Nangungusap Tayo Tungkol kay Cristo
Mula sa Kadiliman Tungo sa Liwanag
Maaari nating malaman nang may katiyakan kapag madilim ang ating buhay na mapapalitan ni Jesucristo ng liwanag ang kadilimang iyan kapag taos-puso tayong nagsisi.
May mga pagkakataon sa buhay ko na pakiramdam ko’y parang wala na akong pag-asang lumigaya o makabalik pa sa ating Ama sa Langit. Ilang taon na ang nakararaan na-disfellowship ako sa Simbahan. Naging mayabang ako at makasalanan at labis akong nagdusa dahil sa mga ginawa ko. Hindi natuloy ang napagkasunduan naming pagpapakasal ng babaeng mahal ko, hindi maganda ang pakikitungo ko sa iba, at hindi ako masaya.
Bagama’t hinangad ko na sana ay pinili kong magpakumbaba noon pa man, napilitan akong magpakumbaba at hangaring sundin ang kalooban ng Panginoon. Sinimulan kong basahin ang mga banal na kasulatan nang mas madalas, manalangin nang mas madalas, at hangaring maglingkod sa iba. Sinikap kong ayusin ang ugnayang matagal ko nang nakaligtaan, pati na ang kaugnayan ko sa Ama sa Langit. Talagang hinangad kong mabago ang puso ko.
Isang araw, maaga pa’y nagmaneho na ako papunta sa paaralan, at hindi pa sumisikat ang araw. Maaliwalas ang kalangitan sa silangan, at madilim naman sa kanluran, at papalubog ang bilog na buwan sa likod nito. Naging ugali ko nang kausapin ang aking Ama sa Langit habang nagmamaneho. Habang nagdarasal ako sa biyaheng ito, naliwanagan ang aking isipan, at sumapuso ko ang bagong pag-asa.
Natanto ko na umaaliwalas at lalo pang lumiliwanag ang buhay ko, tulad ng kalangitan sa silangan. Napapawi ang kadiliman, at ang aking mga kasalanan, na kasing-laki ng bilog na buwan na iyon, ay lumulubog. Naroon pa ang mga iyon, ngunit alam kong hindi magtatagal ay mapapawi ang mga ito kung itutuloy ko ang aking taos-pusong pagsisisi. Nagkaroon ako ng pag-asa na balang-araw ay magiging maaliwalas ang buhay ko na tulad sa katanghaliang tapat.
Sa paglipas ng panahon at nang ipagdasal ko na magawa ko nawang mahalin ang aking Ama sa Langit at ang aking kapwa, naging mas mapagpakumbaba ako. Dahil sa ibayong pagpapakumbaba nahikayat akong maglingkod sa Diyos at sa iba at mas kinalimutan ang aking sarili, at ang pag-asa ko sa buhay na walang hanggan at sa mas magandang bukas ay napanibago at naragdagan. Habang nadaragdagan ang pag-asang iyan, gayundin ang pananalig ko na ang aking Tagapagligtas na si Jesucristo ay may kapangyarihang iligtas at linisin ako mula sa lahat ng kasamaan. Alam ko na ang mga salita ni Mormon ay totoo: “Kayo ay magkakaroon ng pag-asa sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo at sa kapangyarihan ng kanyang pagkabuhay na mag-uli, na ibabangon tungo sa buhay na walang hanggan” (Moroni 7:41).