Sino ang Gustong Manalangin?
Jarrel M., Philippines
Sa misyon ko, tinuruan naming magkompanyon ang isang pamilya na maraming anak. Sa isa sa mga oras ng pagpaplano namin, nagdasal kami at pinag-usapan namin kung ano ang susunod na araling dapat naming ituro sa mga bata, at napagkasunduan naming magturo tungkol sa panalangin.
Pagdating namin sa bahay nila, tuwang-tuwa ang lola at mga bata. Sinimulan namin ang aralin sa panalangin. Tahimik ang mga bata at handa nang makinig. Ipinaliwanag namin sa kanila kung paano at kung bakit dapat manalangin. Para tapusin ang aming aralin, tinanong namin sila, “Sino ang gustong magbigay ng pangwakas na panalangin?” Gusto nilang lahat na manalangin! Kaya gumawa kami ng iskedyul para sila ang manalangin tuwing darating kami para magturo. Inanyayahan din namin silang manalangin kahit wala kami roon.
Pagkatapos ng araling iyon, naisip ko, “Bakit nadadaliang manalangin ang maliliit na bata samantalang nahihirapan namang manalangin ang nakatatanda naming mga investigator?” Nakakita ako ng sagot sa Bible Dictionary [Diksyunaryo ng Biblia]: “Kapag nalaman natin ang ating tunay na kaugnayan sa Diyos (ibig sabihin, ang Diyos ay ating Ama, at tayo ay Kanyang mga anak), agad nagiging likas sa atin ang panalangin at nadadalian na tayong gawin ito (Mat. 7:7–11). Marami sa tinatawag na mga problema tungkol sa panalangin ang lumilitaw dahil sa pagkalimot sa kaugnayang ito” (tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Panalangin,” scriptures.lds.org).
Mula noon, sinikap kong tulungan ang mga tao na maunawaan ang kanilang tunay na kaugnayan sa ating Ama sa Langit. Nais ng ating Ama sa Langit na makausap ang Kanyang mga anak, tulad ng pagnanais ng ating mga magulang sa lupa na makausap tayo. Mahal niya tayo, nais Niya tayong makausap, at nais Niyang kausapin natin Siya.