2014
Tulad ng mga Banal na Kasulatan!
Enero 2014


Tulad ng mga Banal na Kasulatan!

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Akala namin maayos ang hiking, hanggang sa makita namin ang tanda sa daan.

“Pagagaanin ko rin ang mga pasaning ipinataw sa inyong mga balikat” (Mosias 24:14).

Ang sampung taong gulang na mga bata ay medyo matatalino. Gusto naming alaming mag-isa ang mga bagay-bagay.

Laging sinasabi ng tatay ko na itulad ang mga banal na kasulatan sa aking sarili. Ang ibig sabihin ng ihalintulad ay sinisikap mong ipamuhay ang natututuhan mo sa mga banal na kasulatan. Kaya, kapag sama-sama kaming nagbabasa bilang pamilya, kung minsan ay may nasasabi na ako bago pa ito maipaliwanag sa amin ni Itay. Gaya ng, “Alam ko po, Itay, dapat tayong mag-ayuno at manalangin, tulad ng sinasabi sa mga banal na kasulatan.”

Ngumingiti siya dahil lagi kong nakukuha ang tamang mensahe.

Ngunit minsan, natuklasan ko na ang mga banal na kasulatan ay talagang malaki ang pagkakatulad sa buhay ko! Nangyari ito nang magpunta kaming lahat sa isang family reunion backpack trip.

Binuhat ko ang sarili kong malaking backpack at sleeping bag, at hindi ako nagreklamo. Tutal, apat na milya lang naman dapat (6.5 km) ang lalakarin papunta sa lawa. Kaya ko iyon, walang problema.

Ang paglalakad ay hindi masyadong mahirap, pero natuwa akong tumigil sandali matapos maglakad nang dalawang milya (3 km). Pagkatapos ay nakita namin ang unang karatula ng palatandaan sa daan. Sabi roon, anim na milya (9.5 km) pa ang layo ng lawa. Hindi na kinailangang sabihin sa akin ng tatay ko na talagang doble ang haba ng daan kaysa una naming inakala. Alam ko na iyon. Talagang kinailangan niyang ipaalala sa amin na tipirin ang tubig namin para mas tumagal ito.

Mahalaga ang payo ng tatay ko pero mahirap sundin. Mainit ang araw sa hapon, at halos wala kaming masilungan sa daan. Parang hindi na namin mararating ang lawa.

Nanatili sa likuran ang malalaki kasama ang mga batang maliliit, at nagpauna na ang nakatatandang mga pinsan. Sinamahan ko ang tatlong pinsang kaedad ko, at napunta kami sa pagitan.

Nang wala na kaming makita sa unahan o sa likuran namin, kinabahan na kami. Mabigat na ang mga backpack namin, at wala nang laman ang mga bote ng tubig. Gaano pa kalayo ang lalakarin namin?

Sa huli, alalang-alala at pagod na pagod na kami kaya nagpasiya kaming huminto at manalangin.

Pagkatapos ng panalangin, dinampot namin ang mga backpack namin at nagpatuloy kami sa paglakad.

Ilang sandali pa ay may narinig kaming mga yabag ng kabayo sa daan. Naghintay kami at nakita namin ang isang lalaking nakakabayo na palapit sa amin.

Tumigil siya at binigyan niya kami ng kaunting tubig. Ipinaliwanag niya na ang nakatatanda naming mga pinsan ay nagmadali papunta sa lawa na may dalang panala ng tubig para makakuha ng tubig na dadalhin pabalik sa amin. Narinig ng lalaki kung gaano namin kailangan ang tubig at pumayag na tumulong. “May nangangailangan ba ng tulong sa inyo sa mga backpack ninyo?” tanong nito.

Tumingin ako sa mga pinsan ko, at nginitian nila ako. Talagang gumanda ang pakiramdam namin!

“Mas mabuti po siguro puntahan at tulungan na lang ninyo ang iba,” sabi namin sa lalaki. “Ayos lang po kami.”

At totoo naman iyon! Sa natitirang lakad papunta sa lawa, parang binubuhat ng mga anghel ang mga backpack namin at itinutulak kami sa paglakad. Nang ikuwento ko ito sa mga magulang ko kalaunan, ngumiti si Itay at naluha si Inay.

Pagkaraan ng isang linggo binasa ng pamilya ko ang Mosias 24. Nanlaki ang mga mata ko nang mabasa namin ang mga salitang ito: “At pagagaanin ko rin ang mga pasaning ipinataw sa inyong mga balikat, na maging kayo ay hindi madarama ang mga ito sa inyong mga likod” (sa talata 14).

“Ganyan ang nangyari sa daan,” bulalas ko. Hindi ko na kailangang pag-isipan kung paano gamitin ang talatang ito sa buhay ko—inilarawan na ng talatang ito ang buhay ko! Nakakagulat! Halos hindi na ako makapaghintay na makita ang iba pang mga talatang katulad ng buhay ko.

At sa ganyang paraan ko nalaman kung paano ko maihahalintulad ang mga banal na kasulatan sa akin, at maihahalintulad din ang sarili ko sa mga banal na kasulatan!

Paglalarawan ni Scott Peck