Digital Lamang
Edukasyon—Isang Mahalagang Pundasyon sa Pagsasakatuparan ng Ating mga Misyon
Mula sa “The Education, the Mission, and the World,” isang mensahe sa debosyonal na ibinigay sa mga estudyante sa Brigham Young University–Hawaii noong Pebrero 28, 2023. Para sa buong mensahe, bisitahin ang speeches.byu.edu.
Kailangang malaman ng mundo ang nalalaman ninyo tungkol sa nakamamanghang mga pagpapalang ibinibigay ni Jesucristo sa mga sumusunod sa Kanya.
Mahal kayo ng Panginoon at umaasa Siya na dadalhin ninyo ang Kanyang liwanag sa lahat ng nakakasalamuha ninyo. Nais Niyang maging tanglaw ang inyong buhay sa inyong mga kaibigan at kamag-anak. Inaasahan Niya na patototohanan ninyo ang realidad ng ating Ama sa Langit—na lahat tayo ay Kanyang anak sa espiritu at, samakatwid, ang buong sangkatauhan ay ating mga kapatid. Inaasahan din ng Panginoon na patototohanan ninyo ang Kanyang sagradong misyon dito sa lupa—na Siya ang Anak ng buhay na Diyos, na Siya ay nabuhay, na Siya ay buhay, at na Siya ay paparito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:6).
Edukasyon Bilang Isang Responsibilidad sa Relihiyon
Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, na ating propeta, sa mga young adult noong Mayo 2022: “Napakahalaga ng edukasyon. Itinuturing ko itong isang responsibilidad sa relihiyon.”1 Hindi itinuturing ng Panginoon na hiwalay at naiiba ang edukasyon sa espirituwalidad.
Sa katunayan, sa Doktrina at mga Tipan 88:77–78, binigyan Niya tayo ng isang kautusan na “turuan … ang isa’t isa,” na nangangako na tutulungan tayo ng Kanyang biyaya na matutuhan ang “lahat ng bagay na nauukol sa kaharian ng Diyos.” At ano ang mga bagay na iyon na nauukol sa Kanyang kaharian? Maaari kayong magulat sa nakalista sa talata 79 dahil hindi lamang mga paksa ng ebanghelyo na tulad ng pananampalataya at pagsisisi ang kasama rito. Kasama rin dito (pati na ang ilan sa mga posibleng iniisip ko kung paano maaaring nauugnay ang mga ito sa maaari nating pag-aralan) ang:
-
“Mga bagay … sa langit”: Ang mga bituin at planeta? Ang atmospera ng mundo? Pagpapalipad ng sasakyang panghimpapawid? (Palagay ko sasang-ayon sa akin si Elder Uchtdorf!)
-
“Mga Bagay … sa lupa”: Konstruksyon? Manufacturing? Mga proseso sa industriya? Information technology? Agham sa kalusugan at lahat ng bunga nito? Zoology? Biology? Biochemistry? Agrikultura?
-
“Mga Bagay … sa ilalim ng lupa”: Geology? Mineralogy? Oceanography? Marine biology?
-
“Mga bagay na nangyari na”: Kasaysayan?
-
“Mga bagay na nangyayari”: Mga kasalukuyang kaganapan? Political science? Sociology? Business? Patakarang pampubliko?
-
“Mga bagay na malapit nang mangyari”: Pag-uulat ng magiging kalagayan ng panahon? Mga financial projection? Pagsusuri sa mga posibleng pandemya? Mga pag-unlad sa teknolohiya?
-
“Mga bagay na nasa tahanan”: Mga nangyayari sa loob ng bansa tulad ng edukasyon, mga buwis, batas, mga lokal na proyekto ng pag-unlad sa lungsod, at pagpaplano sa produksyon ng pagkain?
-
“Mga bagay na nasa ibang bansa”: Mga nangyayari sa ibang mga bansa? Mga ugnayang pandaigdig? Diplomasya?
-
“Ang mga digmaan at ang mga bumabagabag sa mga bansa, at ang mga kahatulan na nasa lupa; at kaalaman din tungkol sa mga bansa at sa mga kaharian”: Iba’t ibang uri ng pamahalaan, mga kultura, at mga wika? Anthropology? Mga tradisyon sa sining at panitikan sa buong mundo?
Wow! Higit pa iyan sa matututuhan natin habambuhay (at natitiyak ko na nais ng Panginoon na matutuhan pa rin natin ang iba!).
At bakit gusto Niyang matutuhan natin ang lahat ng ito?
