2014
Harapin ang Bukas nang May Pananampalataya at Pag-asa
Enero 2014


Harapin ang Bukas nang May Pananampalataya at Pag-asa

Mula sa mensahe sa isang pagtatapos na ibinigay sa Brigham Young University–Idaho noong Abril 6, 2012. Para sa buong teksto sa Ingles, magpunta sa web.byui.edu/devotionalsandspeeches/speeches.aspx.

Elder M. Russell Ballard

Laging tandaan na si Jesucristo—ang Lumikha ng sansinukob, ang arkitekto ng ating kaligtasan, at ang pinuno ng Simbahang ito—ang namamahala.

Ang mga kundisyon sa mundo ay walang katiyakan at mapanganib, at ang ekonomiya ng mundo ay hindi matatag at pabagu-bago. Ang natatanging mga pinahahalagahan sa buhay, kalayaan, at paghahangad na lumigaya ay tinutuligsa ng mga taong gustong supilin ang kalayaan at ginagawa tayong palaasa sa halip na hikayatin tayong gamitin ang ating mga kasanayan at talento upang makalikha ng bago at magandang mga paraan sa paggawa ng mga bagay-bagay.

Bumababa ang mga pamantayan ng moralidad. Sinasalakay at nawawasak ang pamilya. Ang pagmamahal sa puso ng mga lalaki at babae ay lumalamig at pakunwari (tingnan sa Mateo 24:12; Mga Taga Roma 1:31). Patuloy ang pagkasira ng integridad, katapatan, at kabutihan ng mga pinuno sa pulitika, negosyo, at iba pa. Laganap ang digmaan at alingawngaw ng mga digmaan sa mga bansa at relihiyon. At ang mas mapanira pa kaysa anumang armadong labanan ay ang digmaan ng mabuti at masama—sa pagitan ng Tagapagligtas kasama ang Kanyang hukbo ng liwanag at ni Satanas kasama ang kanyang masasamang kampon ng kadiliman—para sa kaluluwa ng mga anak ng Diyos.

Inilarawan ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ang mundong papasukin ng mga kabataan ngayon nang sabihin niya: “Nabubuhay tayo sa isang panahon na gumagawa ang mababagsik na tao ng nakakatakot at nakakasuklam na mga bagay. Nabubuhay tayo sa panahon ng digmaan. Nabubuhay tayo sa panahon ng kayabangan. Nabubuhay tayo sa panahon ng kasamaan, pornograpiya, imoralidad. Lahat ng kasalanan ng Sodoma at Gomorra ay laganap sa ating lipunan. Ang ating mga kabataan ay hindi naharap kailanman sa mas malaking hamon. Hindi pa kami nakakita ng gayong kalinaw na kahalayan kahit kailan maliban sa ngayon.”1

Hindi tayo dapat magulat sa mga sitwasyong ito sa ating panahon dahil ang mga banal na kasulatan at propesiya tungkol sa ating panahon ay nagpapatotoo sa mangyayari sa mundo kung tatalikod ang mga tao sa Diyos. Daranas pa tayo ng mga bagay na di-kasiya-siya, dahil patuloy ang diyablo sa mga pagtatangka niyang isakatuparan ang kanyang masasamang balak. Kasabay nito, alam ng mga sinaunang propeta na nakakita sa ating panahon, na nakakita sa henerasyon ng mga kabataan ngayon, na magiging panahon ito ng liwanag at pagkamangha na hindi pa kailanman naranasan sa mundo.

Nang ihanda ko ang mensaheng ito, humingi ako ng patnubay na malaman kung anong mensahe ang nais ipabahagi sa akin ng ating Ama sa Langit. Pumasok sa aking isipan ang pumapanatag at tumitiyak na mga salitang sinambit ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith: “Magalak, sapagkat akin kayong aakayin. Ang kaharian ay sa inyo … , at ang mga kayamanan ng kawalang-hanggan ay sa inyo” (D at T 78:18).

Palitan ng Pananampalataya ang Takot

Naniniwala ako na ang nais ipasabi sa akin ng Panginoon ay na dapat nating palitan ng pananampalataya ang takot—pananampalataya sa Diyos at sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo.

