Ang Victory Tunnel
“Kaydakila ng plano ng ating Diyos” (2 Nephi 9:13).
Noong tagsibol, dumalo kaming mag-asawa sa football game ng apat-na-taong-gulang naming apo. Sabik at tuwang-tuwang nagtakbuhan ang mga bata sa lahat ng direksyon sa paghabol sa bola. Nang tumunog ang huling pito, hindi alam ng mga manlalaro kung sino ang nanalo o natalo. Basta naglaro lamang sila.
Hiniling ng mga coach sa mga manlalaro na makipagkamay sa kabilang team. Pagkatapos ay nakita namin ang isang bagay na kakaiba. Nagtawag ang kanilang coach ng isang victory tunnel.
Ang mga magulang, mga lolo’t lola, at sinumang nagpunta upang panoorin ang laro ay tumayo at gumawa ng dalawang linyang magkaharap. Pagkatapos ay itinaas nila ang kanilang mga kamay at lumikha ng arko. Napasigaw ang mga bata nang magtakbuhan sila sa ilalim ng mga bisig ng nagbubunying matatanda.
Di-nagtagal ipinasiya ng mga bata sa kabilang team na sumali sa kasayahan. Lahat ng manlalaro ay pinalakpakan ng matatanda nang magtakbuhan sila sa victory tunnel.
Sa aking isipan nakikita ko ang isa pang tagpo. Nadama ko na nakikita ko ang mga batang ito na ipinamumuhay ang plano ng Ama sa Langit na nilikha para sa lahat ng bata. Tumatakbo sila sa makipot at makitid na landas, sa ilalim ng mga bisig ng mga taong nagmamahal sa kanila. Nadama ng bawat bata ang galak ng pagtahak sa landas.
Si Jesucristo ay “ipinakita ang landas at itinuro ang daan” para sa bawat isa sa atin.1 Kung susundan natin Siya, babalik tayong lahat sa ating tahanan sa langit at magiging ligtas sa mga bisig ng Ama sa Langit.