Liahona
Pagiging Disipulo sa Pang-araw-araw na Buhay
Enero 2024


Digital Lamang: Mga Turo ng mga Pinuno ng Simbahan mula sa Social Media

Pagiging Disipulo sa Pang-araw-araw na Buhay

Tingnan kung sinu-sinong mga propeta, apostol, at iba pang mga pinuno ng Simbahan ang nagturo sa social media tungkol sa pagsunod sa Panginoong Jesucristo.

si Cristo na pinagagaling ang lalaking lumpo

Noong Kanyang mortal na ministeryo, itinuro ng Tagapagligtas: “Kung kayo’y mananatili sa aking salita, tunay ngang kayo’y mga alagad ko” (Juan 8:31). Ang entry sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan na “Disipulo” ay naglalarawan sa mga taong iyon bilang mga “tagasunod ni Jesucristo.” Kapag hinangad nating tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas, aakayin Niya tayo pabalik sa Ama sa Langit.

Ipinaalala na sa atin ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na “ang ebanghelyo ni Jesucristo ay isang plano na nagpapakita kung paano tayo magiging tulad ng ninanais ng ating Ama sa langit na kahinatnan natin. Ang walang bahid-dungis at perpektong kalagayang ito ay magmumula sa palagiang pagtupad ng mga tipan, ordenansa, at paggawa, patuloy na pagpili ng tama, at mula sa patuloy na pagsisisi. ‘Ang buhay na ito ang panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos’ (Alma 34:32).

“Ngayon ang panahon para kumilos ang bawat isa sa atin patungo sa ating sariling pagbabalik-loob, patungo sa nais ng ating Ama sa Langit na kahinatnan natin.”1

Saanman tayo naroon sa ating paglalakbay sa pagiging disipulo, ang mga mensaheng ito ng mga pinuno ng Simbahan sa social media kamakailan ay maaaring makatulong sa atin na patuloy na maging tapat bilang mga disipulo ni Jesucristo.

Direksyon sa mga Hindi Tradisyonal na Landas

Pangulong M. Russell Ballard

“Maaaring pakiramdam ninyo ay wala kayo sa ‘tradisyonal’ na landas na tinatahak ng inyong mga kaedad. Maaaring natatakot kayong sumulong sa buhay dahil baka mapunta kayo sa maraming iba’t ibang direksyon. Maaaring nag-aalala kayo sa pagiging katulad ng nais ng Panginoon na kahinatnan ninyo—na nahihirapan kayong mamili ng direksyon na inyong tatahakin.

“Sa halip na mag-alala kung nasa tamang landas kayo, ituon ang inyong lakas sa paggawa ng mga bagay na gagawa ng kaibhan. Magtakda ng malinaw at partikular na mga mithiin para maging katulad kayo ng nais ninyong kahinatnan. Hangarin ang patnubay ng Panginoon sa buong prosesong ito.

“Kung hindi kayo sigurado sa susunod na hakbang sa inyong landas, kumilos ‘na parang’ kayo ang taong gusto ninyong kahinatnan. Kapag ginawa ninyo iyan, magiging gayon kayong uri ng tao. Sa huli, ang mga kilos ninyo mismo, ang inyong saloobin, ay aakay sa inyo na maging uri ng taong nais ninyong kahinatnan.

“Habang sinisikap ninyong maging katulad ng taong ito at may pananampalataya kayo sa plano ng Diyos para sa inyo, madarama ninyo ang kapayapaan na sumusulong ang inyong buhay sa positibong direksyon—kahit hindi ito lubos na malinaw o naiiba ito sa mga nasa paligid ninyo.”

Pangulong M. Russell Ballard, Facebook, Ago. 23, 2023, facebook.com/mrussell.ballard.

Mahirap at Mapanghamong Panahon ng Pagkadisipulo

Elder Jeffrey R. Holland

“Binabantayan tayo ng Diyos[.] … Mapagkakatiwalaan natin Siya palagi[.] … Kadalasa’y sinasagot ng Panginoon ang ating mga dasal sa pamamagitan ng ibang tao.

“Sa mga araw na pakiramdam natin ay sagad na tayo, pinaaalalahanan tayo na hindi sasagarin ang ating pananampalataya. Ang lumang kasabihan ay, ‘ang panahon ng paghihirap ng tao ay panahon para umasa sa Diyos.’ Hindi natin matutuklasan kung gaano tayo kalakas hangga’t hindi ito nasusubukan, nalilinang, at nasusubukang muli.

