2014
Tunay at Tapat: Inspirasyon mula sa Buhay at mga Turo ni Joseph Fielding Smith
Enero 2014


Tunay at Tapat

Inspirasyon mula sa Buhay at mga Turo ni Joseph Fielding Smith

Paunawa: Ang ina ng awtor, si Noemi Smith Brewster, ay isinilang noong taon na matawag si Joseph Fielding Smith sa Korum ng Labindalawang Apostol at pangalawang anak ni Ethel Georgina Smith, na pinakasalan ni Pangulong Smith kasunod ng pagkamatay ng kanyang unang asawa.

“Maging tunay at tapat tayo palagi, na may hangaring sundin ang mga utos ng Panginoon at igalang Siya at alalahanin ang mga tipang ginawa natin sa Kanya.”

Nang pumasok ang 33-taong-gulang na si Joseph Fielding Smith sa Salt Lake Tabernacle noong Abril 6, 1910, para dumalo sa pangkalahatang kumperensya, sinabi sa kanya ng isang usher, “Joseph, sino kaya ang magiging bagong apostol?”

“Hindi ko alam,” sagot ni Joseph. “Pero hindi ikaw at hindi rin ako!”1

Habang binabasa ang mga pangalan ng Labindalawang Apostol para masang-ayunan, biglang naramdaman ni Joseph na maaaring pangalan niya ang susunod na babanggitin. Siya nga, at pagkatapos ay sinang-ayunan siya bilang ika-12 lalaki sa kagalang-galang na korum na iyon.

Ang kababaan ng loob at ugaling mapagpatawa ni Joseph ay nakita nang makauwi siya mula sa kumperensya para ipaalam sa kanyang pamilya ang kanyang bagong tungkulin. Isinalubong niya ang isang palaisipan sa kanyang asawa: “Palagay ko kailangan nating ibenta ang baka,” sabi niya. Walang dudang nagulat ang kanyang asawa habang naghihintay pa ng karagdagang paliwanag. Ang simpleng sagot niya ay, “Wala na akong oras para alagaan pa ito!”2 Sa gayon nagsimula ang ministeryo ng isang apostol na tumagal nang mahigit anim na dekada.

Ang apo ni Hyrum Smith na si Joseph Fielding Smith ang ika-10 Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Naglingkod siya nang mas matagal bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol bago siya tinawag bilang Pangulo ng Simbahan kaysa sinumang Pangulo ng Simbahan. Sa 60 taon niya bilang miyembro ng korum na iyon ng mga natatanging saksi, naglakbay muna siya na sakay ng kabayo at bagon at kalaunan ay sakay ng kotse at eroplano para magturo sa mga Banal. Ang kanyang mga sermon at maraming isinulat ay nagpala sa Simbahan at sa lahat ng makikinig sa kanyang inspiradong mga mensahe.

Inanyayahan akong isulat ang artikulong ito dahil sa kaugnayan ko kay Pangulong Joseph Fielding Smith, na magiliw kong tinawag na Granddaddy [Lolo]. Ako ay naimpluwensyahan ng kanyang buhay mula sa aking pagsilang, nang isagawa niya ang ordenansa ng pagbibigay ng pangalan at pagbabasbas sa akin, hanggang sa mamatay siya, nang isa ako sa mga apong lalaki na nagbuhat ng kanyang kabaong sa kanyang libing.

Inorden Noon Pa Man Bilang Propeta

Tulad ng lahat ng propeta ng Diyos, si Joseph Fielding Smith ay inorden noon pa man na pumarito sa lupa ayon sa banal na takdang panahon ng Panginoon (tingnan sa Mga Gawa 17:26). Si Joseph ang pang-apat na anak ngunit unang anak na lalaki ni Julina Lambson Smith. Tulad sa mapagpakumbabang ugali ng matapat na ina sa Lumang Tipan na si Ana (tingnan sa I Samuel 1:11), nangako si Julina na kung bibigyan siya ng Panginoon ng isang anak na lalaki, “gagawin niya ang lahat para tulungan siyang maging kapuri-puri sa Panginoon at sa kanyang ama.”3 Hindi lamang sinagot ng Panginoon ang kanyang pagsamo kundi ipinahayag din sa kanya, bago isinilang ang kanyang anak, na ang bata balang-araw ay tatawaging maglingkod bilang isa sa Kanyang mga natatanging saksi sa Korum ng Labindalawang Apostol.4

