2014
Ang Banal na Panguluhang Diyos
Enero 2014


Mga Klasikong Ebanghelyo

Ang Banal na Panguluhang Diyos

Si Gordon B. Hinckley, ang ika-15 pangulo ng Simbahan, ay isinilang noong Hunyo 23, 1910. Siya ay naorden bilang Apostol noong Oktubre 5, 1961, sa edad na 51, at noong Marso 12, 1995, siya ay sinang-ayunan bilang Pangulo ng Simbahan.

Mula sa “The Father, Son, and Holy Ghost,” Ensign, Nob. 1986, 49–51; inayon sa pamantayan ang pagpapalaki ng mga letra at pagbabantas.

Pangulong Gordon B. Hinckley

Ang ating paniniwala sa Diyos Amang Walang Hanggan; sa Kanyang Anak na si Jesucristo; at sa Espiritu Santo ang pinakamahalaga sa ating relihiyon.

Sa pagtuturo ng mga pangunahing alituntunin ng ating doktrina, ito ang inuna ni Propetang Joseph:

“Naniniwala kami sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, at sa Kanyang Anak, na si Jesucristo, at sa Espiritu Santo” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:1).

[Itinuro din ng Propeta]: “Ang unang alituntunin ng ebanghelyo ay malaman nang may katiyakan ang katangian ng Diyos” (History of the Church, 6:305).

Ang napakahalaga at pinakapangunahing mga pagpapahayag na ito ay ayon sa mga salita ng Panginoon … : “At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo” (Juan 17:3). …

Diyos Amang Walang Hanggan

Naniniwala ako nang walang pag-aatubili o pag-aalinlangan sa Diyos Amang Walang Hanggan. Siya ang aking Ama, ang Ama ng aking espiritu, at ang Ama ng mga espiritu ng lahat ng tao. Siya ang dakilang Lumikha, ang Pinuno ng Sansinukob. … Sa Kanyang larawan nilikha ang tao. Siya ay personal. Siya ay tunay. Siya ay indibiduwal. Siya ay “may katawang may laman at mga buto na mahihipo gaya ng sa tao” (D at T 130:22).

Sa salaysay tungkol sa paglikha ng mundo, “sinabi ng Dios, Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis” (Genesis 1:26).

May lilinaw pa ba kaysa riyan? Paghamak ba sa Diyos, tulad ng gusto ng ilan na paniwalaan natin, na ang tao ay nilikha sa Kanyang tunay na larawan? Sa halip, dapat itong magdulot sa puso ng bawat lalaki at babae ng mas malaking pagpapahalaga sa kanyang sarili bilang anak ng Diyos. …

… Noong ako ay missionary, nagsalita ako [sa London, England, nang sumabad ang isang nangangantiyaw], “Bakit hindi ka na lang maniwala sa doktrina ng Biblia na nakasaad sa Juan (4:24), ‘Ang Dios ay Espiritu’?”

Binuklat ko ang aking Biblia sa talatang binanggit niya at binasa sa kanya ang buong talata: “Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya’y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan.”

Sabi ko, “Totoong ang Diyos ay espiritu, at gayundin ikaw, sa magkasamang espiritu at katawan kaya isa kang buhay na nilalang, at gayundin ako.”

Bawat isa sa atin ay may espiritu at katawan. Alam ng lahat na totoong may kamatayan … , at alam din ng bawat isa sa atin na ang espiritu ay patuloy na mabubuhay at pagdating ng panahon, sa ilalim ng plano ng langit na mangyayari dahil sa pagsasakripisyo ng Anak ng Diyos, muling magsasama ang espiritu at katawan. Ang pahayag ni Jesus na ang Diyos ay espiritu ay hindi nagtatanggi na Siya ay may katawan tulad sa pahayag na ako ay espiritu na hindi itinatanggi na mayroon akong katawan.

