2014
Paghahanda ng mga Regalo para sa Inyong Magiging Pamilya
Enero 2014


Paghahanda ng mga Regalo para sa Inyong Magiging Pamilya

Mula sa isang mensahe sa debosyonal, “Gifts of Love,” na ibinigay sa Brigham Young University noong Disyembre 16, 1980. Para sa buong teksto sa Ingles, pumunta sa speeches.byu.edu.

Pangulong Henry B. Eyring

Ngayong taon, magsimulang gumawa ng ilang regalo—magagandang regalo—para sa inyong magiging pamilya.

A young man holding up a chain of paper dolls.

Mga paglalarawan ni Cody Bell

Noon pa man ay pangarap ko nang maging isang mabuting tagapagbigay ng regalo. Naiisip ko na binubuksan ng mga tao ang aking mga regalo at lumuluha sila sa galak at ngumingiti dahil naantig ang puso nila sa pagbibigay, hindi lamang sa regalo. Maaaring pangarap din ninyo iyan. Marahil marami sa inyo ang eksperto na sa pagreregalo.

May magagawa kayo ngayong taon para kayo mismo ay maging mas mabuting tagapagbigay ng regalo. Katunayan, bilang mga estudyante, mayroon kayong ilang espesyal na pagkakataon. Maaari kayong magsimulang maglagay ng ilang regalo—magagandang regalo—na hulugan ang bayad para sa inyong magiging pamilya. Sasabihin ko sa inyo ang tungkol dito.

Mga Sulatin para sa Paaralan

A pen lying on a handwritten letter.

Makapagsisimula kayo sa kuwarto ninyo ngayon. May nakatabi ba kayong sulatin o school paper na hindi tapos? (Palagay ko may mga nakatabi riyan; sa palagay ko kabisado ko ang kuwarto ninyo.) Siguro naka-type ito at mukhang handa nang isumite. Bakit pa ba ninyo ito pagkakaabalahan? Nalaman ko kung bakit sa isang klase sa relihiyon na tinuruan ko minsan sa Ricks College (na Brigham Young University–Idaho na ngayon). Nagtuturo ako noon mula sa bahagi 25 ng Doktrina at mga Tipan. Sa bahaging iyan iniutos kay Emma Smith na dapat niyang ilaan ang kanyang panahon sa “pagsusulat, at sa pag-aaral nang lubos” (talata 8). Mga tatlong hanay mula sa harap ay nakaupo ang isang batang babae na blonde ang buhok na napakunot-noo nang himukin ko ang klase na pakasikaping maging mahusay sa pagsusulat. Nagtaas siya ng kamay at sinabi niya, “Parang hindi po nararapat iyan para sa akin. Lahat lang ng isusulat ko ay mga liham para sa aking mga anak.” Nagtawanan ang buong klase. Sa pagtingin ko pa lang sa kanya ay naiisip ko na ang maraming bata sa kanyang paligid, at nakikinita ko pa ang mga liham na isusulat niya. Siguro hindi mahalaga sa kanya ang pagsulat nang maganda.

Pagkatapos ay isang binata ang tumayo malapit sa likuran. Kakaunti lang ang sinabi niya sa buong semestre; hindi ko tiyak kung nakapagsalita na siya noon. Mas matanda siya kaysa sa ibang mga estudyante, at mahiyain siya. Itinanong niya kung puwede siyang magsalita. Sinabi niya sa mahinang tinig na naging sundalo siya sa Vietnam. Isang araw, sa pag-aakala niya na walang anumang mangyayari, iniwan niya ang kanyang riple at tumawid siya sa kanyang matibay na pinagkukutaan papunta sa lugar kung saan ibinibigay ang mga liham para sa mga sundalo. Nang makuha na niya ang kanyang liham, nakarinig siya ng tunog ng trumpeta at mga sigawan at putok ng kanyon na mula sa sumusugod na kaaway. Pilit niyang binalikan ang kanyang riple, gamit ang kanyang mga kamay bilang sandata. Kasama ang mga taong nakaligtas, napaatras nila ang kaaway. Pagkatapos ay naupo siya kasama ng mga buhay, at ng ilan sa mga patay, at binuksan niya ang kanyang liham. Mula iyon sa kanyang ina. Isinulat ng kanyang ina na nagkaroon ito ng espirituwal na karanasan na tumiyak sa kanya na makakauwi siya nang buhay kung siya ay matwid. Sa klase ko, mahinang sinabi ng binata, “Ang liham na iyon ay banal na kasulatan sa akin. Itinago ko iyon.” At umupo na siya.