Si Joseph ay isinilang noong Hulyo 19, 1876, kina Joseph F. at Julina Lambson Smith. Nang isilang si Joseph, ang kanyang ama ay isang Apostol at tagapayo kay Pangulong Brigham Young. Noong siyam na buwan na si Joseph, dinala siya ng kanyang mga magulang sa paglalaan ng St. George Utah Temple. Kalaunan ay mapagbiro niyang sinasabing, “Ang una kong tungkulin sa simbahan ay ang samahan si Brigham Young sa paglalaan ng St. George Temple.”5

Nang matanggap ni Joseph ang kanyang patriarchal blessing sa edad na 19, ipinatong ng isang inspiradong patriarch ang kanyang mga kamay sa ulo ni Joseph at sinabing: “Pribilehiyo mong mabuhay nang matagal at kalooban ng Panginoon na dapat kang maging isang malakas na tao sa Israel. … Tunay ngang tatayo ka sa gitna ng mga tao bilang propeta at isang tagapaghayag sa kanila, sapagkat pinagpala at inorden ka ng Panginoon sa tungkuling ito.”6

Buhay-Pamilya: Pinaghalong Pagmamahal at mga Pagsubok

Para kay Pangulong Joseph Fielding Smith, “ang pamilya ang pinakamahalagang organisasyon sa buhay na ito o sa kawalang-hanggan.”7 Lumaki siya sa isang pamilyang puno ng pagmamahal, pananampalataya, matataas na pamantayan ng moralidad, at kasipagan sa trabaho, at hinangad niya palagi na dalhin ang mga alituntuning ito sa sarili niyang pamilya. (Tingnan sa mga kabanata 4, 15 at 16 ng Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Fielding Smith.)

Pinakasalan niya si Louie Emily Shurtliff sa Salt Lake Temple noong 1898. Isang taon kalaunan tinawag siyang magmisyon sa Great Britain nang dalawang taon at tapat siyang sinuportahan ng kanyang asawa. Pagbalik niya, magkasamang nagpatuloy ang dalawa sa kanilang buhay at nagkaroon sila ng dalawang anak na babae. Ang malungkot, sa mahirap na ikatlong pagdadalantao ay pumanaw si Louie.

Sa kanyang kalungkutan nanalangin si Joseph, “Tulungan Ninyo ako, isinasamo ko, na makapamuhay nang karapat-dapat para makapiling siya sa walang-hanggang kaluwalhatian, na muli kaming magkasama, at hindi na muling magkawalay pa. … Tulungan ninyo akong mapalaki ang aking mahal na mga anak upang sila ay manatiling dalisay at walang bahid-dungis sa buong buhay nila.”8

Sa panghihikayat ng kanyang ama, ang nagdadalamhating ama na may dalawang anak ay mapanalanging naghanap ng mapapangasawa at magiging ina para sa kanyang maliliit na anak. Pinagpala ang kanyang mabubuting hangarin sa pagdating ni Ethel Georgina Reynolds sa kanyang buhay. Nagpakasal sila noong Nobyembre 1908 sa Salt Lake Temple. Ang kahanga-hangang babaeng ito ay naging ina ng unang dalawang anak na babae ni Joseph at kalaunan ay nagsilang ng siyam pang anak.

Minsan, ang mabibigat na responsibilidad ng kanyang asawa ay hindi maalis sa isipan ng Apostol nang maglakbay siya papunta sa isang stake conference. Sinulatan niya ito at sinabi roon: “Iniisip kita at sana makapiling kita palagi sa susunod na ilang linggo, para maalagaan kita. Tutulungan kita hangga’t kaya ko, at sana’y madama mo ang aking pag-aalala. Sabihin mo sa mga bata na maging mabait sa iyo at sa isa’t isa.”9 Pagkatapos ay ibinahagi niya rito ang masidhing damdamin ng kanyang puso sa isang tula, na kalaunan ay naging isa sa ating himno, “Does the Journey Seem Long?” (blg. 127).

Ang malungkot, pumanaw si Ethel noong 1937. Nang pumanaw siya, lima ang anak sa bahay nila na wala pang asawa. Naisip ni Elder Smith na humanap ng mapapangasawa at makakasama. Noong 1938 pinakasalan niya si Jessie Evans Smith sa Salt Lake Temple.

Isinulat ng isang tao na nakakakilala sa kanila: “Sa kabila ng dalawampu’t anim na taong pagitan ng kanilang edad at pagkakaiba sa pag-uugali, pinagmulan, at pagpapalaki sa kanila, lubos na magkasundo sina Joseph Fielding at Jessie Evans Smith. … Ang nag-ugnay sa malaking agwat ng dalawang magkaibang personalidad na ito ay ang tunay na pagmamahal at paggalang nila sa isa’t isa.”10 (Tingnan sa mga pahina 7–26 ng manwal.)

