2014
Ang Pinakamagandang Panahon para Magtanim ng Puno
Enero 2014


Mensahe ng Unang Panguluhan

Ang Pinakamainam na Panahon para Magtanim ng Puno

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Sa sinaunang Roma, si Janus ang diyos ng mga simulain. Madalas siyang ilarawan na may dalawang mukha—ang isa ay nakalingon sa nakaraan, ang isa pa ay nakatanaw sa hinaharap. Isinunod ng ilang wika ang buwan ng Enero [January] sa kanyang pangalan dahil ang simula ng taon ay panahon ng pagmumuni-muni gayundin ng pagpaplano.

Pagkaraan ng libu-libong taon, maraming kultura sa buong mundo ang nagpapatuloy sa tradisyon ng paggawa ng mga resolusyon para sa bagong taon. Mangyari pa, madaling gumawa ng mga resolusyon—pero hindi madaling tuparin ang mga ito.

Isang lalaking nakagawa ng mahabang listahan ng mga resolusyon para sa Bagong Taon ang nasiyahan sa kanyang progreso. Naisip niya, “Hanggang ngayon, nagdidiyeta pa rin ako, hindi ako nagagalit, gumagastos ako ayon sa badyet ko, at ni minsan hindi ako nagreklamo tungkol sa aso ng kapitbahay. Pero Enero 2 ngayon at katutunog lang ng alarm at oras na para bumangon ako. Kailangan ng himala para matupad ang lahat ng mithiin ko.”

Pagsisimulang Muli

May isang bagay na hindi kapani-paniwalang maaasam tungkol sa pagsisimula. Palagay ko minsan ay ginusto nating lahat na magsimulang muli nang walang mali o inaasahan.

Gusto kong bumili ng bagong computer na malinis ang hard drive. Matagal-tagal din itong gumana nang maayos. Ngunit habang lumilipas ang mga araw at linggo at parami nang parami ang mga program na ini-install (ang ilan ay sinadya, ang ilan ay di-gaanong sinadya), nagsimula nang humintu-hinto ang computer, at ang dati’y mabilis at mahusay nitong nagagawa ay bumabagal. Kung minsan ayaw na itong gumana. Kahit ang pagpapaandar dito ay maaaring mahirap gawin kapag napuno ng mga di-kailangan na datos at walang pakinabang na mga function ang hard drive. May mga pagkakataon na ang tanging magagawa ay i-reformat ang computer at magsimulang muli.

Ang mga tao ay maaari ding mapuno ng mga pangamba, pag-aalinlangan, at mabibigat na kasalanan. Ang mga pagkakamaling nagawa natin (kapwa sinadya at hindi sinadya) ay maaaring makabigat sa atin hanggang sa tila mahirap nang gawin ang alam nating dapat nating gawin.

Pagdating sa kasalanan, may isang napakagandang proseso ng pagre-reformat na tinatawag na pagsisisi na nag-aalis ng mga bagay na walang halaga sa ating internal hard drive na nakabibigat sa ating puso. Sa pamamagitan ng mahimala at mahabaging Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ipinapakita sa atin ng ebanghelyo kung paano linisin ang bahid ng kasalanan sa ating kaluluwa at muling mapanibago, maging dalisay, at walang-muwang na tulad ng isang bata.

Ngunit kung minsan pinababagal at pinipigilan tayo ng iba pang mga bagay, na nagdudulot ng walang-kabuluhang mga ideya at pagkilos na nagpapahirap sa atin para magsimulang muli.

Inilalabas ang Kabutihan Natin

Ang pagtatakda ng mga mithiin ay marapat pagsikapan. Alam natin na ang ating Ama sa Langit ay may mga mithiin dahil sinabi Niya sa atin na ang Kanyang gawain at kaluwalhatian ay ang “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).

Mailalabas ng ating mga pansariling mithiin ang pinakamabuti sa atin. Gayunman, ang isa sa mga bagay na nakasasagabal sa mga pagsisikap nating gumawa ng mga resolusyon at tuparin ang mga ito ay ang pagpapaliban. Kung minsan ipinagpapaliban natin ang pagsisimula, naghihintay sa tamang sandali para makapagsimula—sa unang araw ng isang bagong taon, sa simula ng tag-init, kapag tinawag tayong bishop o Relief Society president, kapag nag-aaral na ang mga bata, kapag nagretiro na tayo.

