Para sa Lakas ng mga Kabataan
Lagi Ko Talaga Siyang Naaalala
Ang paraan natin sa pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath ay panlabas na pagpapakita ng ating tipan na laging alalahanin si Jesucristo.
Naaalala ko na noong 11-taong-gulang ako ay buong pitagan akong sinamahan ng bishop ko sa chapel ng bagong gusali ng ward namin, kung saan siya umupo sa tabi ko sa harapan ng mesa ng sakramento. Sabi niya, “Alam mo, Larry, hindi magtatagal ioorden ka na sa katungkulan ng deacon sa Aaronic Priesthood. Alam mo ba kung gaano kaespesyal ang pagpapala at tungkuling ito?” Sinabi niya sa akin na magkakaroon ako ng sagradong responsibilidad na kumilos na tulad ng ginawa ng Tagapagligtas sa pagbibigay ng mga banal na sagisag ng sakramento sa mga tao sa aming kongregasyon. Namangha ako sa bigat ng tungkulin ng priesthood na matatanggap ko.
Hiniling ng bishop ko na isaulo ko ang dalawang panalangin sa sakramento at pag-isipan kung paano iaakma ang mga ito sa buhay ko. Sabi niya, kailangan kong sikaping gawin ang mga ipinagagawa sa atin ng mga panalangin sa sakramento upang makakilos ako para sa Tagapagligtas sa pagbibigay ng sakramento sa iba. Nang makauwi ako, tinulungan ako ng aking ama na mahanap ang mga panalangin sa sakramento kapwa sa Doktrina at mga Tipan (20:76–79) at sa Aklat ni Mormon (Moroni 4; 5). Binasa kong mabuti ang mga ito sa kauna-unahang pagkakataon. Nakinig akong mabuti habang iniaalay ang mga ito sa simbahan. Pinag-isipan ko ang mga salita habang ipinapasa ang tinapay, ngunit ang buong epekto ng mga tipan sa sakramento ay naging malinaw nang marinig ko ang mga salitang ito sa basbas sa tubig: “na sila sa tuwina ay aalalahanin siya.” Itinanong ko sa aking sarili, “Inaalala ko ba Siya sa tuwina? Ano ang ibig sabihin ng sa tuwina? Paano ko Siya maaalala sa tuwina?” Tuwing maririnig ko ang sagradong mga panalanging iyon sa sakramento naaantig akong pag-isipan ang mga tanong na iyon.
Ang paraan natin sa pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath ay panlabas na pagpapakita ng ating tipan sa Ama sa Langit na laging alalahanin si Jesucristo. Ang araw ng Sabbath ay dapat maging pundasyon ng ating pag-alaala sa Kanya sa nalalabing anim na araw ng linggo.
Ang Linggo ay araw para maghinay-hinay, tumigil sandali, at gumunita. Dumadalo tayo sa ating mga miting sa Simbahan; pinag-iisipan natin ang ating mga pagpapala, kalakasan, at pagkukulang; humihingi tayo ng tawad; nakikibahagi tayo ng sakramento; at pinagninilayan natin ang pagdurusa ng Tagapagligtas alang-alang sa atin. Sinisikap nating hindi magambala ng anumang bagay na hahadlang sa atin sa pagsamba sa Kanya, sapagkat “sa araw na ito,” tulad ng sabi ng Panginoon, “wala kayong iba pang bagay na gagawin” (D at T 59:13). Anumang aktibidad na ginagawa natin sa araw ng Sabbath ay dapat umayon sa diwa ng pag-alaala kay Cristo. Kung may anumang bagay tayong ginagawa anumang oras sa araw ng Sabbath na inilalayo tayo sa pag-alaala sa Tagapagligtas at sa paglilingkod sa Sabbath na tulad ng gagawin Niya, marahil dapat nating pag-isipang muli ang ating ginagawa. Tandaan, ang Sabbath ay araw na itinakda hindi lamang “upang magpahinga mula sa inyong mga gawain” kundi “upang iukol [din] ang inyong mga pananalangin sa Kataas-taasan” (D at T 59:10).
Kailangan nating planuhin ang ating buhay sa paraan na walang dahilan para maalis ang ating pansin sa kabanalan ng anumang bahagi ng araw ng Panginoon. Ito ay araw para gawin ang Kanyang gawain, isang araw kung saan ang buong buhay natin ay mapagpapala at mapapanibago sa pagkakaroon ng mga sagradong karanasan, sa indibiduwal na paraan at kasama ang ating pamilya. Ito ay araw para mapagyaman ang ating espiritu.
Maglaan ng oras ngayon upang mapagplanuhang mabuti ang mga bagay na gagawin ninyo para talagang mapanatiling sagrado at banal ang araw ng Sabbath sa buhay ninyo. Pagkatapos ay kumilos ayon sa inyong plano.
Alalahanin ang napakagandang pangako ng Panginoon sa mga taong iginagalang nang wasto ang Sabbath: “At yayamang ginagawa mo ang mga bagay na ito nang may pasasalamat, nang may maligayang mga puso at mukha, … ang kabuuan ng mundo ay sa inyo” (D at T 59:15–16). Hahayaan ba nating mawala ang mga pagpapalang ito sa ating buhay at sa buhay ng mga miyembro ng ating pamilya?
Naniniwala ako sa paggalang sa araw ng Sabbath. Buong tapang ngunit mapagpakumbaba kong pinatototohanan na ang paggalang sa araw ng Sabbath ay utos ng ating Diyos, na buhay at mahal ang bawat isa sa atin. Pinatototohanan ko na kung susundin at ipamumuhay natin ang banal na utos na panatilihing banal ang araw ng Sabbath, gagantihan tayo ng Panginoon ng pagpapala, patnubay, at inspirasyon sa paglutas sa mga isyung kinakaharap natin.