“Kadalasan—marahil ay karaniwan—ito ang mahirap at mapanghamong mga pagkakataon sa ating buhay para lumago—ang mga panahon para umunlad tayo. Ang mga ito ang nagdadala sa atin mula sa pagkatao natin ngayon tungo sa pagiging taong dapat nating kahinatnan.”

Elder Jeffrey R. Holland, Facebook, Hunyo 6, 2023, facebook.com/jeffreyr.holland.

Nagkakaisa ang mga Disipulo sa Landas ng Tipan

Elder Dieter F. Uchtdorf

“Bumalik kami ni Harriet kamakailan mula sa isang kahanga-hangang pagbisita at pagministeryo sa Dubai. …

“… Dumalo kami sa magandang sacrament meeting sa isang inupahang hotel ballroom, na sumasamba sa Diyos kasama ang iba pang mga disipulo ni Jesucristo mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Napuspos ng pasasalamat ang aming puso nang madama namin na tanggap kami ng mga miyembro ng Simbahan doon. Napakagandang maging bahagi ng isang pandaigdigang simbahan na nagpapahayag at nagsasabuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo na para sa lahat.

“Sinuman tayo o saanman tayo naroon, si Jesucristo ang ating lakas. Makasusumpong tayo ng kapayapaan sa Kanya at ng pakikiisa sa Kanyang matatapat na disipulo nasa Utah man tayo o Dubai, London o Brazil. Saanman tayo naroroon sa mundo, lahat tayo ay nagkakaisa sa landas ng tipan pabalik sa ating mapagmahal na Ama.”

Elder Dieter F. Uchtdorf, Facebook, Mar. 16, 2023, facebook.com/dieterf.uchtdorf.

Ang Landas ng Tagapagligtas

Elder Dieter F. Uchtdorf

“Mula sa Kanyang pagsilang hanggang sa Pagpapako sa Kanya sa krus at Kanyang pagkabuhay na mag-uli sa huli, isinakatuparan ni Jesucristo ang misyon na itinakda sa Kanya. Ang ating misyon bilang Kanyang mga disipulo ay matutong sundan ang Kanyang landas.

“Naging masayang karanasan sa linggong ito ang espirituwal at pisikal na pagsunod sa mga yapak ng Tagapagligtas—na kinabibilangan ng sa Bethlehem, kung saan isinilang at nagsimula ang Tagapagligtas sa Kanyang buhay sa lupa.

“Nang bumisita ako sa Church of St. Catherine, na kinikilala bilang tradisyonal na lugar kung saan isinilang si Jesucristo, naisip ko ang buhay ng pagiging disipulo nating lahat. Ibinahagi ko ang ilan sa mga naiisip ko tungkol sa pagiging disipulo sa isang debosyonal sa BYU Jerusalem Center.

“Bilang mga alagad ni Jesucristo, hinahangad nating maging katulad ng ating Tagapagligtas at tularan ang Kanyang halimbawa sa lahat ng ating ginagawa. Mula nang sandaling tumahak tayo sa landas tungo sa pagkadisipulo, nagsimulang dumating sa atin ang nakikita at di-nakikitang mga biyaya mula sa Diyos.

“Saanman tayo naroon, maaari tayong lumakad sa landas ng pagkadisipulo ngayon. Magpakumbaba tayo, manalangin sa ating Ama sa Langit nang buong puso at ipahayag ang ating hangaring mapalapit sa Kanya at matuto sa Kanya.”

Elder Dieter F. Uchtdorf, Facebook, Abr. 22, 2023, facebook.com/dieterf.uchtdorf.

larawang-guhit ng dalawang taong naglalakad sa isang landas

Mga Disipulo—Pagkatuto at Pagsunod

Elder Neil L. Andersen

“Gawin. Maging. Daigin. Ibahagi.

“May ilang karanasan na nakasisiglang tulad ng makasama ang mga missionary sa MTC. Nakapagbigay iyon ng inspirasyon! Naparoon kami ni Kathy, kasama ang ilan sa aming mga kapamilya, kamakailan. Narito ang ilang ideya na angkop sa ating lahat.

“Kailangang magkaroon ang mga missionary ng malakas at malinaw na pag-unawa sa kanilang pinaniniwalaan, nalalaman, at nadarama. Matindi ang epekto nito sa ginagawa nila. Totoo rin ito sa inyo at sa akin.

“Ang pagiging disipulo ni Jesucristo ay higit pa sa pag-aaral lamang tungkol sa Kanya. Kailangan dito ang pag-aaral ng mga salita ng Diyos sa mga banal na kasulatan, pagkilos ayon sa ating pananampalataya, at pagsunod sa halimbawa ng Tagapagligtas. Ang pag-aaral at pagsunod ay magkaugnay.