Naghahangad na Matuto sa Pamamagitan ng Pag-aaral at Pananampalataya

Si Joseph Fielding Smith ay kilala sa Simbahan bilang scriptorian at maalam sa ebanghelyo. Simula noong kabataan niya, hindi siya mapigilan na “maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (D at T 88:118). Dalawang beses niyang nabasa ang Aklat ni Mormon bago siya tumuntong sa edad na 10 taong gulang. Kapag hinahanap siya ng kanyang mga kaibigan, madalas nila siyang matagpuan sa ibabaw ng kamalig at nagbabasa ng mga banal na kasulatan.11

Sinabi niya sa isang kongregasyon makalipas ang ilang taon na “mula nang matuto akong magbasa, mas natuwa at nasiyahan ako sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan … kaysa anupamang bagay sa buong mundo.”12 (Tingnan sa mga kabanata 10 at 18.)

Minsan ay pinuri ni Pangulong Heber J. Grant (1856–1945) ang katalinuhan ni Pangulong Smith sa pagsasabing, “Itinuturing kitang pinakamaalam sa mga banal na kasulatan sa lahat ng General Authority natin sa simbahan.”13

Ang pagkauhaw niyang matuto ay hindi nangangahulugan na hindi siya sumasali sa isports at laro noong bata pa siya o kahit noong nasa hustong gulang na siya. Mahilig siyang maglaro ng baseball at laruin ang maraming laro ng mga kabataang nakatira sa isang lipunan ng mga magsasaka. Nang nasa hustong gulang na siya napakahilig niyang maglaro ng handball at regular siyang dumadalo sa mga laro ng kanyang mga anak. Sumali rin siya sa isports sa mga reunion ng pamilya. Tandang-tanda ko pa ang isang masayang laro ng softball na tinamaan ng lolo ko ang isang line drive na tumama sa kamera ng isang tiyuhin na kumukuha ng mga larawan mula sa left field.

Mahabaging Tagapagtanggol ng Pananampalataya

Bago pa tinawag bilang Apostol, kilala na si Joseph Fielding Smith bilang tagapagtanggol ng pananampalataya, na naging dahilan para husgahan siya ng ilan bilang isang mabagsik na tao. Bagama’t wala siyang tigil sa kanyang hangaring maging tapat sa kanyang mga tipan at hikayatin ang lahat na tanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, may kaamuan siya na madaling makita ng kanyang pamilya at mga kasamahan. Sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985): “Maraming beses na naming nasabi na yamang ang Labindalawa ang magiging mga hukom ng Israel, sinuman sa atin ay matutuwang mahulog sa kanyang mga kamay, dahil magiging mabait, maawain, makatarungan, at banal ang kanyang paghatol.”14

Ipinakita ni Pangulong Smith ang halimbawa ng gayong kabaitan sa isang pulong kung saan tinalakay ang isang aksidenteng kinasangkutan ng isang kotseng pag-aari ng Simbahan. Isang matandang lalaking nagmamaneho ng trak ng mga gulay na hindi nakaseguro ang naging dahilan ng sakuna. Pagkaraan ng kaunting talakayan, inimungkahi na idulog ng Simbahan ang usapin sa hukuman. Gayunman, nagsalita si Pangulong Smith: “Oo, maaari nating gawin iyan. At kung talagang maghahabla tayo, baka makuha pa natin ang trak mula sa kawawang matanda; kapag nagkagayon paano siya makapaghahanapbuhay?” Binago ng komite ang rekomendasyon nito at hinayaan na ito.15

Naranasan ko ang pagmamahal ng iba sa kanya nang lapitan ko si Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) sa Salt Lake Cemetery matapos mailaan ang libingan ni Pangulong Smith. Sinabi ko sa kanya, “Pangulong Lee, bilang miyembro ng pamilya nais kong malaman ninyo kung gaano ko pinasasalamatan ang kabaitang ipinakita ninyo sa lolo ko.” Bilang sagot tinitigan niya ako sa mga mata at magiliw na sinabing, “Mahal ko ang taong iyon!”

Isang Tunay at Tapat na Lingkod

Ang ministeryo ni Pangulong Smith ay kinakitaan ng pagsunod sa utos sa mga banal na kasulatan na mangaral ng pagsisisi (tingnan, halimbawa, sa D at T 6:9; 11:9). Sabi niya: “Itinuturing kong misyon, matapos maantig, sa palagay ko, ng espiritu ng Panginoon habang bumibisita sa mga stake ng Sion, na sabihin sa mga tao na ngayon ang araw ng pagsisisi at manawagan sa mga Banal sa mga Huling Araw na alalahanin ang kanilang mga tipan, … na hinihikayat silang maging tunay at tapat sa lahat ng bagay.”16 (Tingnan sa kabanata 5.)

