Liahona
Ang Ating Liwanag sa Ilang
Enero 2024


“Ang Ating Liwanag sa Ilang,” Liahona, Ene. 2024.

Ang Ating Liwanag sa Ilang

Ang mga taong taos-pusong nagbabasa ng Aklat ni Mormon, namumuhay ayon sa mga tuntunin nito, at nagdarasal tungkol sa katotohanan nito ay madarama ang Espiritu Santo at mag-iibayo ang kanilang pananampalataya at patotoo tungkol sa Tagapagligtas.

kapatid ni Jared na may hawak na maningning na mga bato

Larawan ng kapatid ni Jared na may hawak na maningning na mga bato na iginuhit ni Normandy Poulter

Kahit noong bata pa ako, mayroon na akong patotoo sa Aklat ni Mormon. Nagustuhan ko lalo na ang kuwento tungkol sa kapatid ni Jared at ng kanyang mga tao sa paglalakbay nila papunta sa “lupang pangako” (Eter 2:9).

Nang maharap sa posibilidad na maglakbay sa mga gabarang walang ilaw, itinanong ng kapatid ni Jared, “Masdan, O Panginoon, pahihintulutan ba ninyong tawirin namin ang malawak na tubig na ito sa kadiliman?” Sumagot ang Panginoon at nagsabing, “Ano ang nais mong gawin ko upang magkaroon ng liwanag sa inyong mga sasakyang-dagat?” (Eter 2:22, 23).

Alam ng kapatid ni Jared na ang Panginoon ay makapangyarihan. Alam niya na ang Panginoon ang pinagmumulan ng lahat ng liwanag. Alam niya na inutusan na ng Panginoon ang kanyang mga tao na manawagan sa Kanya sa oras ng pangangailangan. Kaya, sa pagsampalataya sa Panginoon, naghanda ng 16 na batong maliliit ang kapatid ni Jared. Maaalala ninyo na pagkatapos ay hiniling niya sa Panginoon na hipuin ng Kanyang daliri ang mga bato, “upang ang mga ito ay kuminang sa kadiliman” (Eter 3:4).

Natanim sa aking isipan ang larawan ng Panginoon na hinihipo ang mga batong iyon mula nang una kong mabasa ang kuwentong iyon. Nakikita ko ang tagpong iyon na para bang nangyayari ito sa harapan ko mismo. Marahil iyon ay dahil tunay sa akin ang larawan ng kadiliman na pinapawi ng liwanag.

Kapag hindi ko nadarama ang Espiritu Santo, kapag medyo hindi ako nakaayon sa Espiritu ng Panginoon, nadarama ko ang kadiliman. Pero kapag binabasa ko ang Aklat ni Mormon, bumabalik ang liwanag. Ang Aklat ni Mormon para sa akin ay tulad ng isang maningning na bato na hinipo ng Panginoon. Natanglawan nito ang paglalakbay ko sa buhay.

Isang Liwanag Magpakailanman

Tulad ng mga dinala ng kamay ng Panginoon sa sinaunang lupain ng Amerika, lahat tayo ay nahaharap sa mga unos at madidilim na panahon sa ating paglalakbay papunta sa lupang pangako ng kadakilaan. Ngunit gagawin ng Panginoon para sa atin ang ginawa Niya para sa mga Jaredita at sa mga Nephita. Gagabayan at tatanglawan Niya ang ating daan—kung susunod tayo sa Kanya, mananampalataya sa Kanya, at hihingi ng tulong sa Kanya.

Sinabi ng Panginoon kay Nephi: “At ako rin ang magiging tanglaw ninyo sa ilang; at ihahanda ko ang landas na inyong tatahakin, kung mangyayaring inyong susundin ang mga kautusan ko; anupa’t habang inyong sinusunod ang aking mga kautusan, kayo ay aakayin patungo sa lupang pangako; at malalaman ninyo na sa pamamagitan ko kayo ay naakay” (1 Nephi 17:13).

Sinabi ng Panginoon sa kapatid ni Nephi na si Jacob, “Ako ay magsisilbing ilaw sa kanila magpakailanman, na mga makikinig sa aking mga salita” (2 Nephi 10:14).

Tungkol sa Tagapagligtas, nagpatotoo ang propetang si Abinadi, “Siya ang ilaw at ang buhay ng daigdig; oo, isang ilaw na walang hanggan, na hindi maaaring magdilim” (Mosias 16:9).

Tungkol sa Kanyang sarili, nagpatotoo ang Tagapagligtas, “Ako ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan.” Idinagdag pa Niya, “Masdan, ako ang ilaw; ipinakita ko ang isang halimbawa sa inyo” (3 Nephi 9:18; 18:16).

si Pangulong Russell M. Nelson habang naglalakad

Pagdama sa Liwanag

Mahal ko ang ating propetang si Pangulong Russell M. Nelson. Mapalad akong makasama siya sa paglilingkod. Kapag pumapasok siya sa isang silid, mas sumasaya kaagad ang silid na iyon. Dala niya ang Liwanag ni Cristo.

