Pagtitiis na Mabuti
Mula sa isang mensahe sa debosyonal, “That’s Life,” na ibinigay sa BYU–Hawaii noong Oktubre 30, 2012. Para sa buong teksto sa Ingles, magpunta sa devotional.byuh.edu/archive.
Hindi natin dapat asahang aalisin ng Panginoon ang ating mga pagsubok dahil lang sa nangangako tayo sa Kanya na laging magiging tapat kung gagawin Niya ito. Sa halip, dapat tayong magtiis na mabuti, at sa gayon ay pagpapalain tayo.
Ang plano ng kaligtasan ay isang napakagandang plano, at bahagi ng planong iyan ang pagdaig sa mga balakid na kung minsan ay sagabal at pumipigil sa atin na maisakatuparan ang ating mga inaasam at pangarap. Tayong lahat ay dumaranas ng mga pagsubok sa ating buhay sa lupa. Ang ilan ay maliliit at ang ilan ay malalaki.
Ang isang maliit na pagsubok ay maaaring kapag naubusan tayo ng gasolina sa gitna ng daan. Ang isang malaking pagsubok ay maaaring kapag nawalan tayo ng mahal sa buhay, kapag nalumpo tayo sa isang aksidente, o kapag nagkaroon ng trahedya sa pamilya. Ang ilang pagsubok ay kagagawan natin dahil sa pagsuway sa mga batas ng Diyos o tao. Ang ilan ay dumarating sa atin nang hindi natin kasalanan. Palagay ko karamihan sa atin ay nakaranas na ng tinatawag na “bad bounces o di-magandang pangyayari” sa buhay. Alam ng kahit sinong sumali sa isang larong ginagamitan ng bola ang lahat ng tungkol sa bad bounces. Bahagi ito ng laro. Hindi mahuhulaan ang laki o dami ng mga ito.
Alam ng mahusay na manlalaro na ang di-magandang pangyayari ay bahagi ng buhay at sinisikap niyang patuloy na mamuhay nang may pananampalataya at tapang. Upang manatiling tapat sa hangarin nating muling makapiling ang Ama sa Langit, kailangan nating humanap ng paraan para malagpasan ang mga balakid at matuklasan kung ano ang tunay na mahalaga sa buhay.
Magpatuloy Ka Lang sa Paglangoy
Noong bata pa ang kaisa-isang anak naming si Lindsay, mahilig kaming manood ng sine nang magkasama. Ang isang nagustuhan at pinanood naming dalawa nang maraming beses ay ang animated film na Finding Nemo. Sa pelikula, nahuli ng isang scuba diver si Nemo at napunta sa isang fish tank sa opisina ng isang dentista. Determinado ang tatay niyang si Marlin na hanapin si Nemo. Nakilala ni Marlin ang isdang si Dory sa kanyang paghahanap. Naharap sila sa iba’t ibang balakid sa paghahanap kay Nemo. Malaki man o maliit ang balakid, iisa ang mensahe ni Dory kay Marlin: “Magpatuloy ka lang sa paglangoy.”
Ilang taon pagkaraan niyon ay nagmisyon si Lindsay sa Santiago, Chile. Mahirap magmisyon. Maraming kabiguan. Linggu-linggo sa hulihan ng email ko ay isinusulat kong, “Magpatuloy ka lang sa paglangoy. Nagmamahal, Itay.”
Noong malapit nang isilang ni Lindsay ang pangalawa niyang anak, nalaman niya na may butas sa puso at Down syndrome ang sanggol na nasa kanyang sinapupunan. Nang sumulat ako sa kanya sa napakahirap na panahong ito, tinapos ko ang aking mga email sa, “Magpatuloy ka lang sa paglangoy.”
Dumarating ang mga balakid sa buhay ng bawat isa sa atin, ngunit para malagpasan ito at makarating tayo sa nais nating puntahan, kailangan tayong magpatuloy sa paglangoy.
Isa sa mga paborito kong talata sa banal na kasulatan ang bahagi 121 ng Doktrina at mga Tipan. Napakagandang talata nito kung saan nagsimula si Propetang Joseph Smith nang napakalungkot at nakadama ng selestiyal na kaligayahan. Ang bahaging ito at ang mga bahagi 122 at 123 ay nagmula sa isang liham ni Joseph sa Simbahan. Para mas maunawaan ang mga dakilang paghahayag na ito, dapat natin itong ilagay sa tamang konteksto.
