Mga Pioneer sa Bawat Lupain
Inilahad ang Kasaysayan ng Simbahan sa Mexico Mula sa Paghihirap Tungo sa Kalakasan
Pinag-ibayo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Mexico ang kanilang pamana ng pananampalataya upang magkaroon ng magandang bukas ang kanilang bansa.
Noong Nobyembre 6, 1945, nasagot ang mga dalangin nang dumating ang unang grupo ng mga Banal sa mga Huling Araw ng Mexico sa Mesa Arizona Temple para tumanggap ng mga ordenansa sa templo sa kanilang katutubong wika. Sinabi ni José Gracia, na noon ay pangulo ng Monterrey Branch, “Naparito tayo para gumawa ng isang dakilang gawain para sa ating sarili at sa ating mga ninuno. … Marahil ang ilan sa atin ay nagsakripisyo, ngunit hindi nawalan ng saysay ang ating ginawa. Natutuwa tayong magawa ang mga ito.”1
Si President Gracia at ang mga naglakbay papunta sa templo ay sumunod sa mga yapak ng mga Mexican Latter-day Saint pioneer, na nagsakripisyo rin para sa ipinanumbalik na ebanghelyo.
Paglalatag ng Pundasyon
Isang lupain ng mga bundok, disyerto, gubat, at napakagagandang baybayin, ang sinaunang Mexico ay tahanan ng mga taong nagtayo ng magagandang templo at lungsod. Sa pagdaan ng mga siglo, nagtayo ng matatag na pundasyon ng pananampalataya at panalangin ang mga Mexican na nakatulong upang malagpasan nila ang mga panahon ng kahirapan.
Habang itinatatag ng mga Banal ang Simbahan sa Utah, muling itinatayo ng mga Mexican ang kanilang lipunan, kabilang na ang pagsulat ng bagong konstitusyon na naghihiwalay sa simbahan at estado. Nakarating ang mensahe ng ebanghelyo sa Mexico noong 1876 pagdating ng mga unang missionary, na nagdala ng mga piling bahagi ng Aklat ni Mormon, na ipinadala nila sa koreo sa kilalang mga pinuno sa Mexico. Hindi nagtagal ay sumunod ang mga pagbibinyag.
Sa isang espesyal na kumperensya ng Simbahan na idinaos noong Abril 6, 1881, inakyat ng branch president na si Silviano Arteaga, ilang pinunong lokal, at ni Apostol Moses Thatcher (1842–1909) ang dalisdis ng bulkang Mt. Popocatépetl. Pagkatapos ay inilaan ni Elder Thatcher ang lupain para sa pangangaral ng ebanghelyo.
Sa kumperensya nanalangin si President Arteaga, at isinalaysay ni Elder Thatcher: “Tumulo ang mga luha sa kulubot niyang mga pisngi, para sa kalayaan ng kanyang lahi at mga tao. … Ngayon pa lamang ako nakarinig ng gayong kataimtim na panalangin, at bagama’t nagdasal siya sa wikang hindi ko naintindihan, tila naunawaan ko, sa pamamagitan ng Espiritu, ang lahat ng kanyang isinasamo.”2
Sa panahong iyon, ilang Mexican branch ang itinatag sa lugar. Napanaginipan ni Desideria Yañez, isang matandang babaeng balo sa estado ng Hidalgo, ang tungkol sa polyeto ni Parley P. Pratt na A Voice of Warning [Isang Tinig ng Babala]. Pinapunta niya ang kanyang anak sa Mexico City para kumuha ng kopya ng polyeto, na kasasalin pa lang sa wikang Espanyol. Sumapi siya sa Simbahan noong 1880, at naging unang babaeng sumapi sa Simbahan sa Mexico.3
Mula noon maraming miyembro ng Simbahan sa Mexico ang nanatiling tapat sa pagdaan ng mga dekada ng rebolusyon, pang-uusig, kahirapan, at pagkahiwalay.4
Mga Halimbawa ng Matatapat na Pioneer
Isang halimbawa ng katapatang ito ang matatagpuan sa branch ng San Pedro Martir, na inorganisa noong 1907. Nagpulong ang mga naunang miyembro sa bandang timog lamang ng Mexico City sa isang gusaling yari sa adobe na itinayo ng bagong binyag na si Agustin Haro, na tinawag na mamuno sa branch. Sa mahihirap na taon dahil sa Mexican Revolution, kung saan di-kukulangin sa isang milyong Mexican ang namatay, maraming Banal ang kumanlong sa San Pedro nang magkaroon ng labanan sa kanilang mga estado. Buong habag na pinaglingkuran ng kababaihan ng Relief Society sa San Pedro ang mga refugee.5
Nabiyayaan din ang mga miyembro ng matatapat na lider na tulad ni Rey L. Pratt. Tinawag bilang pangulo ng Mexico Mission noong 1907, naglingkod siya sa tungkuling iyan hanggang sa pumanaw siya noong 1931. Mahal niya ang kasaysayan, kultura, at mga tao ng Mexico at minahal at pinagtiwalaan nila siya nang magkakasama nilang pagsikapang patatagin ang pundasyon ng Simbahan doon. Napatunayang napakahalaga ng mga pagsisikap ni President Pratt na mapalakas ang mga katutubong pinuno ng Simbahan sa Mexico noong 1926 nang simulang ipatupad ng pamahalaan ng Mexico ang batas na nagbabawal sa pamumuno ng mga hindi katutubo sa mga kongregasyon sa Mexico.6 Sa panahong ito binuo ng isang grupo ng mga miyembro ang tinatawag noon na Third Convention at nagsimula silang tumawag ng sarili nilang mga lider at nagtayo ng mga meetinghouse.