Hindi na kailangang anyayahan pa kayo bago ninyo simulang isakatuparan ang inyong mabubuting mithiin. Hindi na kailangang hintayin pa ninyo ang pahintulot para maging ang uri ng tao na dapat ninyong kahinatnan. Hindi na kailangang hintayin pa ninyong anyayahan kayo na maglingkod sa Simbahan.

Kung minsan ay sinasayang natin ang mga taon ng ating buhay sa paghihintay na mapili tayo (tingnan sa D at T 121:34–36). Ngunit maling pag-aakala iyan. Kayo ay pinili na!

May mga sandali sa buhay ko na hindi ako makatulog sa gabi sa pag-aalala sa mga problema, suliranin, o sariling pighati. Ngunit gaano man kadilim ang gabi, laging lumalakas ang loob ko kapag iniisip kong: bukas ay sisikat ang araw.

Sa bawat bukas, dumarating ang bagong bukang-liwayway—hindi lamang para sa mundo kundi para din sa atin. At sa isang bagong araw ay dumarating ang bagong simula—isang pagkakataong magsimulang muli.

Ngunit Paano Kung Mabigo Tayo?

Kung minsan napipigilan tayo ng takot. Maaaring takot tayo na hindi magtagumpay, na magtatagumpay tayo, na maaaring mapahiya tayo, na baka magbago tayo o ang mga taong mahal natin dahil sa tagumpay.

Kaya naghihintay tayo. O kaya’y sumusuko.

Ang isa pang kailangan nating tandaan pagdating sa pagtatakda ng mga mithiin ay ito: Halos tiyak na mabibigo tayo—sa maikling panahon lamang. Ngunit sa halip na panghinaan ng loob, mapapalakas tayo dahil inaalis ng pagkaunawang ito ang pag-aalala na maging sakdal ngayon mismo. Kinikilala nito sa simula pa lamang na may pagkakataon na maaaring hindi natin magawa ang lahat. Kapag naunawaan ito sa simula pa lamang, nawawala ang pagkabigla at panghihina ng loob na dulot ng kabiguan.

Kapag isinakatuparan natin ang ating mga mithiin sa ganitong paraan, hindi tayo dapat malimitahan ng kabiguan. Tandaan, kahit hindi natin marating kaagad ang hangad nating patunguhan, may mararating na rin tayo sa pagtahak sa landas patungo rito.

At mahalaga iyan—napakahalaga.

Hindi man tayo makarating sa ating patutunguhan, ang pagpapatuloy sa paglalakbay ay magpapaunlad sa atin kaysa rati.

Ngayon ang Tamang Panahon para Magsimula

Ayon sa lumang kasabihan, “Ang pinakamagandang panahon para magtanim ng puno ay noong nakalipas na 20 taon. Ang ikalawang pinakamainam na panahon ay ngayon.”

May napakaganda at maaasahang bagay tungkol sa salitang ngayon. Nagpapalakas ang katotohanan na kung pipiliin nating magpasiya ngayon, maaari tayong sumulong sa sandaling ito mismo.

Ngayon ang pinakamagandang panahon para simulang maging ang uri ng tao na nais nating kahinatnan kalaunan—hindi lamang 20 taon mula ngayon kundi maging sa buong kawalang-hanggan.

Pagtuturo mula sa Mensaheng Ito

Ipinaliwanag ni Pangulong Uchtdorf na kapag hindi natin nakamtan ang ating mga mithiin, “maaari tayong mapalakas. … Hindi man tayo nakarating sa ating patutunguhan, ang pagpapatuloy sa paglalakbay ay magpapaunlad sa atin kaysa rati.” Hilingin sa mga miyembro ng pamilya na magbahagi ng mga karanasan kung saan mas marami silang natutuhan sa proseso kaysa sa mga resulta, tulad ng pagtatapos ng pag-aaral o pagtanggap ng gantimpala.

Larawan mula sa iStockphoto/Thinkstock