“Sa karanasan ko sa misyon, natutuhan ko kung paano umasa sa Tagapagligtas, manalig sa Kanya, hanapin Siya, at hinayaan ko Siyang panatagin ako nang magdaan ako sa mga hamon. Nagabayan ako ng mga aral na ito sa buong buhay ko, tulad ng paggabay sa iyo ng iyong mga karanasan.

“Bilang mga missionary—at bilang mga alagad ni Jesucristo—tinuturuan at tinutulungan natin ang mga taong handang mas mapalapit sa Tagapagligtas. Sa pamamagitan ng ating mga kilos at salita, lahat ng taong nakakaugnayan natin ay dapat makadama ng patotoo tungkol sa pagmamahal ng Diyos para sa kanila at sa katapatan natin sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo.”

Elder Neil L. Andersen, Facebook, Abr. 23, 2023, facebook.com/neill.andersen.

Ang Pinakaligtas, Pinakamabilis, at Pinakamasayang Paraan ng Pagsulong

Elder Gerrit W. Gong

“Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan [ni Cristo] na nagpapalakas sa akin” (Filipos 4:13). …

“Bilang mga kabataang disipulo ni Cristo sa panahong ito, mahaharap kayo sa nakakatakot na mga balakid. …

“Tandaan lamang na ang landas ng tipan ang pinakaligtas, pinakamabilis, at pinakamasayang paraan ng pagsulong. Ang mga tipang ito—pati na ang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag—ay kumikilos bilang mga marka sa daan, na gumagabay sa inyong paglalakbay pabalik sa ating Ama sa Langit.”

Elder Gerrit W. Gong, Facebook, Ene. 30, 2023, facebook.com/gerritw.gong.

Mga Tagapagtaguyod ng Kapayapaan

Elder Ulisses Soares

“Bilang mga alagad ni Jesucristo, tayo ay mga tagapagtaguyod ng kapayapaan na bukas-palad na iniaalay sa pamamagitan Niya at ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.

“Ang isang paraan na maitataguyod natin ang kapayapaan ng Tagapagligtas ay sa paraan ng pakikitungo natin sa isa’t isa. Isa sa nakikitang mga palatandaan na mas napapalapit tayo sa Tagapagligtas at nagiging higit na katulad Niya ay ang mapagmahal, matiyaga, at mabait na pakikitungo natin sa ating kapwa, anuman ang sitwasyon.

“Kapag sinisikap nating magkaroon ng mga katangiang tulad ng sa Tagapagligtas, maaari tayong maging mga kasangkapan ng Kanyang kapayapaan sa mundo ayon sa huwarang Siya mismo ang nagtakda. Inaanyayahan ko kayong pag-isipan ang mga paraan na mababago natin ang ating sarili at maging mga taong nagbibigay ng inspirasyon at suporta, may pusong maunawain at mapagpatawad, tumitingin sa pinakamabuti sa kapwa, laging naaalala na “kung may anumang bagay na marangal, kaaya-aya, o magandang balita, o maipagkakapuri, hinahangad [natin] ang mga bagay na ito” [Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13].

Elder Ulisses Soares, Facebook, Abr. 2, 2023, facebook.com/soares.u.

Isang Nagbibigay-Inspirasyong Disipulo

Elder Ulisses Soares

“Kasama sa pagbisita ko kamakailan sa Brazil ang isang di-inaasahan—pero hindi malilimutan—na karanasan sa isang nagbibigay-inspirasyong disipulo ni Cristo na nagngangalang Marcos Rossi.

“Si Marcos ay isinilang na may Hanhart syndrome, isang bihirang sakit na humadlang sa kanyang mga bisig at binti na lubos na mabuo. Binigyan lamang siya ng mga doktor ng 30 taon para mabuhay, pero ngayong nalagpasan na siya ang limitasyong iyon, patuloy niyang binabalewala ang kanyang mga limitasyon. Siya ay isang asawa at ama, awtor, surfer, skateboarder, scuba diver, DJ, singer, international speaker, at iba pa.

“Lahat tayo ay may mga limitasyon, pero ang mahalaga ay kung paano tayo natututo at lumalago mula sa mga balakid na maaaring magbigay sa atin ng problema. Sa kabila ng kanyang mga paghihirap, malakas ang pananampalataya ni Marcos. Nauunawaan niya na pansamantala lamang ang kanyang mga pagsubok. Dahil sa kanyang pasasalamat sa walang-hanggang plano ng Ama sa Langit, nananatili siyang masaya at may motibasyon bawat araw.