Naaalala ko noong 13-taong-gulang ako nang umuwi ako mula sa priesthood meeting isang araw ng Linggo, Disyembre 7, 1941, nang malaman ko sa mga magulang ko na binomba ng Japan ang Pearl Harbor. Ito ang nagtulak sa Estados Unidos na pumasok sa digmaang pandaigdig na dalawang taon nang nagaganap noon sa Europa. Tila ang buhay ayon sa pagkaalam namin ay malapit nang magwakas. Labis ang pag-aalala nang maraming binata ang pagsilbihin sa militar. Gayunman, tulad ngayon, sa gitna ng lahat ng kaguluhan, paghihirap, at masasamang impluwensya sa mundo, marami pa ring kabutihang nangyayari.

Kapag iniisip natin ang bukas, dapat tayong mapuspos ng pananampalataya at pag-asa. Laging tandaan na si Jesucristo—ang Lumikha ng sansinukob, ang arkitekto ng ating kaligtasan, at ang pinuno ng Simbahang ito—ang namamahala. Hindi Niya tutulutang mabigo ang Kanyang gawain. Siya ay magtatagumpay laban sa lahat ng kadiliman at kasamaan. At inaanyayahan Niya tayong lahat, na mga miyembro ng Kanyang Simbahan at ang iba pang tapat ang puso, na makiisa sa digmaan para sa mga kaluluwa ng mga anak ng Diyos. Kasama ang lahat ng iba pang gagawin natin sa buhay, kailangan din nating ilaan at iukol ang ating puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas sa Kanyang layunin, namumuhay nang may pananampalataya at kumikilos nang may pananalig.

Harapin ang bukas nang may magandang pananaw. Naniniwala ako na tayo ay nasa simula ng bagong panahon ng paglago, pag-unlad, at kasaganaan. Kung walang malaking kalamidad o di-inaasahang pandaigdigang krisis, palagay ko ay muling sisigla sa susunod na mga taon ang ekonomiya sa mundo dahil sa pagkakaroon ng mga bagong tuklas sa komunikasyon, medisina, enerhiya, transportasyon, physics, teknolohiya sa computer, at iba pang larangan.

Marami sa mga tuklas na ito, tulad noon, ang magiging bunga ng pagbulong ng mga ideya at pagbibigay-liwanag ng Espiritu sa isipan ng mga taong naghahanap ng katotohanan. Sa mga tuklas at pagsulong na ito magmumula ang mga bagong pagkakataong makapagtrabaho at umunlad ang mga taong masisipag, lalo na ang mga taong nagsisikap na sundin ang mga utos ng Diyos. Ito ang nangyari sa iba pang mahahalagang panahon ng paglago ng ekonomiya sa sariling bansa at sa lahat ng bansa sa daigdig.

Bukod pa riyan, marami sa mga tuklas na ito ang gagawin para maisakatuparan ang mga layunin at gawain ng Diyos at para mapabilis, pati na sa pamamagitan ng gawaing misyonero, ang pagtatayo ng Kanyang kaharian sa lupa sa panahong ito.

Gawin ang Inyong Tungkulin

Bago ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas—at batay sa Kanyang takdang panahon—kailangang ipalaganap ang ebanghelyo sa bawat bansa, lahi, wika, at tao hanggang sa mapuno nito ang buong mundo. Tulad ng ipinahayag ni Propetang Joseph: “Walang kamay na di pinaging banal ang maaaring pumigil sa pagsulong ng gawain; ang mga pag-uusig ay maaaring magngitngit, ang mga mandurumog ay maaaring magkaisa, ang mga hukbo ay maaaring magkatipon, ang kasinungalingan ay maaaring manira, subalit ang katotohanan ng Diyos ay magpapatuloy nang may kagitingan, may pagkamaharlika, at may kalayaan, hanggang sa makapasok ito sa bawat lupalop, makadalaw sa bawat klima, makaraan sa bawat bansa, at mapakinggan ng bawat tainga, hanggang sa ang mga layunin ng Diyos ay matupad, at ang dakilang Jehova ay magsabing ang gawain ay naganap na.”2

Kapag ipinalaganap ang ebanghelyo sa bilyun-bilyong kaluluwang gutom sa espirituwal, magsasagawa ng mga himala ang Panginoon. Ang mga missionary ng maraming nasyonalidad ay maglilingkod sa Panginoon sa buong mundo. Mga bagong kapilya at marami pang templo ang itatayo para mapagpala ang mga Banal, tulad ng ipinropesiya hinggil sa paglago ng Simbahan bago sumapit ang Milenyo.