Pagsalig sa Pundasyon
Si Arwell L. Pierce ay tinawag na pangulo ng Mexican Mission noong 1942. Natututo sa kanyang mga karanasan habang lumalaki sa Chihuahua at nagmimisyon sa Mexico, tumulong si President Pierce nang may pagmamahal at pag-unawa nang turuan, palakasin, at tulungan niyang magkaisa ang mga miyembro. Tumulong din siya sa mga miyembro ng Third Convention sa paglutas ng kanilang mga problema.
Ang isa sa mga mithiin ni President Pierce ay tulungan ang mga miyembro na makapasok sa templo.7 Noong 1943 sinimulan ang mga pagsisikap na makamtan ng mas marami pang miyembro ang mga pagpapala ng templo. Matapos kausapin ang mga lokal na lider ng Simbahan sa Arizona, USA, sinabi ni Elder Joseph Fielding Smith (1876–1972), na miyembro noon ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Wala akong makitang dahilan kung bakit wikang Ingles lang ang dapat gamitin sa sesyon sa templo.”8 Nahilingan sina Elder Antoine R. Ivins ng Pitumpu at Eduardo Balderas sa translating department ng Simbahan na isalin ang mga ordenansa sa templo sa wikang Espanyol. Ang pagsasaling ito ang nagpasimula sa pagtatayo ng mga templo sa ibang mga lupain.9
Sa seremonya sa templo na makukuha sa wikang Espanyol sa Mesa Arizona Temple at sa pagbisita ng Pangulo ng Simbahan na si George Albert Smith (1870–1951) sa Mexico noong 1946 para pagkaisahin ang mga Banal sa Mexico,10 nagsimulang lumago ang Simbahan sa paraang pinangarap lamang ng naunang mga henerasyon. Nabuo ang mga bagong mission at stake sa iba’t ibang dako ng bansa, at nakahikayat ng pag-aaral ang mga paaralang itinaguyod ng Simbahan.
Noong 1964 inilaan ng Simbahan ang El Centro Escolar Benemérito de las Américas, isang paaralan na tumugon sa mga pangangailangan ng mga miyembro ukol sa pag-aaral, pakikihalubilo, espirituwal, at pamumuno hanggang sa maging missionary training center ito noong 2013.11 Sabi ni Sister Lorena Gómez-Alvarez, na nagtapos sa paaralan, “Tinulungan ako ng Benemérito na matuklasan at mapaunlad ang aking mga talento at magkaroon ng impormasyon at kaalaman tungkol sa ebanghelyo na nagpala sa buhay ko. Ngayo’y tutulungan nito ang mga missionary na ipalaganap ang ebanghelyo at pagpapalain pa rin ang buhay ng mga tao, sa ibang paraan.”12
Isang Panahon ng Pag-unlad
Ang 1972 Mexico City area conference ay isa pang mahalagang pangyayari sa paglago ng Simbahan. Naglakbay nang napakalayo ang mga miyembro para marinig si Pangulong Harold B. Lee (1899–1973), ang kanyang mga tagapayo, ang ilang Apostol, at ang iba pang mga pinuno. Nagtanghal doon ang Tabernacle Choir, na nakaragdag sa espirituwal na pagdiriwang. Sinabi ng mga dumalo sa kumperensya, “Higit pa ito sa inakala naming posibleng mangyari—isang kumperensya sa sarili naming lupain.”13
Ang 1970s ay napakasayang panahon ng paglago sa Mexico. Noong 1970 halos may 70,000 miyembro na sa bansa; sa pagtatapos ng dekada halos 250,000 na ang mga miyembro. Tatlong taon pagkaraan ng area conference, hinati ni Elder Howard W. Hunter (1907–95) ang tatlong naorganisang stake para bumuo ng 15 stake sa loob ng isang weekend, at tumawag ng maraming bata pang miyembrong Mexican bilang mga lider.14
Lumawak din ang gawaing misyonero sa panahong ito. Ang Mexico Mission, na opisyal na nabuksan noong 1879, ay hinati sa unang pagkakataon noong 1956; ngayo’y may 34 na mission na sa Mexico.15 Nasaksihan ni Brother Jorge Zamora, na naglingkod bilang missionary sa Mexico City North Mission noong 1980s, ang paglagong ito. Naaalala niya ang isang lugar sa kanyang misyon kung saan nagbibiyahe nang isang oras ang mga miyembro para makasimba; ngayo’y may isang stake na roon. Sabi niya, “Namamangha ako sa paraan ng Panginoon para maitatag ang Simbahan, saanmang bayan o anumang kultura.”
