng isang anak ng Diyos na malaman pa ang tungkol sa Kanya at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak. Walang ibang lugar na itinuro [ang mga katotohanang ito nang mas malinaw at makapangyarihan kaysa sa Aklat ni Mormon.”2

Hindi ko masasagot ang lahat ng tanong sa buhay. Pero naunawaan ko na hindi ko nalaman ang lahat ng dapat malaman tungkol sa Aklat ni Mormon mula sa aking misyon—laging marami pang dapat matutuhan at maidaragdag sa ating pananampalataya.

Madali tayong gawing kampante ng ating mga abalang iskedyul sa pag-aaral ng ating mga banal na kasulatan. Maaari nating agad na maipalagay na nalaman na natin ang lahat ng dapat malaman. Pero nalaman ko na ang Aklat ni Mormon ay maaaring patuloy na magbigay sa atin ng marami pang iba. Kung nais mong mapanibago ang iyong pananaw sa mga banal na kasulatan, gawing prayoridad ang pag-aaral. Ang patuloy na pagkakaroon ng bukas na puso’t isipan para mapalalim ang iyong pagbabalik-loob kay Jesucristo at maragdagan pa ang iyong kaalaman ay tutulong sa iyo na tunay na “magpakabusog” sa salita ng Diyos. Nangyari na ito sa akin.