Notebook ng Kumperensya ng Oktubre 2013
“Kung ano ang sinabi ko, ang Panginoon, ay sinabi ko; … maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa” (D at T 1:38).
Habang nirerepaso ninyo ang pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2013, magagamit ninyo ang mga pahinang ito (at ang mga Notebook ng Kumperensya sa susunod na mga isyu) para matulungan kayong pag-aralan at ipamuhay ang mga itinuro kamakailan ng mga buhay na propeta at apostol at ng iba pang mga pinuno ng Simbahan.
Pangako ng Isang Propeta: Pagharap sa mga Pagsubok
“Alam din ng ating Ama sa Langit, na nagbibigay sa napakaraming tinatamasa natin, na natututo tayo at lumalago at tumatatag kapag hinaharap natin at nalalagpasan ang mga pagsubok na kailangan nating pagdaanan. Alam natin na may mga pagkakataon na daranas tayo ng sama ng loob, dalamhati, at susubukan tayo kung hanggang saan ang ating pananampalataya. Gayunman, ang gayong mga paghihirap ang nagtutulot para tayo’y magpakabuti, ayusin ang ating buhay sa paraang itinuro sa atin ng ating Ama sa Langit, at maging kaiba kaysa dati—mas mabuti kaysa dati, mas maunawain kaysa dati, mas mahabagin kaysa dati, mas malakas ang patotoo kaysa dati.
“Ito dapat ang ating layunin—hindi lamang ang magtiyaga at magtiis, kundi maging mas dalisay rin sa espirituwal habang nabubuhay tayo sa masaya at malungkot na panahon. Kung hindi dahil sa hamon na dadaigin at mga problemang lulutasin, mananatili sana tayong ganito, kakatiting o walang pagsulong tungo sa ating minimithing buhay na walang hanggan.”
Pangulong Thomas S. Monson, “Hindi Kita Iiwan ni Pababayaan,” Liahona, Nob. 2013, 87.