Laganap ang mga Templo sa Buong Lupain
Gustung-gusto ng mga miyembro sa Mexico ang nakapagliligtas na mga ordenansa sa templo at handa silang isakripisyo nang husto ang kanilang panahon at pera para makasamba roon. Mahigit 100 taon lamang pagkaraang ilaan ni Elder Thatcher ang lupain para sa pangangaral ng ebanghelyo, isang templo ang itinayo sa Mexico City. Nakatulong ang open house noong 1983 para makilala ang Simbahan sa Mexico nang libu-libo ang bumisita sa templo at humiling ng karagdagang impormasyon. Sa loob ng 30 taon, 11 pang templo ang inilaan sa iba’t ibang dako ng bansa, at may isa pang itinatayo sa kasalukuyan.
Lumaki si Isabel Ledezma sa Tampico at naaalala niya nang ibuklod ang kanyang mga magulang sa Mesa Arizona Temple. “Dalawang araw kaming naglakbay patungong Arizona at napakagastos noon,” sabi niya. “Nang ilaan ang Mexico City Mexico Temple, 12 oras na lang ang biyahe sakay ng kotse. Dahil may templo na sa Tampico, madalas na kaming nakakapunta.”
Sinabi ni Limhi Ontiveros, na naglingkod bilang pangulo ng Oaxaca Mexico Temple mula 2007 hanggang 2010, “Ang mga tao na may malalim at matibay na patotoo sa ebanghelyo ay gumagawa ng paraan para makapunta sa templo, kahit malayo at mahal ang pamasahe, at itinuturing nilang simbolo ng kanlungan ang templo.”
Dagdag pa ni Sister Ledezma, “Kailangan namin ang Espiritu sa aming mga lungsod, at nakakatulong ang pagkakaroon ng templo rito. Kapag may mga problema kami, kapag malungkot kami, malapit ang templo at nadarama namin ang kapayapaan doon.”
Pagdaig sa Paghihirap
Pare-pareho ang mga hamon at tuksong nakakaharap ng mga miyembro sa Mexico, ngunit alam nila na sila at ang kapwa nila mga Banal ay mga anak ng mapagmahal na Ama; ang katayuan sa buhay at sa lipunan ay hindi batayan ng pakikitungo nila sa isa’t isa.
Ang pamilya Mendez ay nakatira sa isang maliit na bayan sa bundok malapit sa lungsod ng Oaxaca, sa katimugang Mexico. Sabi nila, “May mga hirap, kagipitan sa pera, at malayo ang biyahe, ngunit ang kahandaang gawin ang nais ipagawa sa amin ng ating Tagapagligtas ay naghihikayat sa amin na lampasan ang anumang balakid.”
Sabi ni Gonzalo Mendez, edad 15, “Kapag nakatira ka sa isang lugar na may panganib, maaaring napakahirap paglabanan ang mga tukso, ngunit sa tulong ng panalangin ay hindi tayo nagpapadala sa mga pang-aakit ng mundo, at tumatayo tayo bilang mga saksi tungo sa mas mabuting pamumuhay.”
Pagtanaw sa Bukas
Matagal nang naitatag ang ebanghelyo sa Mexico, ngunit may mga lugar pa rin kung saan umuunlad pa lang ang Simbahan. Si Jaime Cruz, edad 15, at ang kanyang pamilya lamang ang mga miyembro ng Simbahan sa kanilang munting bayan sa kabundukan sa itaas ng Oaxaca City. Sila ng kaibigan niyang si Gonzalo ay may home-study seminary sa buong linggo. Tuwing Sabado nagbibiyahe sila nang dalawang oras sakay ng bus patungo sa pinakamalapit na chapel para dumalo sa klase ng seminary kasama ang iba pang mga kabataan ng kanilang ward. Ibinabahagi ni Jaime ang natututuhan niya sa seminary sa kanyang mga kaklase sa paaralan at sinasagot ang kanilang mga tanong. Ang nakababatang kapatid ni Jaime na si Alex, isang deacon, ay namumuno sa mga kaibigan niya. Sinabi ni Alex na kapag maayos niyang pinapakiusapan sila na huwag magsalita ng masama o huwag magsuot ng di-angkop na damit, nakikinig sila sa sinasabi niya. Alam nina Jaime at Alex na ang pagkakaroon ng priesthood ay isang karangalan at responsibilidad. “Alam ko na ang priesthood ay ibinibigay sa mga kabataang lalaki para luwalhatiin ang pangalan ng Diyos sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba at pangangaral ng ebanghelyo,” sabi ni Jaime.
Sa pagbisita kamakailan sa Mexico, pinulong ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga kabataan mula sa tatlong stake sa lungsod ng Cancun. Sa panahong ginugol niya sa mga kabataang ito, sinabi niya, “Nakita namin ang liwanag sa kanilang mga mata at ang pag-asa sa kanilang mukha at ang mga pangarap nila. Lagi kong naiisip na napakaganda ng hinaharap ng Mexico.”16