“Ako ba ay ‘Nagtatampisaw’ o ‘Sumisisid’?,” Liahona, Ene. 2024.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Ako ba ay “Nagtatampisaw” o “Sumisisid”?
Sa panaginip ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay (tingnan sa 1 Nephi 8), bakit sa palagay mo iniwan ng ilang tao ang punungkahoy samantalang nanatili ang iba sa tabi ng punungkahoy para kumain ng bunga? Nangaligaw ang ilan sa mga taong kumain ng bunga, nahiya sa maraming taong nanlilibak na nasa malaki at maluwang na gusali. Ang isang mahalagang kaibhan sa pagitan ng mga grupong iyon ay may kinalaman sa ginawa nila bago sila nakarating doon: kung paano sila humawak sa gabay na bakal—ang salita ng Diyos.
Pagkapit o Paghawak nang Mahigpit
Nakita ni Lehi yaong mga “nagpapatuloy sa paglalakad … mahigpit na nakakapit sa gabay na bakal” at yaong mga “nagpatuloy … sa kanilang paglalakad, patuloy na humahawak nang mahigpit sa gabay na bakal” (1 Nephi 8:24, 30; idinagdag ang diin).
Sinabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na tatlong grupo ang nagsimula sa landas, pero dalawang grupo lamang ang nakahawak sa gabay na bakal:
“[Ang pangalawang grupo ay] mayroon [ding] dagdag na pagpapala ng gabay na bakal, at sila ay mahigpit na nakakapit dito! … Ang pagkapit nang mahigpit sa gabay na bakal ay nagpapahiwatig sa akin ng paminsan-minsang ‘kasiglahan’ sa pag-aaral o panaka-naka sa halip na ganap at patuloy na pagtutuon sa salita ng Diyos. …
“Ang pangatlong grupo ay nagpatuloy rin sa paglakad nang may pananampalataya at pananalig; gayunman, walang pahiwatig na sila ay nagpagala-gala.… Marahil ang pangatlong grupong ito ng mga tao ay palagiang nagbasa at [nag-aral] at [nagsaliksik ng] mga banal na kasulatan. … Ito ang grupong dapat nating pagsikapang salihan.”1
Tayo ba ay “nagtatampisaw” o “sumisisid” pagdating sa pagdanas ng salita ng Diyos? Bagama’t parehong nababasa ang mga nagtatampisaw at ang mga sumisisid, ang karanasan ng mga sumisisid ay mas nakakaengganyo at palagian na maaaring maghatid ng patuloy na kasiyahan.