2014
Ang Paglalakbay ni Mamá Sefi Papunta sa Templo
Enero 2014


Ang Paglalakbay ni Mamá Sefi Papunta sa Templo

Betty Ventura, Utah, USA

Isang araw habang nasa Mexico Mission office ako noong 1940s, dumating ang isang sister mula sa munting bayan ng Ozumba, na nasa paanan ng Popocatépetl, isang aktibong bulkan na mga 43 milya (70 km) sa timog-silangan ng Mexico City. Lahat kami ay nakakikilala sa kanya. Ang pangalan niya ay Mamá Sefi.

Tumira ang mga full-time missionary sa kanyang munting bahay na yari sa adobe, kung saan lagi siyang may isang silid para lamang sa kanila. Si Mamá Sefi, na wala pang limang talampakan (1.5 m) ang taas, ay nabubuhay sa pagtitinda ng prutas sa mga palengke ng mga bayan sa paligid ng Ozumba. Bawat bayan ay may iba’t ibang araw ng palengke, at nagpupunta siya sa bawat palengke para ibenta ang kanyang prutas.

Dumating siya sa mission office nang araw na iyon na may dalang malaking supot ng harina. Puno iyon ng tostones, mga tig-sisingkuwentang baryang pilak na naipon niya sa paglipas ng mga taon. Ang ilan sa mga barya ay noon pang panahon ni Porfirio Díaz, na namuno sa Mexico mula 1884 hanggang 1911. Si Mamá Sefi ay naglakbay mula Ozumba papunta sa mission home sakay ng bus na dala ang kanyang supot ng pera. Sinabi niya kay President Arwell L. Pierce na maraming taon siyang nag-ipon upang makapaglakbay papuntang Salt Lake Temple para matanggap ang kanyang endowment.

Nakahingi siya ng pahintulot na makaalis ng bansa, pinahiram siya ng maleta ng isang missionary, at inihatid namin siya sa tren. May tinawagan sa telepono si President Pierce sa El Paso, Texas, para salubungin ang tren pagtawid ng hangganan ng U.S. at isakay si Mamá Sefi sa bus papuntang Salt Lake City. Mga miyembro ng Spanish branch sa Salt Lake City ang sasalubong sa bus, mag-aasikaso sa kanyang titirhan, at tutulong sa kanya sa templo.

Makalipas ang ilang linggo, bumalik si Mamá Sefi sa Mexico City at umuwi na sa Ozumba. Ligtas siyang nakapaglakbay nang malayo. Pagkatapos ay nagpatuloy siya sa pagtitinda ng prutas sa mga palengke.

Hindi marunong magsalita ng Ingles si Mamá Sefi, kaya tinanong namin siya kung paano siya nakaorder ng pagkain habang sakay ng bus mula El Paso hanggang Salt Lake City na ilang araw ang biyahe. Sabi niya, may nagturo sa kanya kung paano sabihin ang “apple pie” sa Ingles, kaya tuwing hihinto ang bus sa kainan, apple pie ang inoorder niya.

Dahil iyon lang ang mga salitang alam niya sa Ingles, apple pie lang ang kinain niya habang nasa biyahe sakay ng bus papunta at pauwi. Pero hindi iyon pinroblema ni Mamá Sefi. Sa halip, nagbalik siya nang may pasasalamat at sigla mula sa kanyang karanasan sa templo.