2014
Maaari Ko Bang Basahin ang Aklat na Iyan?
Enero 2014


Maaari Ko Bang Basahin ang Aklat na Iyan?

Neil R. Cardon, Utah, USA

Mga 50 taon na ang nakararaan, noong nagbabahay-bahay kami ng missionary companion ko malapit sa University of Córdoba sa Argentina, pinapasok kami ng isang binata sa apartment niya. Agad naging malinaw sa amin na pinapasok lang nila kami ng kanyang mga roommate para makipagtalo tungkol sa pag-iral ng Diyos.

Ayaw naming makipagtalo, kaya sa halip ay nagkasundo kaming magkita kalaunan para talakayin ang aming mensahe sa isang kapaligirang akma sa pag-aaral. Pagbalik namin, ipinaliwanag ng binata kung bakit siya naniniwala na walang Diyos. Sinabi niya na inimbento ng tao ang Diyos dahil kailangan niyang maniwala sa isang nilalang na mas makapangyarihan, at hindi pangkaraniwan.

Nang kami na ang magsasalita, itinanong ko, “Paano mo nalaman na may Estados Unidos?” Pinatotohanan ko na totoo ito at itinanong ko kung may iba pang katibayang nagpapatunay sa pagkakaroon nito. Sinabi niya na nabasa na niya ito sa mga aklat at pahayagan. Pagkatapos ay itinanong ko kung naniniwala siya sa patotoo ko at sa nabasa niya. Mariin niyang sinabing naniniwala siya.

“Kaya hindi natin maitatanggi ang mga patotoo ng mga tao, tulad ko, na nagmula sa Estados Unidos,” sabi ko. “Ni hindi natin maitatanggi ang patotoo ng mga taong sumulat tungkol dito.” Sumang-ayon ang binata.

Pagkatapos ay itinanong ko, “Batay rito, maitatanggi ba natin ang mga patotoo ng mga taong nakakita sa Diyos at sumulat tungkol sa kanilang karanasan?” Ipinakita ko sa kanya ang Biblia, at sinabi ko sa kanya na naglalaman ito ng mga patotoo ng mga kalalakihan at kababaihan na nakakita at nakipag-usap sa Diyos at kay Jesucristo. Itinanong ko kung maitatanggi namin ang mga patotoong nasa Biblia, at atubili niyang sinabi na hindi.

Pagkatapos ay itinanong ko, “Ano ang palagay mo sa isang aklat na isinulat ng isang lahi maliban pa sa mga tao sa Biblia na nakakita rin sa Diyos tulad ng mga sumulat ng Biblia?” Sumagot siya na walang gayong aklat.

Ipinakita namin sa kanya ang Aklat ni Mormon at itinuro sa kanya ang layunin nito. Nagpatotoo kami na ito ay totoo at na nangungusap pa rin ang Diyos sa pamamagitan ng mga buhay na propeta ngayon.

Gulat na sinabi ng binata, “Nagawa kong lituhin ang lahat ng mangangaral mula sa ibang mga simbahan. May isang bagay kayo na ngayon ko lang narinig. Maaari ko bang basahin ang aklat na iyan?” Ibinigay namin sa kanya ang aklat at pinatotohanan namin ang pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak.

Dahil patapos na ang semestre, hindi na namin nabisitang muli ang binatang ito bago siya nakauwi sa kanyang tahanan sa Bolivia. Gayunman, ipinagdasal ko na basahin niya ang aklat at makatanggap siya ng patotoo.

Noong 2002 tinawag akong maglingkod bilang Spanish branch president sa Provo Missionary Training Center. Isang araw ng Linggo ikinuwento ko iyon sa mga missionary. Pagkatapos ay sinabi sa akin ng isang missionary mula sa Bolivia na narinig niyang isinalaysay ng isang matandang lalaki sa kanyang stake ang kanyang conversion o pagbabalik-loob—ang kuwentong isinasalaysay ko rito.

Napuno ng luha ang aking mga mata. Makalipas ang 40 taon, nakatanggap ako ng sagot sa aking mga dalangin tungkol sa binatang taga-Bolivia. Nagkaroon siya ng patotoo na mayroong Diyos at sa Kanyang dakilang plano ng kaligayahan. Alam ko na balang-araw ay muli kaming magkikita, at magagalak akong kasama niya sa ebanghelyo.