Hindi lang ito para makakuha ka ng magandang trabaho—bagama’t mahalaga iyan sa Kanya. Ngunit mas malawak kaysa riyan ang Kanyang pananaw, at may mas walang-hanggang mga ibubunga ang Kanyang layunin. Ipinaliwanag ito sa talata 80: “Upang kayo ay maging handa sa lahat ng bagay kapag kayo ay muli kong isusugo upang gawin ang tungkulin kung saan ko kayo tinawag, at ang misyon na aking iniatas sa inyo.”
Edukasyon Bilang Paghahanda para sa Ating mga Misyon
Mukhang ito ang dakilang layunin ng edukasyon—ang maging handa para sa misyon na ibinigay sa atin ng Diyos, na maging handa kapag muli Niya tayong isinugo.
Maaaring sabihin ng ilan sa inyo, “Isusugo akong muli? Nagmisyon na ako. Isusugo ba akong muli?”
Ang totoo, mayroon lamang iisang misyon. Kung naglingkod ka sa full-time mission, kagila-gilalas na panahon iyan ng paglilingkod na nakatuon sa Panginoon. Pero hindi ito ang simula ni ang katapusan ng misyon na isasakatuparan ninyo kaya Niya kayo isinugo rito. At ano ang misyong iyon? Isipin ang mga deskripsyong ito mula sa mga banal na kasulatan:
-
“Tayo ay lilikha ng mundo kung saan [makapaninirahan ang mga anak ng Diyos]; at susubukin natin sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos” (Abraham 3:24–25).
-
Kina Adan at Eva, sinabi ng anghel ng Panginoon, “Gawin mo ang lahat ng iyong ginagawa sa pangalan ng Anak, at ikaw ay magsisi at manawagan sa Diyos sa pangalan ng Anak magpakailanman” (Moises 5:8). At “ipinaalam [nina Adan at Eva] ang lahat ng bagay sa kanilang mga anak na lalaki at babae” (Moises 5:12).
-
Pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, sinabi ng Tagapagligtas kay Pedro, “Pakainin mo ang aking mga tupa” (Juan 21:17), at sa Kanyang mga disipulo, “Kaya’t sa paghayo ninyo, gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo: at turuan silang sundin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo. At narito, ako’y kasama ninyong palagi, hanggang sa katapusan ng [mundo]” (Mateo 28:19–20).
-
Nang magpakita si Cristo sa mga lupain ng Amerika, sinabi Niya, “Ang mga gawang nakita ninyong ginawa ko ay siya rin ninyong gagawin” (3 Nephi 27:21).
-
Sa panahon ni Joseph Smith, sinabi Niya: “Ngayon masdan, isang kagila-gilalas na gawain ang lalaganap sa mga anak ng tao. Samakatwid, O ikaw na humaharap sa paglilingkod sa Diyos, tiyaking pinaglilingkuran mo siya nang buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas, upang ikaw ay makatayong walang-sala sa harapan ng Diyos sa huling araw. Samakatwid, kung ikaw ay may mga naising maglingkod sa Diyos ikaw ay tinatawag sa gawain” (Doktrina at mga Tipan 4:1–3).
-
At ngayon, sa pamamagitan ng buhay na propeta ng Panginoon, si Pangulong Russell M. Nelson, sinasabi Niya sa atin: “Ang pagtitipon ng Israel ang pinakamahalagang gawaing nangyayari sa mundo ngayon. Ang isang mahalagang elemento ng pagtitipong ito ay ang paggayak sa mga taong may kakayahan, handa, at karapat-dapat na tumanggap sa Panginoon kapag pumarito Siyang muli; mga taong pinili si Jesucristo kaysa sa masamang mundong ito; mga taong nagagalak sa kanilang kalayaang isabuhay ang mga nakatataas at mas banal na batas ni Jesucristo. Nananawagan ako sa inyo, mahal kong mga kapatid, na kayo ang maging mabubuting taong ito. Itangi at igalang ang inyong mga tipan nang higit kaysa sa lahat ng iba pang pangako. … [Hayaang] manaig ang Diyos sa inyong buhay.”2
Kung maibubuod ko, kung gayon, ang ating misyon, sasabihin ko na ito iyon:
-
Sundin ang mga utos ng Diyos, ang Kanyang mas mataas at mas banal na batas.
-
Sundin si Jesucristo nang buong puso, na ginagawa ang lahat sa Kanyang pangalan.
-
At ipaalam ang lahat ng ito sa iba pang mga anak ng Diyos, na tinitipon sila pabalik sa Kanya bilang paghahanda sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.