“Nais ng ating Ama na makabalik tayo sa Kanya balang-araw at pinangakuan tayo na magiging ganap tayo sa Tagapagligtas. Hanggang sa araw na iyon, kasama Natin Siya sa bawat hakbang ng ating paglalakbay sa buhay na ito. Kapag bumaling tayo sa Kanya, makasusumpong tayo ng kagalakan sa kabila ng mga hamon na ating nararanasan.”

Elder Ulisses Soares, Facebook, Ago. 14, 2023, facebook.com/soares.u.

Araw-araw na Katapatan sa Diyos

Pangulong Camille N. Johnson

“Gumiginhawa tayo—mula sa kabiguan, pighati, at anumang hamon—kapag iniayon natin ang ating puso’t isipan kay Jesucristo. Para makaayon at manatiling nakaayon sa Kanya, araw-araw tayong tapat sa Diyos, nagdarasal at nag-aaral ng mga banal na kasulatan. Nagsisisi tayo araw-araw. Naglilingkod tayo. Gumagamit tayo ng mga salitang “marangal, kaaya-aya, o magandang balita o maipagkakapuri” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13).

“Lahat ng ito ay nag-aanyaya sa impluwensya ng Espiritu sa ating buhay. Nakikinig tayong mabuti para sa mga pagpapamalas ng Espiritu Santo. Binabago natin ang ating isipan at ang pumupuno sa ating oras para matiyak na palagi tayong nakikipag-ugnayan sa langit.”

Sister Camille N. Johnson, Facebook, Ago. 29, 2023, facebook.com/RSGeneralPresident.

Ang Inyong Bilis at Pag-unlad

Sister Kristin M. Yee

“Tumakbo ako ng 5K noong nakaraang Sabado kasama ang ilan sa mga nakamamanghang kababaihan at kalalakihan sa Utah YSA conference na ‘Magkakasama kay Cristo.’ Naantig ako ng Espiritu noong gabing iyon. Masayang-masaya kami at masiglang-masigla nang sama-sama kaming magtipon at mag-usap tungkol kay Cristo at tumakbo kami malapit sa Kanyang banal na bahay. May ilang analohiyang tumimo sa akin na nais kong ibahagi sa inyo.

“Una, dapat tayong tumakbo ayon sa sarili nating bilis.

“Ang mithiin ko para sa 5K na ito ay patuloy na tumakbo, huwag tumigil, at makatapos (nang walang gaanong pressure!). Nang maghanda ako, natanto ko na kaya kong tumakbo nang mas malayo kung tatakbo ako ayon sa aking bilis nang hindi nagbabago. Sa magandang takbuhang ito, ang ilang tao ay mabilis ang takbo, ang ilan ay mabagal ang takbo, ang ilan ay naglakad, at ang ilan ay itinulak ang mga kaibigan o kapamilyang nakasakay sa wheelchair. Hindi ito tungkol sa kung sino ang nauna o nahuli, kundi tungkol ito sa paghikayat sa isa’t isa na magpatuloy, gawin iyon nang magkakasama, at makatapos.

“Ang inyong bilis at pag-unlad ay depende na sa inyo ng Panginoon. At palagay ko hindi Siya gaanong nag-aalala tungkol sa inyong lugar kumpara sa taong nasa unahan o nasa likuran ninyo. Sa halip, palagay ko’y nakatuon Siya sa pagtulong sa inyo na magpatuloy saanman kayo naroon sa inyong personal na paglalakbay pabalik sa Kanya. Kaya hanapin at tamasahin ang bilis na tama para sa inyo, at hayaang palakasin at liwanagan ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas ang inyong mga hakbang!

“Pangalawa, mas mabilis ang takbo natin kung magkasama tayo!

“Gustung-gusto kong makipagkita at tumakbo na kasama ang napakaraming pambihirang disipulo ng Tagapagligtas! Kapag katabi ko ang iba, nahihikayat akong magpatuloy, at parang hindi malayo ang distansya. Sabi sa akin ng isang sister, ‘Mas mabilis akong tumakbo kapag kasama kita!’ Gustung-gusto ko na nag-cheer kami para sa isa’t isa. Ang pagtulong sa iba habang naglalakbay ay talagang nakaganyak sa amin na magpatuloy. Kahit paano’y nagkaroon ako ng lakas na makipag-usap habang tumatakbo at nadama ko na parang kaya kong magpatuloy. Palagay ko dahil iyan sa kung sino ang kasama kong tumakbo at para Kanino talaga kami tumatakbo. Sama-sama tayong nagtitipon kay Cristo.

