2014
Ang Banal na Misyon ni Jesucristo: Huwaran
Enero 2014


Mensahe sa Visiting Teaching

Ang Banal na Misyon ni Jesucristo: Huwaran

Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at hangaring malaman kung ano ang ibabahagi. Paano pag-iibayuhin ng pag-unawa sa buhay at misyon ng Tagapagligtas ang iyong pananampalataya sa Kanya at pagpapalain ang mga pinangangalagaan mo sa pamamagitan ng visiting teaching? Para sa karagdagang impormasyon, magpunta sa reliefsociety.lds.org.

Pananampalataya, Pamilya, Kapanatagan

Kapag naunawaan natin na si Jesucristo ang ating halimbawa sa lahat ng bagay, madaragdagan ang hangarin nating sundin Siya. Ang mga banal na kasulatan ay puno ng panghihikayat na sundan natin ang mga yapak ni Cristo. Sa mga Nephita, sinabi ni Cristo, “Sapagkat ang mga gawang nakita ninyong ginawa ko ay siya rin ninyong gagawin” (3 Nephi 27:21). Kay Tomas, sinabi ni Jesus, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko” (Juan 14:6).

Ngayon ipinapaalala sa atin ng ating mga lider na gawin nating halimbawa ang Tagapagligtas. Sinabi ni Linda K. Burton, Relief Society general president na, “Kapag nakaukit sa ating puso ang doktrina ng Pagbabayad-sala, tayo ay magiging mga uri ng tao na nais ng Panginoon na kahinatnan natin.”1

Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson, “Ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo ang ating Huwaran at ating lakas.”2

Magpasiya tayong lumapit kay Jesucristo, sundin ang Kanyang mga utos, at sikaping makabalik sa ating Ama sa Langit.

Mula sa mga Banal na Kasulatan

2 Nephi 31:16; Alma 17:11; 3 Nephi 27:27; Moroni 7:48

Mula sa Ating Kasaysayan

“Namuno S’ya at landas ay ‘tinuro,” pagsulat ni Eliza R. Snow, ikalawang Relief Society general president, tungkol sa mortal na ministeryo ni Jesucristo.3 Nagministeryo siya sa mga tao—sa bawat isa. Itinuro Niya na dapat nating iwan ang siyamnapu’t siyam upang iligtas ang isang naliligaw (tingnan sa Lucas 15:3–7). Pinagaling at tinuruan Niya ang mga tao, at pinag-ukulan pa ng oras ang bawat isa sa pulutong ng 2,500 katao (tingnan sa 3 Nephi 11:13–15; 17:25).

Tungkol sa mga babaeng Banal sa mga Huling Araw, sinabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Kayong kahanga-hangang kababaihan ay nagkakawanggawa sa iba para sa higit na kapakanan ng iba kaysa sa inyong sarili. Dito ninyo natutularan ang Tagapagligtas. … Ang Kanyang isipan ay laging nakatuon sa pagtulong sa iba.”4

Mga Tala

  1. Linda K. Burton, “Nakasulat Ba sa Ating Puso ang Pananampalataya sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo?” Liahona, Nob. 2012, 114.

  2. Thomas S. Monson, “Meeting Life’s Challenges,” Ensign, Nob. 1993, 71.

  3. “Dakilang Karunungan at Pag-ibig,” Mga Himno, blg. 116.

  4. Dieter F. Uchtdorf, “Kaligayahan, ang Inyong Pamana,” Liahona, Nob. 2008, 120.

ANG PAGKABUHAY NA MULI, ni Harry Anderson