Paano Ako Mababago ng Kaalaman tungkol sa Panguluhang Diyos?
Ang limang alituntunin tungkol sa Panguluhang Diyos ay makakagawa ng kaibhan sa inyong pamumuhay.
Sinabi ni Joseph Smith, “Ang unang alituntunin ng ebanghelyo ay ang malaman nang may katiyakan ang tunay na pagkatao ng Diyos.”1 Ang alam natin tungkol sa Panguluhang Diyos ay mababago ang paraan ng ating pamumuhay, hindi lamang sa malalaking bagay kundi maging sa maliliit na bagay sa araw-araw. Isipin kung paano naaapektuhan ng kaalaman ninyo tungkol sa Panguluhang Diyos ang inyong buhay habang binabasa ninyo ang limang alituntuning ito.
Mahal tayo ng Panguluhang Diyos at nais Nila ang pinakamainam para sa atin.
Ang mga miyembro ng Panguluhang Diyos ay walang hanggan at makapangyarihan, ngunit gusto pa rin Nila na masaya tayo at nasa mabuting kalagayan. Nagpatotoo si Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008): “Interesado sila sa atin, at tayo ang sentro ng lahat ng malaking alalahanin Nila. Nariyan sila para sa bawat isa sa atin. Lumalapit tayo sa Ama sa pamamagitan ng Anak. Siya ang ating tagapamagitan sa luklukan ng Diyos. Kagila-gilalas na makakausap natin ang Ama sa ganitong paraan sa pangalan ng Anak.”2
Dahil mahal tayo ng mga miyembro ng Panguluhang Diyos at nais Nila ang pinakamainam para sa atin, mahalaga ang ating mga pagpili, lalo na ang mga munting bagay na ginagawa natin araw-araw na naglalapit sa atin sa Kanila. Walang hanggan ang ating potensyal, at gusto ng Diyos na magtagumpay tayo, kahit sa maliliit na bagay.
Ibinigay sa atin ng Ama sa Langit ang lahat ng bagay.
Alam natin na ibinigay sa atin ng Ama sa Langit ang lahat ng bagay, kaya dapat nating sikaping kilalanin ang Kanyang tulong at magpasalamat. Kapag tayo ay nagpapasalamat, iba ang ating kilos. Nangako si Pangulong Thomas S. Monson na “mapapasigla natin ang ating sarili at maging ang iba, kapag tumanggi tayong mag-isip palagi ng masama at nagkaroon ng pasasalamat sa ating puso.”3
Dahil lahat ng mayroon tayo ay nagmumula sa Diyos (tingnan sa Mosias 2:20–21; D at T 59:21), ang ating pasasalamat ay magagawa tayong mas handang magbahagi sa iba. Kabilang dito ang ating oras at mga talento gayundin ang ating materyal na mga pagpapala.
Ang Ama sa Langit ay maawain.
Ang Kanyang gawain at kaluwalhatian ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Nais Niya tayong magtagumpay, kaya pinagkakalooban Niya tayo ng kapatawaran sa mga pagkakamaling nagagawa natin. Naglalaan pa ng kapatawaran ang Kanyang awa kapag nauulit ang ating mga pagkakamali. Tutulungan tayo ng Ama sa Langit, ni Jesucristo, at ng Espiritu Santo na magbago.
Itinuturo sa atin ng awa ng Diyos na magpatawad. Sabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Dahil mahal na mahal tayo ng Diyos, dapat din nating mahalin at patawarin ang isa’t isa.”4 Kabilang dito ang pagpapatawad sa ating sarili.
Si Jesucristo ay nagdusa para sa atin.
Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, naranasan ng Tagapagligtas ang lahat ng ating pasakit at dalamhati (tingnan sa Alma 7:11–13). Kung may araw na nahihirapan tayo at parang walang nakakaunawa, malalaman natin na ang Tagapagligtas ay talagang nakakaunawa. At kapag napakaganda naman ng ating maghapon at gusto nating ibahagi ito sa isang tao, nariyan ang Tagapagligtas para sa atin. Nais niyang makibahagi sa ating mga kagalakan tulad ng pakikibahagi Niya sa ating mga pasakit.
Ginagabayan tayo ng Espiritu Santo.
Nangako si Jesucristo sa Kanyang mga Apostol na ang Mang-aaliw, o Espiritu Santo, ay maaari nilang makasama sa tuwina para turuan at aliwin sila (tingnan sa Juan 14:16–17, 26–27). Maaari ding mapasaatin ang kaloob na Espiritu Santo upang gabayan tayo. At makakaasa tayo na ang mga sagot ng Espiritu Santo ay tutulong sa atin. Sa Kanyang patnubay, maaari tayong makipag-ugnayan palagi sa Panguluhang Diyos. At kapag sinunod natin ang mga panghihikayat na tinatanggap natin, unti-unti natin Silang higit na makikilala.