Sa halos 96 na taon ng kanyang buhay, ipinagdasal ni Pangulong Smith na manatili siyang tunay at tapat at makapagtiis hanggang wakas. Sa katunayan, napansin ni Pangulong Boyd K. Packer, kasalukuyang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, na: “Kahit mahigit siyamnapung taong gulang na siya nananalangin pa rin siya na ‘tuparin niya ang kanyang mga tipan at obligasyon at magtiis hanggang wakas.’”17

Para kay Pangulong Smith, ang “tunay at tapat” ay higit pa sa isang madalas uliting pahayag. Ito ay taos-pusong pagpapahayag ng kanyang pag-asa para sa lahat ng tao—para sa mga miyembro ng Simbahan na nakagawa ng mga tipan at tunay ngang para sa lahat ng anak ng ating Ama sa Langit. “Una sa lahat dapat tayong maging para sa kaharian ng Diyos, …” pakiusap ni Pangulong Smith, “at sa Kanyang kabutihan. Maging tunay at tapat tayo palagi, na may hangaring sundin ang mga utos ng Panginoon at igalang Siya at alalahanin ang mga tipang ginawa natin sa Kanya. Ito ang dalangin ko sa ngalan ng buong Israel.”18 (Tingnan sa mga kabanata 19–22.)

Habang mapanalangin ninyong pinag-iisipan ang kanyang inspiradong mga turo, lalakas ang inyong patotoo at bibiyayaan kayo ng dagdag na pang-unawa sa dalisay at simpleng mga katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang kursong ito ng pag-aaral ay magpapaibayo sa inyong hangaring mamuhay nang “tunay at tapat.”

Mga Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Fielding Smith (2013), 19.

  2. Joseph Fielding Smith Jr. at John J. Stewart, The Life of Joseph Fielding Smith (1972), 176.

  3. Mga Turo: Joseph Fielding Smith, 1; tingnan din sa Bruce R. McConkie, “Joseph Fielding Smith: Apostle, Prophet, Father in Israel,” Ensign, Ago. 1972, 29.

  4. Tingnan sa Bruce R. McConkie, “Joseph Fielding Smith,” 29.

  5. Joseph Fielding Smith, sinipi sa Smith at Stewart, The Life of Joseph Fielding Smith, 49.

  6. Sinipi sa Smith at Stewart, The Life of Joseph Fielding Smith, vii.

  7. Mga Turo: Joseph Fielding Smith, 81.

  8. Mga Turo: Joseph Fielding Smith, 313.

  9. Joseph Fielding Smith, sinipi sa Smith at Stewart, The Life of Joseph Fielding Smith, 188–89.

  10. Mga Turo: Joseph Fielding Smith, 25, 26.

  11. Tingnan sa Mga Turo: Joseph Fielding Smith, 5.

  12. Mga Turo: Joseph Fielding Smith, 5.

  13. Heber J. Grant, sa Francis M. Gibbons, Joseph Fielding Smith: Gospel Scholar, Prophet of God (1992), 290.

  14. Spencer W. Kimball, sa Bruce R. McConkie, “Joseph Fielding Smith,” Ensign, Ago. 1972, 28.

  15. Tingnan sa Lucile C. Tate, Boyd K. Packer: A Watchman on the Tower (1995), 176.

  16. Joseph Fielding Smith, sa Conference Report, Okt. 1919, 88; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  17. Boyd K. Packer, “Covenants,” Ensign, Nob. 1990, 84.

  18. Joseph Fielding Smith, sa Conference Report, Okt. 1912, 124–25.

Itaas: Ang larawang ito ng batang si Joseph Fielding Smith ay nakalagay sa Biblia ng pamilya ng kanyang mga magulang. Kanan: Nasiyahan si Joseph sa paglalaro nila ng handball ng kapatid niyang si David. Ibaba: Si Elder Smith (pangalawa mula sa kaliwa) kasama ang mga kapwa missionary sa England, 1901. Ang larawan sa kabilang pahina ay mula rin sa panahon na siya ay missionary. Ibaba, kanan: Si Elder Smith (kaliwa) kasama ang kapwa Apostol na si George Albert Smith at si Israel Smith, 1936.

Itaas: Si Pangulong Smith kasama ang kanyang mga anak. Itaas kanan: Binati ni Pangulong David O. McKay si Elder Smith, 1961. Kanan: Nakaupo si Pangulong Smith sa harapan sa Salt Lake Tabernacle. Ibaba: Nagpakuha ng retrato si Pangulong Smith sa isang laro ng baseball, isang isport na kinahiligan niyang laruin noong kabataan niya.

Mga larawan sa kagandahang-loob ng Church History Library at Smith family archives