Hindi ko ipinapantay ang aking katawan sa kadalisayan ng Kanyang katawan, sa kapangyarihan, kagandahan at kaningningan nito. Ang sa Kanya ay walang hanggan. Ang sa akin ay mortal. Sa halip pinag-iibayo lamang niyan ang pagpipitagan ko sa Kanya. … Hangad kong mahalin Siya nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas. Ang Kanyang karunungan ay nakahihigit sa karunungan ng lahat ng tao. … Mahal Niya ang lahat ng Kanyang anak, at gawain at kaluwalhatian Niya na isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng Kanyang mga anak … (tingnan sa Moises 1:39). …

Ang Panginoong Jesucristo

Naniniwala ako sa Panginoong Jesucristo, ang Anak ng walang-hanggan at buhay na Diyos. Naniniwala ako na Siya ang Panganay ng Ama at Bugtong na Anak ng Ama sa laman. Naniniwala ako na Siya ay indibiduwal, hiwalay at iba sa Kanyang Ama. …

Naniniwala ako na sa Kanyang mortal na buhay Siya ang tanging sakdal na taong nabuhay sa lupa. Naniniwala ako na sa Kanyang mga salita matatagpuan ang liwanag at katotohanang iyon na magliligtas sa sanlibutan at maghahatid ng kadakilaan sa sangkatauhan, kung susundin ito. Naniniwala ako na nasa Kanyang priesthood ang banal na awtoridad—ang kapangyarihang magbasbas, kapangyarihang magpagaling, kapangyarihang mamahala sa mga gawin ng Diyos sa lupa, kapangyarihang ibuklod sa kalangitan yaong ibinuklod sa lupa.

Naniniwala ako na sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, sa pag-aalay ng Kanyang buhay sa burol ng Kalbaryo, ay pinagbayaran Niya ang mga kasalanan ng sangkatauhan, at naaalis sa atin ang bigat ng kasalanan kung tatalikuran natin ang kasamaan at susunod sa Kanya. Naniniwala ako sa katotohanan at kapangyarihan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. … Naniniwala ako na sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, … ibinibigay sa bawat isa sa atin ang kaloob na pagkabuhay na mag-uli mula sa kamatayan. Naniniwala rin ako na sa pamamagitan ng sakripisyong iyon ay nabigyan ng pagkakataon ang bawat lalaki at babae, bawat anak ng Diyos, na magkaroon ng buhay na walang hanggan at kadakilaan sa kaharian ng ating Ama, kapag ating … sinunod ang Kanyang mga utos.

Wala nang gayon kadakila na nabuhay sa mundong ito. Wala nang iba na nakapantay sa pagsasakripisyo o pagpapala Niya. Siya ang Tagapagligtas at Manunubos ng daigdig. Naniniwala ako sa Kanya. Ipinapahayag ko ang Kanyang kabanalan … . Mahal ko Siya. Sinasambit ko ang Kanyang pangalan nang may pagpipitagan at paghanga. …

… Nakasaad sa banal na kasulatan ang tungkol sa [mga taong] pinagpakitaan Niya at kinausap bilang buhay, nabuhay na mag-uling Anak ng Diyos. Nagpakita rin Siya sa dispensasyong ito, at ipinahayag ng mga taong nakakita sa Kanya:

“At ngayon, matapos ang maraming patotoo na ibinigay hinggil sa kanya, ito ang patotoo, na pinakahuli sa lahat, na aming ibibigay tungkol sa kanya: Na Siya ay buhay!

“Sapagkat siya ay aming nakita, maging sa kanang kamay ng Diyos; at aming narinig ang tinig na nagpapatotoo na siya ang Bugtong na Anak ng Ama—

“Na sa kanya, at sa pamamagitan niya, at mula sa kanya, ang mga daigdig ay nililikha at nalikha, at ang mga naninirahan dito ay mga isinilang na anak na lalaki at babae ng Diyos” (D at T 76:22–24).

Ito ang Cristong pinaniniwalaan at pinatototohanan ko.