Si Joseph at ang ilan sa kanyang mga kasama ay nabilanggo sa piitan sa Liberty, Missouri, mula Disyembre 1838 hanggang Abril 1839. Malamig sa piitan, at halos hindi makain ang pagkain. Nasa isang bartolina sila sa basement na marumi ang sahig at napakababa ng kisame kaya hindi sila makatayo nang tuwid. Samantala, pinalayas naman ang mga Banal sa kanilang mga tahanan. Sa gitna ng kaguluhang ito, ipinalabas ni Governor Lilburn W. Boggs ang kanyang kasumpa-sumpang utos na paglipol sa mga Banal.
Nagtanong si Joseph, “O Diyos, nasaan kayo? At nasaan ang pabilyon na tumatakip sa inyong pinagkukublihang lugar?” (D at T 121:1). Ito rin ang Joseph Smith na dinalaw ng Diyos Ama; ni Jesucristo; ni Moroni; ni Juan Bautista; nina Pedro, Santiago, at Juan; at ng iba pa. Hindi nagtagal matapos magtanong sa naunang mga talata, ipinahayag ni Joseph ang kanyang kalungkutan:
“Ang inyong galit ay pasiklabin laban sa aming mga kaaway; at, sa matinding galit ng inyong puso, sa pamamagitan ng inyong espada ay ipaghiganti kami sa aming kaapihan.
“Alalahanin ang inyong mga nagdurusang banal, O aming Diyos; at ang inyong mga tagapaglingkod ay magsasaya sa inyong pangalan magpakailanman” (mga talata 5–6).
Sinagot ng Panginoon ang pagsamo ni Joseph sa pagsasabing, “Aking anak, kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa; ang iyong kasawian at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang” (talata 7).
Pagkatapos ay itinuro Niya kay Joseph ang isang napakagandang alituntunin: “At muli, kung ito ay iyong pagtitiisang mabuti, ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas; ikaw ay magtatagumpay sa lahat ng iyong mga kaaway” (talata 8).
Ang mensahe ay tuwiran at malinaw. Hindi natin dapat asahang aalisin ng Panginoon ang ating mga pagsubok dahil lang sa nangangako tayo sa Kanya na laging magiging tapat kung gagawin Niya ito. Sa halip, dapat tayong magtiis na mabuti, at sa gayon ay pagpapalain tayo. Iyan ay kahanga-hangang aral sa buhay para sa bawat isa sa atin.
May idinagdag na tagubilin sa talata 10, kung saan sinabi ng Panginoon kay Joseph, “Ikaw ay hindi pa katulad ni Job; ang iyong mga kaibigan ay hindi nakikipagtalo sa iyo, ni pinagbibintangan ka na nagkasala, gaya ng kanilang ginawa kay Job.” Sa kabila ng tindi ng pagdurusa ni Job, nalaman natin na, “Ang Anak ng Tao ay nagpakababa-baba sa [lahat ng ito]. Ikaw ba’y nakahihigit sa kanya?” (D at T 122:8).
Ang bahagi 122 ay nagdaragdag sa bahagi 121. Tinatawag ko ito na bahaging kung. Ang salitang kung ay makikita nang 15 beses. Halimbawa, sinasabi sa ikalimang talata, “Kung ikaw ay tinawag upang dumanas ng pagdurusa; kung ikaw ay nasa mga panganib kasama ng mga bulaang kapatid; kung ikaw ay nasa mga panganib kasama ng mga manloloob; kung ikaw ay nasa mga panganib sa lupa o sa dagat” (D at T 122:5; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Kung ipapalit natin sa mga pagsubok na iyon ang mga pagsubok na dinaranas natin sa mundo ngayon, marahil ay may matututuhan tayo, tulad ng kung may mamatay sa aking pamilya o kung iwanan ako ng aking kasintahan o kung may mga problema ako sa pera o kung mas matalino sana ako.
Matapos ang mga kung, sinabi ng Panginoon, “Alamin mo, aking anak [na lalaki o babae], na ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti” (talata 7). Sa madaling salita, ang mga pagsubok sa ating buhay ay nakakatulong at mahalaga rin.
