Ano ang maaari kong gawin kung pilitin ako ng ibang mga miyembrong kabataang aktibo rin sa Simbahan na labagin ang mga pamantayan ng Simbahan? Ayaw kong magmukhang mapagmagaling o mapanghusga.
Magkaroon ng tapang na manindigan sa mga pamantayan ng Simbahan, kahit magmula ang pamimilit sa ibang mga kabataang Banal sa mga Huling Araw na nakakaalam sa mga pamantayan at maaaring isiping nagmamagaling ka. Alin ang mas mapanganib: suwayin ang mga utos ng Panginoon o magmukhang nagmamalinis sa ilan sa mga kabarkada mo? (Ngayon, kung pinipilit ka nilang gawin ang isang bagay na hindi ka panatag gawin o labag sa isang pamantayang itinakda ng pamilya mo sa halip na ng Simbahan, maaari ka pa ring manindigan sa sarili mo sa pagsasabing mas gusto mong hindi ito gawin at paghiling sa kanila na igalang ang iyong damdamin.)
Mangyari pa, dapat mong sikaping harapin ang sitwasyon sa magandang paraan. Tulad ng sinabi ng propetang si Alma sa kanyang misyonerong anak na si Siblon, “Gumamit ng katapangan, subalit hindi mapanupil” (Alma 38:12). Hindi mo kailangang hatulan sila nang malupit o hamakin sila. Kailangan mo lang ipaalam nang tuwiran sa mga tao kung ano ang mga pamantayang pinili mong sundin. At kung hinihiling ng aktibong mga miyembro ng Simbahan na labagin mo ang malilinaw na pamantayan ng Simbahan, alalahanin ang sinabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Kaibiganin ang lahat, ngunit huwag ikompromiso ang inyong mga pamantayan.”1