“At tulad ng pagpapasigla at paghihikayat namin sa isa’t isa sa 5K run na ito, madalas kumikilos ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng iba sa buhay na ito para pagaanin ang ating mga pasanin at bigyan tayo ng lakas, panghihikayat, kaligtasan, aliw, at dagdag na kagalakan. Pinagiginhawa Niya tayo sa pamamagitan ng mga tumatakbo sa tabi natin.

“Mahaba at paakyat ang huling pagtakbo at direkta papunta sa Saratoga Springs Utah Temple, na nagniningning sa gabi. Hindi ko malilimutan kaagad ang pakikisama at pagmamahal na inialok at tinanggap habang parating kami sa dulo. Nawa’y palakasin natin ang isa’t isa at mag-ibayo ang ating kagalakan habang sama-sama nating tinatakbo ang paglalakbay na ito kay Cristo.”

Sister Kristin M. Yee, Facebook, Ago. 18, 2023, facebook.com/RS2ndCounselor.

Ang Halimbawa ni Jesucristo sa Ating Pang-araw-araw na Buhay

Sister Tracy Y. Browning

“Inaanyayahan tayo ni Jesucristo na tularan ang Kanyang halimbawa sa ating pang-araw-araw na buhay. At nangangako rin Siya ng kaligayahan kapag sinisikap nating gawin ang lahat ng ating makakaya para tularan Siya at iayon ang ating buhay sa Kanya. Kamakailan ay nakadama ako ng mas malaking hangaring maging mas mapagpasensya na katulad ng ating Tagapagligtas. Si Jesucristo, sa Kanyang buhay at ministeryo sa lupa, ang perpektong halimbawa ng pagpapasensya. Pinasan Niya ang lahat ng bagay at ginawa ang lahat ng bagay nang may kahandaang magpasakop sa Ama sa Langit. …

“Gustung-gusto ko [ang] awiting [‘Sinisikap Kong Tularan si Jesus’] dahil kumakatawan ito sa marami sa sinisikap kong gawin sa bawat araw, na tularan ang halimbawa ng ating Tagapagligtas.

“… Sabi sa isang bahagi ng talata … : ‘Sinisikap kong tularan ang Panginoong Jesus.’ Gustung-gusto ko ang mensaheng iyan.

“Marami pa tayong malalaman tungkol diyan sa Juan 13:15 …[:] ‘Sapagkat kayo’y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin din ninyo ayon sa ginawa ko.’ Mabisang tagubilin iyan sa akin na nagbigay sa atin ang Tagapagligtas ng huwarang tutularan, upang kapag hinanap natin Siya at hinangad natin Siyang tularan, ay maging higit na katulad Niya tayo.

“Kaya inaanyayahan ko kayong pag-aralan ngayon: Ano ang mga paraan na nais ni Jesus na maging higit na katulad Niya tayo? At sadyang subukang isama ang ilan sa inyong mga pag-uugali at inyong kilos at inyong pananalita ngayon.”

Sister Tracy Y. Browning, Facebook, Abr. 27, 2023, facebook.com/Primary2ndCounselor.

Mga Bata Bilang mga Disipulo ni Jesucristo

Sister Tracy Y. Browning

“Maaaring maliit lang ang mga bata sa pangangatawan, pero hindi maliit ang kanilang espiritu. Karamihan sa mga bata ay hindi gumagamit ng mabibigat na salita, at simple silang magpaliwanag ng mga bagay-bagay. Wala silang takot sa alam nilang totoo. Nagpapahayag sila ng mga bagay-bagay. Walang gaanong kailangang linawin. Ginagawa nitong makapangyarihan ang kanilang patotoo sa akin, at sana’y maituring natin sila bilang mga disipulo ni Jesucristo.

“Inaanyayahan natin silang gumawa ng mga tipan sa edad na walong taong gulang, at sumusunod sila. At mga disipulo rin sila. Kapag inanyayahan natin silang gamitin ang kanilang pagkadisipulo, tingnan sila bilang mga disipulo, at ituring silang mga disipulo, aabot sila sa anumang pamantayang itatakda natin para sa kanila.”

Sister Tracy Y. Browning, Facebook, Ago. 11, 2023, facebook.com/Primary2ndCounselor.

Tala

  1. Dallin H. Oaks, “Ang Hamon na Magkaroon ng Kahihinatnan,” Liahona, Ene. 2001, 33.