“Samakatwid, mga minamahal na kapatid,” pagsulat ng Propeta, “ating malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya; at pagkatapos nawa tayo ay makatayong hindi natitinag, na may lubos na katiyakan, na makita ang pagliligtas ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay maipahayag” (D at T 123:17).
Ang buhay ay puno ng mga balakid, na ang ilan ay tila napakalaki. Dapat nating tiisin ang mga ito nang masaya at puno ng katapatan. Sa paggawa nito, sa huli ay makababalik tayo upang manirahan sa piling ng Diyos magpakailanman.
Ang Halimbawa ng Tagapagligtas
Ang pinakadakilang halimbawa ng pagtitiis ay ang buhay ng Tagapagligtas. Kinailangan sa Pagbabayad-sala na Siya ay magpakababa sa lahat ng bagay at ialay ang Kanyang perpektong buhay para sa ating kapakanan. Sa pagpapakababa sa lahat ng bagay, nagdusa Siya para sa lahat ng kasawian at kasalanan sa buhay, “kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu” (D at T 19:18).
Alam ni Jesus kung ano ang ipinagagawa sa Kanya, at sinabi Niya sa lubos na makataong paraan, “Ama ko, kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo” (Mateo 26:39). Gayon pa man, handa Siyang gawin ang kalooban ng Kanyang Ama at tiisin ang lahat ng bagay.
Ang Kinahinatnan Natin ang Gumagawa ng Lahat ng Kaibhan
Ang negosyong pag-aari ko ngayon ay itinatag ng aking ama halos 60 taon na ang nakararaan. Namatay siya noong 1980, at iniwan sa akin ang pagpapatakbo ng kumpanya sa batang edad na 30.
Noong mga taong iyon, nagkaroon ng mga sitwasyon na kinailangan kong gawan ng desisyon na nakaapekto sa kinabukasan ng aming mahinang negosyo. Nagsikap akong mabuti para magawa ang gagawin din ng aking ama kung siya ay nabubuhay pa, at nag-ukol ako ng mahabang oras sa pagdarasal, sa pagsisikap na malaman kung ano ang gagawin. Sa lahat ng desisyong iyon, hindi ako kailanman nakadama ng kapanatagan o anumang patnubay. Sa huli ay ginawa ko ang inakala kong pinakamainam at nagpatuloy ako. Ngunit nalungkot ako na wala akong nakuhang anumang pagpapatibay sa aking mga desisyon.
Isang gabi napanaginipan ko ang aking ama. Sinimulan ko siyang sisihin dahil hindi niya ako tinulungang malaman ang gagawin. Sinabi niya na batid niya ang aking sitwasyon ngunit abala siya sa kanyang kinaroroonan at hindi gaanong mahalaga ang dati niyang negosyo. “Chris, hindi talaga namin inaalala ang negosyo rito sa itaas,” sabi niya. “Ang inaalala namin ay ang kinahinatnan mo dahil sa negosyo mo.”
Iyon ay magandang aral na sana’y hindi ko malimutan. Walang halaga ang natatanggap natin sa buhay, ngunit ang kinahinatnan natin sa buhay ang gumagawa ng lahat ng kaibhan.
Kung minsan nalilimutan natin na bago tayo isinilang ay nakipaglaban tayo kasama ng Tagapagligtas sa pagtatanggol sa plano ng Ama na moral na kalayaan. At nanalo tayo! Pinalayas si Lucifer at ang kanyang mga kampon, at nagkaroon tayo ng pagkakataong maranasan ang buhay na ating ipinaglaban. Kabilang sa plano ng Ama ang Pagbabayad-sala. Tungkulin nating harapin ang ating mga pagsubok at tiising mabuti ang mga ito. Kapag ginawa natin ito, may kabuluhan ang Pagbabayad-sala sa ating buhay at isinasagawa natin ang gawain at kaluwalhatian ng Panginoon: “ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).
Pinatototohanan ko na si Jesus ang Cristo. Siya ang Tagapagligtas ng mundo. Siya ang Prinsipe ng Kapayapaan at ating Tagapamagitan sa Ama. Pinatototohanan ko na kilala tayo ng Ama sa pangalan, mahal tayo sa kabila ng ating mga kahinaan, at ipaghahanda tayo ng isang lugar kung tayo ay tapat at magtitiis hanggang wakas.