Liahona
Si Jesucristo sa Aklat ni Mormon
Enero 2024


“Si Jesucristo sa Aklat ni Mormon,” Liahona, Ene. 2024.

Si Jesucristo sa Aklat ni Mormon

Ilang beses binanggit ang Panginoon sa Aklat ni Mormon?

si Jesucristo na naglilingkod sa mga tao sa mga lupain ng Amerika

Sino ang masasabi mong pangunahing tauhan sa Aklat ni Mormon? Bagama’t maaaring imungkahi ng ilan sina Nephi, Alma, o Mormon, ang tunay na pangunahing tauhan ay si Jesucristo. Isinulat ni Nephi:

“Masigasig kaming gumagawa upang makasulat, upang hikayatin ang ating mga anak … na maniwala kay Cristo. …

“At nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo” (2 Nephi 25:23, 26).

Noong 1978, naglathala si Susan Ward Easton ng isang napakahalagang artikulo, na ipinapakita sa bilang na si Jesucristo ang pangunahing tauhan sa Aklat ni Mormon. Tinukoy niya ang iba’t ibang titulo ni Jesucristo at ipinakita na 3,925 beses binanggit ang Kanyang pangalan o titulo sa Aklat ni Mormon, na lumalabas na minsan kada 1.7 talata.1

Ang mahalagang pag-aaral na ito ay nagtatampok sa kahalagahan ng Tagapagligtas sa Aklat ni Mormon; gayunman, masyado nitong pinababa ang bilang ng dalas ng pagbanggit kay Cristo dahil hindi nito isinama ang mga panghalip na tumutukoy sa Kanya.

Sa huli, hindi ang bilang ng mga pagtukoy kay Jesucristo ang pinakamahalagang detalyeng malalaman mula sa Aklat ni Mormon; gayunman, bawat pagtukoy sa Kanya ay makapagtuturo sa atin tungkol sa Kanyang likas na kabanalan at misyon. Sinuri naming mabuti ang Aklat ni Mormon, na naghahanap ng lahat ng pagbanggit kay Jesucristo, pati na ang mga titulo at panghalip. Natukoy namin ang 7,452 kabuuang reperensya—na karaniwan ay mahigit sa isang reperensya kada talata.2 Ang mga titulo ni Cristo ang bumubuo sa halos 50 porsiyento ng mga pagtukoy kay Cristo sa Aklat ni Mormon, at ang nalalabi ay nagmumula sa mga panghalip.

Ang paghahanap kay Jesucristo ay naglalaan ng kakaibang paraan ng pagkatuto tungkol sa Kanya. Isipin kung paano Siya binibigyang-diin sa sumusunod na talata: “[Magsimulang] maniwala sa Anak ng Diyos, na siya ay paparito upang tubusin ang kanyang mga tao, at na siya ay magpapakasakit at mamamatay upang magbayad-sala para sa kanilang mga kasalanan; at na siya ay mabubuhay na mag-uli mula sa patay, na papapangyarihin ang pagkabuhay na mag-uli, upang ang lahat ng tao ay tumindig sa kanyang harapan, upang hatulan sa huli at araw ng paghuhukom, alinsunod sa kanilang mga gawa” (Alma 33:22; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Sa orihinal na pag-aaral ni Sister Easton, ang talatang ito ay mabibilang na isang pagtukoy kay Cristo mula sa titulong “Anak ng Diyos.” Gayunman, binanggit ang Tagapagligtas nang limang beses. Binibigyang-diin ng talatang ito hindi lamang na si Jesucristo ang Anak ng Diyos kundi na Siya rin ang tutubos sa atin sa pamamagitan ng Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli at hahatol sa atin.

Ang lubos na makapangyarihan marahil, ang pagtukoy ni Cristo ang Kanyang Sarili sa Aklat ni Mormon. Halimbawa, mababasa natin na sinabi ng Tagapagligtas, “Kung ang mga tao ay lalapit sa akin ay ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan. Ako ay nagbibigay ng kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba; at ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:27; idinagdag ang diin). Bagama’t hindi lumilitaw ang pangalan ni Cristo sa talatang ito, tinukoy ng Tagapagligtas ang Kanyang sarili nang walong beses. Ang Kanyang tungkulin ay natatampok habang hinahanap natin ang Tagapagligtas sa siping ito.

Ang sumusunod na mga talata ay nagpapakita ng personal na kaugnayang nadama ng Tagapagligtas sa bawat indibiduwal at kung ano ang nadama nila sa Kanya:

“Lumapit sa akin, upang inyong maihipo ang inyong mga kamay sa aking tagiliran, at upang inyo ring masalat ang bakas ng pako sa aking mga kamay at aking mga paa, upang inyong malaman na ako nga ang Diyos ng Israel, at ang Diyos ng buong sangkatauhan, at pinatay para sa mga kasalanan ng sanlibutan.

“… Ang maraming tao ay lumapit, at inihipo ang kanilang mga kamay sa kanyang tagiliran, at sinalat ang bakas ng pako sa kanyang mga kamay at kanyang mga paa” (3 Nephi 11:14–15; idinagdag ang diin).

Bagama’t hindi pa natin pisikal na masasalat ang Kanyang mga marka, sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon mapapalalim natin ang ating personal na patotoo tungkol kay Jesucristo.

Ang madalas na pagtukoy sa Panginoon sa Aklat ni Mormon ay tumutulong sa atin na makita ang Kanyang kahalagahan sa sagradong gawaing ito. Ang pagtukoy sa Tagapagligtas sa Aklat ni Mormon: Isa pang Tipan ni Jesucristo ay isang mabisang paraan para mas mapalapit sa Kanya.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Susan Ward Easton, “Names of Christ in the Book of Mormon,” Ensign, Hulyo 1978, 60–61.

  2. Ang ilang talata ay naglalaman ng maraming pagtukoy kay Cristo, samantalang ang iba ay wala. Karaniwan, may isang pagtukoy kay Jesucristo kada .88 talata sa Aklat ni Mormon.