Maaari kayong magkaroon ng anak balang-araw, marahil ay isang anak na lalaki. Nakikinita ba ninyo ang kanyang mukha? Nakikinita ba ninyo siya sa isang lugar, sa isang panahon, na nanganganib ang buhay? Nadarama ba ninyo ang takot sa kanyang puso? Naaantig ba kayo nito? Gusto ba ninyong magbigay nang taos-puso at walang kapalit? Anong sakripisyo ang kailangan para maisulat ang liham na nanaising ipadala ng inyong puso? Simulan ninyong magpraktis mamayang hapon. Bumalik sa kuwarto ninyo at isulat at basahin at muling isulat ang nilalaman ng papel na iyon nang paulit-ulit. Hindi ito magmumukhang sakripisyo kung iisipin ninyo ang batang iyon, madarama ang nasa kanyang puso, at iisipin ang mga liham na kakailanganin niya balang-araw.

Paglutas ng mga Problema sa Matematika

Chalk board with chalk and eraser

Ngayon, ang ilan sa inyo ay maaaring walang gagawing sulatin o liham. Maaaring ito ay isang textbook na naglalaman ng problema sa matematika. Magkukuwento ako sa inyo tungkol sa isang araw sa inyong hinaharap. Magkakaroon kayo ng isang anak na binatilyo o dalagita na magsasabing, “Ayokong mag-aral.” Matapos makinig na mabuti, malalaman ninyo na hindi paaralan o matematika ang kinamumuhian niya—iyon ay ang kabiguang nadarama niya.

Mahihiwatigan ninyo nang tama ang mga damdaming iyon, at maaantig kayo; nanaisin ninyong magbigay nang taos-puso at walang kapalit. Kaya bubuksan ninyo ang aklat at sasabihing, “Pagtulungan nating lutasin ang isa sa mga problema.” Isipin ang pagkabiglang madarama ninyo kapag nabasa ninyo na ang math problem ay pababa sa ilog ang bangkang iyon sa loob ng dalawang oras at pabalik ito sa loob ng limang oras, at ang itinatanong pa rin ay kung gaano kabilis ang daloy ng tubig at gaano kalayo ang nalakbay ng bangka. Maaari ninyong isiping, “Gaganda ang pakiramdam ng mga anak ko kapag nakita nilang hindi ko rin kaya ang matematika.” Ito ang maipapayo ko sa inyo: hindi sila matutuwa sa regalong iyan.

May mas magandang regalo, pero kailangang pagsikapan ito ngayon. Noong bata pa si Itay, marahil ay nalutas niya ang problema tungkol sa bangka at marami pang iba. Bahagi iyan ng mga kasangkapang kailangan niya para maging isang siyentipiko na gagawa ng kaibhan sa chemistry. Ngunit gumawa rin siya ng kaibhan sa akin. Ang sala ng aming pamilya ay hindi kasingganda ng sa iba. May isang klase ito ng muwebles—mga silya—at isang dekorasyon sa dingding—isang berdeng pisara. Umabot ako sa edad na dadaanan din ng inyong anak na lalaki o babae. Hindi ko inisip kung malulutas ko ang mga problema sa matematika; napatunayan ko sa sarili ko na hindi ko iyon kaya. At napatunayan din ng ilan sa aking mga guro na totoo iyan.

Pero hindi nasiyahan si Itay. Inisip niya na kaya kong gawin iyon. Kaya nagpalitan kami sa paggamit ng pisara. Hindi ko maalala ang mga regalong ibinalot ng tatay ko at ibinigay sa akin. Pero natatandaan ko ang pisara at mahinang boses niya. Ang pagtuturo niya ay higit pa sa pagkaalam na kinakailangan ko at pagmamalasakit sa akin. Higit pa iyon sa kahandaang mag-ukol ng kanyang panahon noon, bagama’t napakahalaga niyon. Kinailangan niyon ang oras na ginugol niya noong may mga pagkakataon siya na katulad ninyo ngayon. Dahil nag-ukol siya ng panahon noon, nagkaroon kami ng oras sa pisarang iyon at natulungan niya ako.

At dahil ibinigay niya sa akin iyon, may anak akong lalaki na nagpatulong sa akin nang isang taon. Pinagtulungan namin ang gayon ding problema na naranasan ko. At isinulat ng kanyang guro na “malaki ang ibinuti” sa kanyang report card. Ngunit sasabihin ko sa inyo kung ano ang gumanda nang husto: ang pakiramdam ng isang mabait na batang lalaki tungkol sa kanyang sarili. Wala akong anumang regalong mailalagay sa ilalim ng Christmas tree para kay Stuart na maipapamana ng pamilya sa darating na mga henerasyon na katulad sa ipinagmamalaki niyang tagumpay.