Paano ka maaaring tulungan ng edukasyon na maghanda para sa misyong ito? Maraming posibleng sagot sa tanong na ito, pero narito ang ilang mga ideya:
-
Ang pag-aaral tungkol sa langit at sa lupa ay maaaring magpalalim sa pagpipitagan natin kay Jesucristo, na lumikha sa mga iyon.
-
Ang pag-aaral tungkol sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ay maaaring magbukas sa ating mga mata sa mga bunga ng pagsunod—at pagsuway—sa mga utos ng Diyos sa buong kasaysayan ng sangkatauhan.
-
Ang pag-aaral tungkol sa “mga bumabagabag sa mga bansa, … sa mga bansa at sa mga kaharian” ay maaari tayong gawing mas sensitibo sa mga pagkakaiba sa kultura. Kapag mas alam natin ang nasa puso ng mga tao sa mundo—ang kanilang mga pangangailangan, pinahahalagahan, at ang mahalaga sa kanila—mas handa tayong ibahagi ang ebanghelyo sa kanila sa paraang mauunawaan, tatanggapin, at pahahalagahan nila.
Lubos akong nagtitiwala na magagawa natin ang misyong ito dahil naisakatuparan na ni Jesucristo ang Kanyang gawain. Ang ating tagumpay ay nakadepende sa Kanya, at naging tapat Siya sa misyong ibinigay sa Kanya ng Kanyang Ama—isang misyon na Siya lamang ang makatutupad.
Pinatototohanan ko na isinakatuparan ni Jesucristo ang Kanyang misyon upang maisakatuparan ninyo ang inyong misyon. “Namuno S’ya at landas ay ‘tinuro.”3 Ang misyon ninyo ngayon ay sundan ang Kanyang landas—ang landas ng tipan—at ipaalam ito sa lahat. Sabi nga ni Lehi, “Anong laking kahalagahan na ang mga bagay na ito ay ipaalam sa mga naninirahan sa mundo” (2 Nephi 2:8). Ipaalam ito sa inyong mga anak, sa inyong mga kapatid, sa mga tupa ng Panginoon, sa lahat ng bansa—maging hanggang sa katapusan ng mundo. Ipaalam ito sa salita at sa halimbawa, na ibinabahagi at ipinamumuhay ang nalalaman ninyo tungkol sa Tagapagligtas. Ipaalam ito sa pamamagitan ng paglilingkod sa Diyos at sa Kanyang mga anak nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas sa kamangha-manghang gawaing ito ng pagtitipon ng Israel, ng paghahanda sa mga taong may kakayahan, handa, at karapat-dapat na tanggapin ang Panginoon sa Kanyang pagbabalik.
Mga Pag-iingat Laban sa Sanlibutan
Ito ang inyong misyon, at talagang kamangha-mangha ang misyong ito. Kailangan ng mundo ang maiaalok ninyo bilang isang sumusunod sa tipan ni Cristo. Ang hamong kakaharapin ninyo ay na kailangan ninyong mamuhay sa mundong iyon habang isinasakatuparan din ang inyong mahalagang misyon. At kumplikado ang mundong ito, kung saan ang kaaway ay gumagamit ng mga tusong sandata, na naghahangad na linlangin kayo, ginagawang tama ang mali, o unti-unting binabaligtad ang dating tama hanggang sa ito ay maging mali.
Sinabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2022, “Dahil sa mga pang-araw-araw na gawain sa buhay at kaguluhan ng [kasalukuyang] mundong ginagalawan natin, maaaring mapalayo tayo sa walang-hanggang mga bagay na pinakamahalaga sa pamamagitan ng [pagbibigay ng pangunahing prayoridad] sa kasiyahan, kayamanan, katanyagan, at karangyaan.”4
Paano ito nangyayari sa ating buhay? Parang ganito iyon:
-
Bumili tayo ng isang pares ng itim na sapatos na pangtrabaho. Sa paglipas ng panahon, kinailangan natin ng isang pares na brown para sa Sabado’t Linggo. Pagkatapos ay kinailangan natin ng isang pares na asul para iterno sa bagong damit na kabibili lang natin, pero hindi iyon bagay sa paborito nating damit—mas bagay roon ang puting sapatos. Hindi nagtagal mayroon na tayong 10 o 15 pares ng sapatos. Gayunman, iisang pares pa rin ang mga paa natin!
