Lumapit Kay Cristo
Mga kabataan ng Aaronic Priesthood, ngayong taon ang ating tema ng Mutwal ay nagbibigay-inspirasyon sa inyo na isipin ang inyong kaugnayan kay Jesucristo, na ating Tagapagligtas at Manunubos, at kung paano kayo magiging katulad Niya. Ang ating tema ay “Lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, at pagkaitan ang inyong sarili ng lahat ng kasamaan” (Moroni 10:32).
Ito ay isang sagradong paanyaya na lumapit sa Anak ng Diyos. Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, maaari nating matamo ang lakas na maglingkod, pagkaitan ang ating sarili ng masasamang bagay sa ating buhay, at madama ang Kanyang walang-hanggang pagmamahal. Kapag ginawa natin ito, madarama natin ang tunay na kapayapaan at kaligayahan.
Kapag tinanggap ninyo ang paanyayang lumapit kay Cristo, mauunawaan din ninyo ang inyong sagradong tungkuling “anyayahan ang lahat na lumapit kay Cristo” (D at T 20:59). Mapupuspos ang inyong puso ng hangaring akayin ang iba tungo sa Kanya para matanggap din nila ang mga pagpapalang inyong natanggap at patuloy na tinatanggap.
Tinupad ng binatilyong si Michael ang tungkuling ito sa pagtulong kay Jose, na kaibigan niya sa paaralan.
Isang araw, tinanong siya ni Jose, “Michael, bakit ka ba laging masaya?”
Sabi ni Michael, “Kasi naglilingkod ako.”
“Bakit ka naglilingkod?”
“Kasi may priesthood ako at tungkulin ko iyon,” sagot nito.
Sabi ni Jose, “Gusto kong malaman pa ang tungkol sa priesthood.”
Inanyayahan ni Michael si Jose sa mga aktibidad ng Simbahan at kalaunan ay sa mga miting ng Simbahan. Kalaunan ay tinuruan ng mga missionary si Jose at ang kanyang pamilya at nabinyagan. Sabi ni Jose, “Ang gawaing misyonero ay napakahalaga sa ating Simbahan. Kung tayo ay magiging makatarungan at matwid sa pakikitungo sa iba araw-araw, mapapansin ito ng mga nakapaligid sa atin at magtatanong sila tungkol sa atin tulad ng ginawa ko. Si Michael ay isang sisidlang hirang sa dakilang plano ng Diyos.”
Kapag lumalapit kayo sa Panginoon, hahangarin ninyong paglingkuran ang iba tulad ng ginawa ni Michael. At kapag ginawa ninyo ito, malalaman ninyo na totoo ang pangakong ito mula kay Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Kapag taos-puso ninyong inanyayahan ang mga tao na lumapit kay Cristo, magbabago ang puso ninyo. Gagawin ninyo ang Kanyang gawain para sa Kanya. Matutuklasan ninyo na tinutupad Niya ang Kanyang pangako na maging kaisa ninyo sa inyong paglilingkod. Makikilala ninyo Siya. At darating ang panahon na kayo ay magiging katulad Niya at ‘ganap sa kanya.’”2
Iyan ang kahulugan ng tema ngayong taon.