Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Nakikita Kaya Niya Ako?
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Tumakbo si Daniel papasok sa bakuran at nagtanong sa akin, “Kung titingala po ako sa langit at ngingiti, ngingitian din po ba ako ng Diyos?”
Umaga iyon bago pumasok ang anak kong si Daniel sa unang araw niya sa kindergarten, at may ilan siyang problema tungkol sa pag-alis ng bahay para pumasok sa paaralan. Gusto kong matiyak na handa siyang harapin ang mga hamon sa “totoong mundo.” Sinabi ko kay Daniel na mami-miss ko siya habang wala siya. Tiniyak ko sa kanya na kahit hindi niya ako kasama sa paaralan, hindi niya kailangang matakot o malungkot dahil babantayan siya ng kanyang Ama sa Langit. Ipinaalala ko sa kanya na maaari siyang magdasal anumang oras, saanmang lugar at lagi siyang pakikinggan ng Diyos.
Habang nagsasalita ako, nakinig na mabuti si Daniel, na halos limang taong gulang lang. Matapos mag-isip sandali sumagot siya, “Nakikita kaya Niya ako kapag nasa loob ako ng bahay?”
“Oo,” pagtiyak ko sa kanya.
“Nakikita kaya Niya ako kapag nasa labas ako?” tanong niya.
“Oo, lagi ka Niyang nakikita,” sagot ko.
Tuwang-tuwang tumakbo kaagad si Daniel sa likuran ng bakuran. Sinundan ko siya. Tumingala si Daniel sa maaliwalas at bughaw na kalangitan at nagtanong, “Kung titingala po ako sa langit at ngingiti, makikita po ba Niya ako at ngingitian din Niya ako?”
Hindi ako makapagsalita dahil naantig ako sa sinabi niya, kaya tumango na lang ako at sinabi kong, “Oo!”
Habang nakatingala sa langit, na sa sandaling ito ay umaaninag at naghahanap ang mga mata at may lubos na pananampalataya ng isang bata, nag-iisip na nagtanong si Daniel, “Makikita ko kaya Siya?
“Maaaring hindi mo Siya makita,” sagot ko, “pero malalaman mo na nariyan Siya dahil madarama mo ang ngiti Niya sa puso mo.”
Nakatayo na nakangiti si Daniel habang nakatitig sa langit. Sa kapayapaang makikita sa kanyang mukhang parang anghel, nalaman ko na nadarama niya ang banal na ngiting iyon sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa.
Mula sa bibig ng mga musmos marami tayong natututuhan tungkol sa dalisay na pananampalataya—pananampalatayang sana’y kapitan nila nang mahigpit magpakailanman. Tiyak na matutuklasan nila na bagama’t maganda ang buhay, kung minsa’y mahirap ito. Dalangin namin na matulungan sila ng kanilang pananampalataya.
Kapag nahihirapan ako sa buhay, naaalala ko ang halimbawa ni Daniel, at taglay ang buong pananampalataya ng isang nasa hustong gulang, tumitingala rin ako sa langit na naghahanap at nagtatanong, “Nakikita kaya Niya ako?” Pagkatapos, tulad ni Daniel, tahimik akong nagninilay, “Makikita ko kaya Siya?” Habang iniisip ko ang maraming magigiliw Niyang awa sa buhay ko, pinagtitibay ng Espiritu Santo na talagang nadama ko na ang pagmamahal ng Ama sa Langit. Sa nanumbalik na sigla ng aking pananampalataya at inspirasyong dulot ng pag-asa, tinitiyak sa akin ng Espiritu na lagi ko iyong madarama.