-
Kasama ang ating asawa, magpapasiya tayo na ang pag-uukol ng oras na magkasama-sama ang pamilya ay isang mahalagang prayoridad. Tutal, sinasabi sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” na “ang mga matagumpay na buhay mag-asawa at mag-anak ay itinatatag at pinananatili sa mga alituntunin [bukod sa iba pang mga bagay] ng kapaki-pakinabang na mga gawaing panlibangan.” Kaya nagpapasiya tayo na taun-taon ay magkakaroon ng kapana-panabik na bagong pamamasyal ang ating pamilya. Sa paglipas ng panahon, mas humahaba ang mga paglalakbay. Umaabot ang mga iyon hanggang sa mga araw ng Linggo, sa mga lugar na walang chapel para makadalo sa mga miting sa araw ng Linggo. Nagiging mas magastos din ang mga iyon, at sa huli ay ginugugol na natin ang lahat ng mayroon tayo—pati na ang ilang bagay na wala tayo! Palagay ko narinig na ninyo ang pahayag na ito: “Bumibili tayo ng mga bagay na hindi natin kailangan, gamit ang perang wala sa atin, para pahangain ang mga taong hindi natin gusto!” Pero inilalagay natin ang lahat ng larawan sa ating social media page, at umaasam tayo na maraming magkakagusto rito!
Tinukoy ni Pangulong Nelson ang hamong ito nang sabihin niyang: “Ano ang ibig sabihin ng daigin ang mundo? Ang ibig sabihin nito ay pagdaig sa tukso na higit na pahalagahan ang mga bagay ng mundong ito kaysa sa mga bagay ng Diyos. Ang ibig sabihin nito ay pagtitiwala sa doktrina ni Cristo kaysa sa mga pilosopiya ng mga tao. Ang ibig sabihin nito ay pagkalugod sa katotohanan, pagtuligsa sa panlilinlang, at pagiging ‘mga mapagpakumbabang tagasunod ni Cristo.’ Ang ibig sabihin nito ay pagpiling umiwas sa anumang nagpapalayo sa Espiritu. Ang ibig sabihin nito ay pagiging handang ‘talikuran’ maging ang mga paborito nating kasalanan.”5
Alalahanin ang mga turong ito ng ating propeta. Isulat ang mga ito, at basahing muli ang mga ito kapag natutukso ka ng mga alalahanin ng mundong ito:
-
Mas pahalagahan ang mga bagay ng Diyos kaysa sa mga bagay ng mundong ito.
-
Mas magtiwala sa doktrina ni Cristo kaysa sa mga pilosopiya ng mga tao.
-
Maghangad at malugod kayo sa walang-hanggang katotohanan, ayon sa matatagpuan sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga buhay na propeta at apostol.
-
Maging mapagpakumbabang alagad ni Cristo.
-
Umiwas sa anumang nagpapalayo sa Espiritu. Ang Banal na Espiritu ay totoo, at isa itong napakagandang kaloob sa inyong buhay. Maaari at dapat ninyong hangarin palagi ang mga pahiwatig ng Espiritu.
-
Talikuran ang mga paborito ninyong kasalanan!
Binanggit din ni Pangulong Nelson ang pangakong ito na nagmula kay Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994):
“Matutuklasan ng mga lalaki at babaeng [ipinauubaya] ang kanilang buhay sa Diyos na mas marami Siyang magagawa sa kanilang buhay kaysa magagawa nila. Palalalimin Niya
-
ang kanilang mga kagalakan,
-
palalawakin ang kanilang pananaw,
-
pasisiglahin ang kanilang mga isipan, …
-
pasisiglahin ang kanilang espiritu,
-
pararamihin ang kanilang mga pagpapala,
-
daragdagan ang kanilang mga oportunidad,
-
aaliwin ang kanilang mga kaluluwa,
-
bibigyan sila ng mga kaibigan, at
-
magbubuhos ng kapayapaan.”6
Sa totoo lang, mayroon bang anumang bagay sa mundo na maikukumpara sa inaalok sa inyo ng Panginoon?
Kailangang malaman ng mundo ang nalalaman ninyo tungkol sa nakamamanghang mga pagpapalang ibinibigay ni Jesucristo sa mga sumusunod sa Kanya.
Umaasa ang Panginoon sa Inyo
Magtatapos ako sa isinulat ko sa simula: Mahal kayo ng Panginoon at umaasa Siya na dadalhin ninyo ang Kanyang liwanag sa lahat ng mga nakakasalamuha ninyo. Nais Niyang maging tanglaw ang inyong buhay sa inyong mga kaibigan at kamag-anak. Inaasahan Niya na patototohanan ninyo ang realidad ng ating Ama sa Langit at ang sagradong misyon ng Panginoon sa mundong ito.
Mahalaga ang inyong pag-aaral sa misyon na ibinigay sa inyo ng Diyos. At mahalaga at kailangang-kailangan ang inyong misyon sa mundo ngayon.