Liahona
Ang Pinakamahalagang Tauhan sa Aklat ni Mormon
Enero 2024


“Ang Pinakamahalagang Tauhan sa Aklat ni Mormon,” Liahona, Ene. 2024.

Welcome sa Isyung Ito

Ang Pinakamahalagang Tauhan sa Aklat ni Mormon

Maraming taon na ang nakararaan, inanyayahan ako ng aking mga ministering brother na taimtim na pag-aralan ang Aklat ni Mormon. Nang ibigay nila sa akin ang paanyayang ito, natanto ko na, bagama’t nagbabasa ako ng kaunti mula sa Aklat ni Mormon araw-araw, hindi ko ito taimtim na pinag-aaralan.

Ibinahagi nila sa akin ang isang pangako na batay sa mga salita ni Pangulong Ezra Taft Benson: “May kapangyarihan sa [Aklat ni Mormon] na magsisimulang dumaloy sa inyong buhay sa sandaling simulan ninyong [taimtim na] pag-aralan ang aklat. Magiging mas malakas kayo para labanan ang tukso … iwasan ang panlilinlang … manatili sa makipot at makitid na landas” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 164).

Tinanggap ko ang kanilang paanyaya, at sa sumunod na mga buwan nakita ko na natupad ang kanilang pangako. Nabago nito ang buhay ko.

Ang isang pangunahing dahilan kaya tayo binibigyan ng Aklat ni Mormon ng espirituwal na lakas ay na mas inilalapit tayo nito kay Jesucristo. Sa artikulo ni Pangulong Henry B. Eyring sa pahina 4, isinulat niya, “Ang mga taong taos-pusong binabasa ang Aklat ni Mormon, ipinamumuhay ang mga tuntunin nito, at ipinagdarasal ang katotohanan nito ay madarama ang Espiritu Santo at lalago ang kanilang pananampalataya at patotoo sa Tagapagligtas.”

Si Jesucristo ang pinakamahalagang tauhan sa Aklat ni Mormon. Bilang coauthor ko, ibinahagi namin ni Madison Sinclair sa aming artikulong, “Si Jesucristo sa Aklat ni Mormon” (pahina 10), na mahigit 7,000 beses na tinukoy ang Tagapagligtas sa Aklat ni Mormon.

Alam ko na kapag pinag-aralan natin ang Aklat ni Mormon ngayong taon sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, mas mapapalapit tayo kay Jesucristo.

Nagmamahal,

John Hilton III

Professor of Religious Education, Brigham Young University

babaeng nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Larawang-guhit ni J. Kirk Richards