Dalawang Bahagi ng Pagpapala
Ang pagdalo sa templo at family history ay kapwa mahalaga; kapag pinagsama, naghahatid ito ng karagdagang mga pagpapala.
Habang binubuklat ninyo ang mga pahina ng Liahona sa buwang ito, tingnan ang kumbinasyon ng iba’t ibang kulay na naghahatid ng saganang lakas at sigla sa bawat larawan, painting, o disenyo. Marami sa mga kulay ang naging posible dahil dalawa sa mga pangunahing kulay—pula, dilaw, o asul—ang pinagsama upang makalikha ng bagong kulay, na hindi lilitaw kung hiwa-hiwalay ang mga pangunahing kulay.
Ang family history at gawain sa templo ay may pagkakatulad sa mga kulay na iyon: makatatanggap kayo ng mas maraming pagpapala kapag pinagsama ninyo ang dalawang mahalagang gawain. Iyan ay dahil ang family history at gawain sa templo ay dalawang bahagi talaga ng iisang gawain—ang gawain ng kaligtasan. Siyempre tatanggap pa rin kayo ng malalaking pagpapala sa pagtulong sa iba sa kanilang family history at sa pagdalo sa templo para gawin ang gawain para sa mga tao na naroon ang mga pangalan. Ngunit tatanggap kayo ng mas malalaking pagpapala—matutuwa sa lahat ng kulay—kapag pinagsama ninyo ang dalawang bahagi at hinanap ang mga pangalan ng sarili ninyong pamilya at isinagawa ninyo ang gawain para sa inyong mga ninuno sa templo.
Tulad ng itinuro ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang gawain sa templo at family history ay isang gawain na nahahati sa dalawang bahagi. …
“Nais ng Ama sa Langit na matanggap natin ang [dalawang bahagi] ng pagpapala na dulot ng mahahalagang gawaing ito para sa mga patay. Inakay Niya ang iba upang ipakita sa atin kung paano maging karapat-dapat. Nasa inyo na at sa akin ang pagtatamo ng mga pagpapalang iyon.
“Ang anumang gawain na ginagawa ninyo sa loob ng templo ay hindi pagsasayang ng panahon, bagkus ang pagtanggap ng mga ordenansa para sa isa sa yumao ninyong mga ninuno ay lalong magpapabanal sa oras na ginugol sa templo at mas malalaking pagpapala ang matatanggap.”1
Kaya, ano ang ilan sa “mas malalaking pagpapala” na dumarating kapag natanggap natin ang “dalawang bahagi ng pagpapala”? Nasa kanan ang ilang pangako mula sa mga makabagong Apostol.
Isang Nagpapadalisay at Espirituwal na Impluwensya
“May impluwensiya [ang kasaysayan ng mag-anak na nagpapadalisay], nagpapalago ng espirituwalidad, at nagpapahinahon sa mga miyembro ng Simbahan na gumagawa nito. Nauunawaan nilang ibinibigkis nila ang mga kapamilya nila na nabubuhay sa mga pumanaw na. … Kapag sinasaliksik natin ang sarili nating angkan nagiging interesado [tayo] hindi lamang sa mga pangalan. … Ibinabaling ng ating interes ang ating puso sa ating mga ama—hinahangad nating matagpuan sila at makilala at mapaglingkuran.”2
Bahagi ng Mas Malaking Gawain
“Ang espirituwal na mga ugnayan … [ay] nabubuo. … Kapag bumabaling ang ating mga puso sa ating mga ninuno, may nababago sa ating kalooban. Nadarama nating bahagi tayo ng isang bagay na nakahihigit sa ating sarili.”3
Isang Panlaban sa Tukso
“Bawat isa sa atin ay nakikinabang mula sa lahat ng naunang pumanaw sa atin. Ang pag-alam sa mga kuwentong iyon ay tumutulong sa atin na talagang maunawaan kung sino tayo at saan tayo nanggaling. … Sinasaliksik ba ninyo ang sarili ninyong pamilya at tinutulungan ang ibang tao sa pagsasaliksik nila? Para sa isang musmos pa sa mga kasamaan ng mundong kinabibilangan natin ngayon, iyan ay isa sa mga pinakadakilang panlaban sa mga tukso ng kaaway.”4
Tulong mula sa Mundong Hindi Nakikita
“Siguro kung gagawin natin ang ating gawain alang-alang sa mga nasa mundong hindi nakikita na nagugutom at nagdarasal para sa gawaing magagawa natin para sa kanila, tutulungan naman tayo ng mga nasa daigdig ng mga espiritu sa panahong ito ng ating agarang pangangailangan. Mas marami ang nasa kabilang mundong iyon kaysa mga narito. Higit ang kapangyarihan at lakas doon kaysa rito sa atin sa mundong ito.”5
Ano ang Gagawin Ninyo?
Ano ang gagawin ninyo para “[matamo ang] mga pagpapalang iyon” sa paghahanap ng mga pangalan ng mga kaanak at pagdadala ng mga ito sa templo? Magplano ngayon na matupad ang mga pangakong matanggap ang dalawang bahagi ng pagpapala sa inyong buhay.