Digital Lamang
Isang Simpleng Plano para sa Ating Paglalakbay Tungo sa Pagtindig sa Sariling Paa
“Ang [pagtindig sa sariling paa] ay doktrina ng ebanghelyo ni Jesucristo, hindi isang programa.”1
Kailan mo huling hinangad sa panalangin na malaman kung paano makatitindig sa sariling paa?
Ang self-reliance o pagtindig sa sariling paa ay “ang kakayahan, tapat na pangako, at pagsisikap na tustusan ang espirituwal at temporal na mga pangangailangan sa buhay [ng] sarili at [ng] pamilya.”2 Mahalaga ito sa plano ng Ama sa Langit para sa atin dahil may malalaking epekto ito sa ating buhay. Tulad ng sabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Anuman ang dahilan ng pag-asa natin sa iba para sa mga desisyon o kabuhayang mailalaan naman natin sa ating sarili ay nagpapahina sa ating espirituwalidad at nagpapabagal sa pag-unlad natin tungo sa dapat nating marating ayon sa plano ng ebanghelyo.”3 Hindi ito nangangahulugan na hindi tayo mangangailangan ng tulong kailanman, dahil kadalasa’y kabilang sa pagtindig sa sarili nating paa ang pagbaling sa iba habang umuunlad tayo. Pero kasama nga rito ang patuloy na pagsulong tungo sa pagtustos sa ating sarili ng mga bagay na kaya naman nating makamit.
Ang pagtindig sa sariling paa ay nangyayari nang taludtod sa taludtod (tingnan sa 2 Nephi 28:30). Narito ang ilang simpleng ideya para mapag-ibayo ang kakayahan nating makatayo sa sarili nating paa.
Simulan ang Paglalakbay
Kailangan nating lahat na magsimula (o patuloy na sumulong!) mula sa kung saan, at ngayon ang pinakamagandang pagkakataon. Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan:
“Ayon sa lumang kasabihan, ‘Ang pinakamagandang panahon para magtanim ng puno ay noong nakalipas na 20 taon. Ang ikalawang pinakamainam na panahon ay ngayon.’
“May napakaganda at maaasahang bagay tungkol sa salitang ngayon. Nagpapalakas ang katotohanan na kung pipiliin nating magpasiya ngayon, maaari tayong sumulong sa sandaling ito mismo.
“Ngayon ang pinakamagandang panahon para simulang maging ang uri ng tao na nais nating kahinatnan kalaunan—hindi lamang 20 taon mula ngayon kundi maging sa buong kawalang-hanggan.”4
Dapat nating isali ang Diyos at ang iba pa na maaaring gumabay sa atin sa ating paglalakbay. Maaari nating mapanalanging hangarin na malaman kung ano ang kailangan nating pagsikapan para makatayo tayo sa ating sariling paa. Halimbawa, maaari nating gawin ang mga bagay na tulad ng:
-
“Alagaan ang sarili [nating] patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo,”5 pagtuturo ni Pangulong Russell M. Nelson.
-
Matutong magtahi ng butones sa polo.
-
Gumawa ng budget at sundin ito.
-
Matuto ng kasanayan para sa isang trabaho.
-
Magluto ng masarap na pagkain
-
Matutong magpalit ng gulong ng bisikleta o kotse.
Maaari nating pag-ukulan ng oras ang pagsasaliksik at pag-unawa kung ano ang nais nating gawin at hangarin ang nais ng Ama sa Langit na gawin natin sa Kanyang karunungan na malaman kung ano ang pinakamabuti para sa bawat isa sa atin. Ang pagtatakda ng matatalinong mithiin ay tutulong sa atin sa buong prosesong ito.
Magpatuloy nang May Pagtitiyaga, at Magtiis
Hindi nararating kaagad ang mga destinasyon makalagpas ng starting line. Matagal ang mga paglalakbay. Huwag mawalan ng pag-asa kung ang landas tungo sa pagtindig sa sariling paa ay nagiging mahaba o nakakapagod.
Sabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Malinaw at napakalungkot ng katotohanan na bago dumating ang mahahalagang sandali, tiyak na bago dumating ang mahahalagang espirituwal na sandali, maaaring dumating ang paghihirap, oposisyon, at kadiliman. Kasama sa buhay natin ang ilan sa mga sandaling ito, at dumarating ang mga ito paminsan-minsan kapag malapit na tayong gumawa ng isang mahalagang desisyon o mahalagang hakbang sa ating buhay.”6
Kung nawawalan tayo ng pag-asa, maaari tayong huminto sandali. Sa halip na subukang isakatuparan ang isang malaking mithiin, ano kaya kung magtuon muna tayo sa isang bagay? Marahil ang isang makatutulong para matamo ang ating minimithi ay ang pagkakaroon ng emosyonal na katatagan; ang pagkatuto kung paano mawala ang stress o magkaroon ng magandang relasyon sa ating sarili ay magpapalawig sa ating mga paglalakbay tungo sa pagtindig sa sarili nating paa. O siguro ang ating mithiin ay matutong makipag-ugnayan nang mas mabuti sa iba na maaaring makatulong sa atin.
Sabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Hindi tayo dapat masiraan ng loob kung ang taimtim na mga pagsisikap natin na maging perpekto ngayon ay tila napakahirap at walang katapusan. Hindi pa tayo perpekto. Maaari lamang itong dumating nang lubusan pagkaraan ng Pagkabuhay na Mag-uli at sa pamamagitan lamang ng Panginoon.”7 Kaya magpatuloy. Posible ang paglago!
Ipagdiwang ang Tagumpay
Makamtan man natin ang isang pangmatagalang mithiin o magkaroon man tayo ng maliit na tagumpay, isang dahilan ito para maging masaya. Maipagmamalaki natin ang ating pag-unlad at mga nagawa. Panahon na para magdiwang!
Dapat nating maalalang pasalamatan ang Ama sa Langit (tingnan sa 1 Tesalonica 5:18; Mosias 26:39) at ang iba pa na tumulong sa atin na mas makatayo sa sarili nating paa.
Patuloy na Magpakabuti
Matapos magtagumpay, ano na ang susunod?
Sinabi ni Elder Hugo E. Martinez ng Pitumpu:
“Ang [pagtindig sa sariling paa] ay doktrina ng ebanghelyo ni Jesucristo, hindi isang programa. Ito ay proseso na nagpapatuloy sa buong buhay natin, hindi isang pangyayari lamang.
[Makatitindig tayo sa sarili nating paa] sa buong buhay natin sa pamamagitan ng pagpapalago ng espirituwal na lakas, pisikal at emosyonal na kalusugan, pagtatamo ng edukasyon at trabaho, at pagiging handa sa temporal na bagay [tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 22.1]. Natatapos ba ang gawaing ito sa ating buhay? Hindi, ito ay panghabambuhay na proseso ng pagkatuto, pag-unlad, at paggawa. Hindi ito natatapos; ito ay proseso na nagpapatuloy at ginagawa araw-araw.”8
Habang patuloy tayong lumalago, bibiyayaan tayo at ang ating mga kapamilya ng higit na pananampalataya, lakas, at paggalang sa sarili. Pagkatapos, kung nakatitindig na tayo sa sarili nating paa, maaari nating matulungan ang iba na magawa rin iyon.