Ang Espiritu Santo

Ang kaalamang iyan ay nagmumula sa salita ng banal na kasulatan, at ang patotoong iyan ay dumarating sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ito ay isang kaloob, sagrado at kamangha-mangha, na ipinarating sa pamamagitan ng paghahayag mula sa ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos. Naniniwala ako na ang Espiritu Santo ay isang personaheng espiritu na kasama ng Ama at ng Anak, ang tatlong ito ang bumubuo sa banal na Panguluhang Diyos. …

Maliwanag na ang Espiritu Santo ay kinikilala noong unang panahon bilang miyembro ng Panguluhang Diyos sa pag-uusap nina Pedro at Ananias nang itago ng huli ang bahagi ng pera mula sa naibentang lupa.

“Datapuwa’t sinabi ni Pedro, Ananias, bakit pinuspos ni Satanas ang iyong puso upang magsinungaling sa Espiritu Santo … ?

“…Hindi ka nagsinungaling sa mga tao, kundi sa Dios” (Mga Gawa 5:3–4).

Ang Espiritu Santo [ay] ang Mang-aaliw na ipinangako ng Tagapagligtas na magtuturo at magpapaalala ng lahat ng bagay sa Kanyang mga disipulo … (tingnan sa Juan 14:26).

Ang Espiritu Santo ang Tagapagpatotoo ng Katotohanan, na makapagtuturo sa mga tao ng mga bagay na hindi nila maituturo sa isa’t isa. … Ang kaalaman sa katotohanan ng Aklat ni Mormon ay ipinangako “sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.” Pagkatapos ay ipinahayag ni Moroni, “At sa kapangyarihan ng Espiritu Santo malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:4–5).

Naniniwala ako na ang kapangyarihang ito, ang kaloob na ito, ay maaari nating matamo ngayon.

Totoo at Magkakahiwalay na Katauhan

… Naniniwala ako sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, at sa Kanyang Anak, na si Jesucristo, at sa Espiritu Santo.

Bininyagan ako sa pangalan ng tatlong ito. Ikinasal ako sa pangalan ang tatlong ito. Wala akong alinlangan na sila ay totoo at magkakahiwalay na katauhan. Ang pagkakahiwalay na iyan ay nakita nang binyagan ni Juan si Jesus sa Jordan. Naroon at nakatayo sa tubig ang Anak ng Diyos. Ang tinig ng kanyang Ama ay narinig na ipinapahayag ang Kanyang kabanalan bilang anak, at nakita ang Espiritu Santo na bumababang tulad ng kalapati (tingnan sa Mateo 3:16–17).

Batid ko na sinabi ni Jesus na sila na nakakita sa Kanya ay nakita ang Ama [tingnan sa Juan 14:9]. Hindi ba’t masasabi rin iyan sa maraming anak na kamukha ng kanyang magulang?

Nang magdasal si Jesus sa Ama, tiyak na hindi Siya nagdarasal sa Kanyang Sarili!

Lubos na Nagkakaisa

Sila ay magkakahiwalay na katauhan, ngunit iisa ang kanilang layunin at gawain. Nagkakaisa sila sa pagsasakatuparan ng dakila at banal na plano para sa kaligtasan at kadakilaan ng mga anak ng Diyos.

… Nagsumamo si Cristo sa Kanyang Ama hinggil sa mga Apostol, na Kanyang minamahal, na nagsasabi:

“Hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi sila rin naman na mga nagsisisampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita;

“Upang silang lahat ay maging isa; na gaya mo, Ama, sa akin, at ako’y sa iyo, upang sila nama’y suma atin” (Juan 17:20–21).

Ang lubos na pagkakaisang iyan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo ang nagbibigkis sa tatlong ito sa pagiging isa ng banal na Panguluhang Diyos.

3 Nephi 11:15: One by One, ni Walter Rane, sa kagandahang-loob ng Church History Museum

Panalangin sa Getsemani, ni Del Parson