Maitatanong ninyo, “Saan manggagaling ang perang magpopondo sa paglagong ito?” Ang pera ay manggagaling sa ikapu at mga handog ng matatapat na miyembro. Kapag ginawa natin ang ating bahagi, pauunlarin tayo ng Panginoon at bibiyayaan tayo ng karunungan upang panatilihing nakatuon ang ating isipan sa pinakamahalagang bagay sa buhay: “Datapuwa’t hanapin muna ninyo ang [kaharian ng Diyos], at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo” (Mateo 6:33).

Kaya sa loob ng maikling panahon, maaaring parang nabuksan na ang mga dungawan ng langit kaya nga “walang sapat na silid na kalalagyan” (Malakias 3:10).

Naniniwala ako na marami sa mga young adult ngayon ang aktibong makikibahagi sa temporal na mga pagpapala kung susundin nila ang mga utos ng Panginoon. Kasabay ng pag-unlad ay darating ang kakaibang hamon—na susubok sa hangganan ng espirituwalidad ng marami. Kapag pumasok kayo sa bagong mundong ito ng pag-unlad at ginamit ang inyong pinag-aralan at mga kasanayan tungo sa tagumpay sa aspetong pinansyal, kailangang matukoy ninyo sa tuwina ang kaibhan ng gusto lang at ng talagang kailangan ninyo.

Hanapin Muna Ninyo ang Kaharian ng Diyos

Magkakaroon kayo ng dalawang pagpipilian. Ang hangarin ba ninyong magtamo ng mga pagpapala ng Panginoon ay para sa pansariling kasiyahan, para hangaan ng mga tao, at para magkaroon ng kapangyarihan, impluwensya, at mapalakas pa ito? O ang hangarin ninyo ay para luwalhatiin ang Diyos, at tumulong na palaguin at palaganapin ang Kanyang Simbahan?

Masusumpungan ng mga taong naghahangad yumaman para makapagyabang na madaling maubos at mawala ang kanilang kayamanan sa mga maling paraan (tingnan sa Helaman 13:31). Ang kapakanan ng kanilang kaluluwa ay lubhang manganganib. Binalaan tayo ni Jacob, ang masunuring nakababatang kapatid ni Nephi:

“At ang mapagpalang kamay ay buong kasiyahang nginitian kayo, kung kaya’t nakatanggap kayo ng maraming kayamanan; at dahil ang ilan sa inyo ay nagtamo nang higit na marami kaysa sa inyong mga kapatid, kayo ay iniangat sa kapalaluan ng inyong mga puso, at nagpapatigas ng inyong mga leeg at nagtataas ng mga ulo dahil sa kamahalan ng inyong pananamit, at hinahamak ang inyong mga kapatid sapagkat inaakala ninyo na kayo ay nakahihigit kaysa sa kanila.

“… Sa akala ba ninyo ang Diyos ay pawawalang-sala kayo sa bagay na ito? Masdan, sinasabi ko sa inyo, Hindi. Kundi isinusumpa niya kayo, at kung kayo ay magpupumilit sa mga bagay na ito, ang kanyang mga paghahatol ay tiyak na madaling sasapit sa inyo.

“… Huwag hayaang wasakin ng inyong mapagpalalong puso ang inyong mga kaluluwa!” (Jacob 2:13, 14, 16).

Pagkatapos ay itinuon ni Jacob ang paghahangad nating magtamo ng kayamanan sa wastong pananaw na may ganitong pangako:

“Subalit bago kayo maghanap ng mga kayamanan, hanapin muna ninyo ang kaharian ng Diyos.

“At matapos kayong makatamo ng pag-asa kay Cristo kayo ay makatatamo ng mga kayamanan, kung inyo itong hahanapin; at hahanapin ninyo ito para sa hangaring gumawa ng kabutihan—upang damitan ang hubad, at pakainin ang nagugutom, at palayain ang bihag, at bigyang-ginhawa ang may karamdaman, at ang naghihirap” (Jacob 2:18–19).

Hindi sinasabi sa atin ng Panginoon na hindi tayo dapat yumaman o na ang pagyaman ay kasalanan. Sa halip, pinagpapala Niya sa tuwina ang Kanyang masunuring mga anak. Ngunit sinasabi Niya sa atin na dapat nating hangaring yumaman kapag natapos na natin Siyang hanapin, natagpuan, at pinaglingkuran. Pagkatapos, dahil mabuti ang ating puso, dahil mahal natin Siya una sa lahat, pipiliin nating iukol ang kayamanang natamo natin sa pagtatayo ng Kanyang kaharian.