Pag-aaral ng Sining at Musika

Preparing Gifts for Your Future Family, Jan. 2014 New Era

Siguro ay may ilang estudyante ng sining (o musika ba?) na nangingiti. Iniisip nila, “Hindi niya ako makukumbinsi na may nakatagong regalo sa mga assignment ko na hindi ko natapos.” Susubukan ko. Noong nakaraang linggo nagpunta ako sa isang parangal para sa isang binatilyo. May slide show. Pinatay ang mga ilaw, at nakilala ko ang dalawang boses. Ang isa ay isang bantog na mang-aawit sa background, at ang isa naman, ang narrator, ay ama ng binatilyo.

Oras siguro ang ginugol ng tatay niya sa paghahanda ng mga slide, pagsulat ng mga magagandang salita, at kahit paano ay naitugma ang lakas at tiyempo ng musika sa mga salita. Balang-araw ay magkakaanak kayo ng lalaki na pararangalan sa gayong kaganapan, habang nanonood ang lahat ng pinsan niya at tiya at tiyo. At buong puso ninyong nanaising sabihin sa kanya kung ano siya at kung ano ang maaari niyang kahinatnan. Ang pagbibigay ninyo ng regalong iyon ay nakasalalay sa kung nadarama ninyo ang nasa puso niya ngayon at naaantig kayo at nagkakaroon ng mga kasanayan sa paglikha na kakailanganin ninyo. At ipinapangako ko na higit ang magiging kahulugan nito kaysa kaya ninyong pangarapin ngayon.

Pagsisisi Ngayon

A young man waiting to talk to his Bishop.

May isa pang regalo na maaaring naising ibigay ng ilan sa inyo na kailangang simulang gawin nang maaga. Nakita ko itong magsimula noong bishop ako. Isang binata ang nakaupo sa tapat ng mesa ko. Binanggit niya ang mga nagawa niyang pagkakamali. At binanggit niya kung gaano niya kagustong magkaroon ng mga anak balang-araw na may ama na magagamit ang kanyang priesthood at maibubuklod sa kanila magpakailanman. Sinabi niya na alam niya na maaaring malaki ang katumbas at hirap ng pagsisisi. Pagkatapos ay may sinabi siya na hindi ko malilimutan: “Bishop, nagbabalik po ako. Gagawin ko anuman ang nararapat gawin. Nagbabalik po ako.” Nakadama siya ng labis na lungkot. At sumampalataya siya kay Cristo. Gayunman ilang buwan siyang nahirapan at nagsumikap.

Kaya nga sa iba’t ibang lugar ay may pamilyang pinamumunuan ng matwid na ama na mayhawak ng priesthood. Mayroon silang mga walang-hanggang pag-asa at kapayapaan sa lupa. Marahil ay ibibigay niya sa kanyang pamilya ang lahat ng klaseng regalong nakabalot nang maganda, pero wala nang mas mahalaga kaysa sa matagal na niyang sinimulan sa opisina ko at hindi siya tumigil sa pagbibigay. Nadama niya noon ang mga pangangailangan ng mga anak na pinangarap niya, at nagbigay siya nang maaga at walang kapalit na regalo. Tinalikuran niya ang kanyang kapalaluan at katamaran at pagiging manhid. Natitiyak ko na parang hindi ito sakripisyo ngayon.

Maibibigay niya ang regalong iyon dahil sa isa pang nagbigay noon. Ibinigay sa atin ng Diyos Ama ang Kanyang Anak, at ibinigay sa atin ni Jesucristo ang Pagbabayad-sala, ang pinakadakila sa lahat ng kaloob at lahat ng handog. Nadama ng Tagapagligtas ang lahat ng sakit at dalamhati ng kasalanan na mapapasaating lahat at sa iba pang mabubuhay (tingnan sa Sa Mga Hebreo 4:14–16).

Pinatototohanan ko sa inyo na ibinigay ni Jesus ang regalo nang walang kapalit, nang kusang-loob, sa ating lahat. At pinatototohanan ko na kapag tinanggap ninyo ang regalong ito, na ibinigay sa pamamagitan ng walang-hanggang sakripisyo, matutuwa ang nagbigay nito (tingnan sa Lucas 15:7).

“Tinanggap ninyong walang bayad, ay ibigay ninyong walang bayad” (Mateo 10:8) Dalangin ko na magbigay tayo nang walang kapalit. Dalangin ko na maantig tayo ng damdamin ng iba, na magbigay tayo nang hindi nadarama na pinipilit tayo o makikinabang tayo, at na malalaman natin na ang sakripisyong iyon ay nagiging kasiya-siya para sa atin kapag pinahalagahan natin ang kagalakang dulot nito sa puso ng ibang tao.

MGA LARAWANG KUHA NG iStockphoto/Thinkstock AT NI Welden C. Andersen