Kung pipiliin ninyong maghangad ng kayamanan para yumaman, hindi ninyo ito matatamo. Hindi kayo masisiyahan kailanman. Makadarama kayo ng kahungkagan, nang hindi kailanman natatagpuan ang tunay na kaligayahan at walang-hanggang kagalakan.

Ang pagsubok sa inyong pananampalataya sa susunod na ilang taon ay malamang na hindi sa kakulangan ninyo sa mga materyal na bagay ng mundong ito. Sa halip ito ay sa pagpili sa kung ano ang gagawin sa temporal na mga pagpapalang natatanggap ninyo.

Tungkol sa henerasyon ng mga kabataan ngayon, sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994):

“Sa halos anim na libong taon, inilaan kayo ng Diyos para isilang sa mga huling araw na ito bago ang ikalawang pagparito ng Panginoon. …

“… Inilaan ng Diyos sa mga huling araw ang ilan sa Kanyang pinakamatatag na mga anak, na tutulong sa pagtatagumpay ng kaharian.”3

Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson, “Kayo ay ilan sa mga pinakamalalakas [na] anak ng ating Ama sa Langit, at pinili Niya kayo na isilang sa mundo ‘dahil sa bagay na ito’ [Esther 4:14].”4

Para maging mahalagang bahagi ng “kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain” (2 Nephi 25:17) sa mga huling araw na ito, kailangan ninyong isuko ang inyong kalooban sa Diyos, at hayaang masakop ito ng Kanyang kalooban. Kapag kayo ay “[n]agpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao … nagpapakabusog sa salita ni Cristo” (2 Nephi 31:20), masigasig na naghahanap, nananalangin tuwina, at sumasampalataya, sa gayon ayon sa pangako ng Panginoon, “lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti” (D at T 90:24).

Ilaan at Iukol

Hinihimok ko kayong mangako sa inyong sarili at sa Ama sa Langit na inyong ilalaan ang inyong buhay at iuukol ang inyong panahon at mga talento sa pagtatayo ng Simbahan ni Jesucristo sa pag-asam sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Hayaang maging hangarin ng inyong mga iniisip at ginagawa na luwalhatiin ang Diyos at pagpalain ang inyong kapwa-tao. Hayaang bigyang-inspirasyon kayo ng hangaring ito na salubungin ang bawat bagong umaga nang may sigla at hikayatin ang inyong isipan at pagkilos sa buong maghapon sa bawat araw.

Kung gagawin ninyo ito, pagpapalain kayo sa gitna ng isang mundong mabilis na naliligaw ng landas, at magiging panatag at masaya kayo ng inyong mga mahal sa buhay. Hindi ito nangangahulugan na hindi kayo makakaranas ng mga pagsubok, kundi magkakaroon kayo ng espirituwal na lakas na harapin ang mga ito nang may pananampalataya at tiwala sa Panginoon.

Layon ng aking mensahe na tulungan kayong makita sa inyong isipan ang inyong kinabukasan. Manalig at umasa sa magandang bukas na darating. Ang mga binata ay magiging mga ama; ang mga dalaga ay magiging mga ina at tagapangalaga. Magkakasama kayo ay “isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pagaaring sarili ng Dios” (I Ni Pedro 2:9).

Sa kalalakihan at kababaihan, isa sa pinakamahalagang priyoridad ninyo ay maghanap ng mapapangasawa na makakasama sa kawalang-hanggan kung hindi pa ninyo ito nagagawa. Ang kasal sa templo ay maglalaan sa inyo ng kabiyak na tutulong sa inyo na manatili sa tamang landas pabalik sa piling ng ating Ama sa Langit at ng Panginoong Jesucristo. Dapat nating gawin ang ating tungkulin na patuloy na paghandaan ang Ikalawang Pagparito.

Mga Tala

  1. Gordon B. Hinckley, “Pamumuhay sa Kaganapan ng Panahon,” Liahona, Ene. 2002, 6.

  2. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 165.

  3. Ezra Taft Benson, sa Thomas S. Monson, “Tapang na Manindigang Mag-isa, Liahona, Nob. 2011, 62.

  4. Thomas S. Monson, “Nawa Magkaroon Kayo ng Lakas ng Loob,” Liahona, Mayo 2009, 127.

Mga paglalarawan ni Christina Smith

Banal na Manunubos, ni Simon Dewey © Altius Fine Arts