Ang Liwanag ni Cristo ay tunay. Ito “ang banal na lakas, kapangyarihan, o impluwensya na nagmumula sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo at nagbibigay ng buhay at liwanag sa lahat ng bagay.” Ito ay isang natatanging espirituwal na kaloob na maaaring umakay sa mga anak ng Diyos patungo sa Espiritu Santo at sa ebanghelyo ni Jesucristo.1 Ang pagbabasa ng Aklat ni Mormon ay nagpapalakas sa Liwanag na iyon.

Kung minsa’y kailangang magbalik-tanaw tayo sa ating buhay para maalala kung paano tayo natulungan sa ating paglalakbay. Kapag nagbalik-tanaw tayo, madarama nating muli ang impluwensya ng Tagapagligtas. Kapag sinasabi sa mga banal na kasulatan na, “Tandaan, tandaan” (Helaman 5:12), palagay ko sinasabi nila sa atin, “Huwag mo lang tandaan ang minsan mong nalaman o nadama; sa halip, damhing muli ang liwanag na iyon.”

Para sa ilan, madaling madama ang espirituwal na liwanag. Para sa iba, maaaring mahirap madama ang espirituwal na liwanag dahil sa mga personal na paghihirap o mga makamundong pang-aabala. Pero kung tayo ay tapat, darating ang liwanag—kung minsa’y sa mga paraang hindi natin inaasahan.

Si Pangulong Nelson, na nagpayo sa atin na “mapanalanging [pag-aralan ang] Aklat ni Mormon araw-araw,”2 ay nagbahagi ng ilang paraan na mas mailalapit tayo ng Aklat ni Mormon sa Tagapagligtas at tutulungan tayong madama ang liwanag ng ebanghelyo, maunawaan ang mga katotohanan ng ebanghelyo, at maisabuhay ang mga turo ng ebanghelyo.

Habang binabasa natin ang Aklat ni Mormon, sabi ni Pangulong Nelson, ang ating pag-unawa, at pagpapahalaga sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay lalago.

Makadarama tayo ng hangaring “isilang na muli” (Mosias 27:25) habang tinutulungan tayo ng aklat na makaranas ng pagbabago ng puso (tingnan sa Mosias 5:2).

Habang binabasa at pinag-aaralan natin ang mga turo ng Aklat ni Mormon tungkol sa pagtitipon ng Israel, makadarama tayo ng mas malaking hangaring hanapin ang ating mga pumanaw na ninuno at isagawa ang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan para sa kanila sa templo.

Makadarama tayo ng liwanag habang tumatanggap tayo ng mga sagot sa ating mga tanong, patnubay sa paggawa ng mga desisyon, at lakas na magsisi at labanan ang kasamaan.

At habang binabasa natin ang mga katotohanang matatagpuan sa Aklat ni Mormon, makadarama tayo ng paggaling, kapanatagan, panunumbalik, tulong, lakas, aliw, at saya sa ating kaluluwa.3

“O ngayon, hindi ba ito ay tunay?” tanong ni Alma hinggil sa lumalago at sumisibol na binhi ng katotohanan, kaalaman, at patotoo. “Sinasabi ko sa inyo, Oo, sapagkat ito ay liwanag; at anuman ang maliwanag ay mabuti, sapagkat ito ay nauunawaan, kaya nga kailangan ninyong malaman na ito ay mabuti” (Alma 32:35).

larawan ng mukha ni Jesucristo

Christ’s Image [Larawan ni Cristo], ni Heinrich Hofmann

Hanapin ang Tagapagligtas sa Dilim

Noong 10 taong gulang ang kaibigan kong si Kamryn, nagkaroon siya ng isang bihira pero permanenteng sakit sa mata na nakaapekto sa cornea ng kanan niyang mata.4 Kung minsan, kapag madalas at hindi makayanan ang sakit, hindi matiis ni Kamryn ang anumang liwanag. Pinadidilim ng kanyang mga magulang, na nag-aalala na baka mabulag siya, ang mga bintana ng kanyang kuwarto para mapanatili siyang komportable. Pag-alaala ng ina ni Kamryn na si Janna:

“Mga apat na buwan matapos siyang masuri, pumasok ako sa kanyang madilim na silid. Nang maka-adjust ang mga mata ko, nakita ko si Kamryn na nakabaluktot sa kama niya. Napakatindi ng sakit na nararamdaman niya kaya hindi siya gumalaw o umiyak man nang marinig niya akong pumasok. Nakahiga lang siya roon na parehong nakapikit ang namamagang mga mata.

“Lumuhod ako sa tabi ng kama niya, hinawakan ko ang kamay niya, at tatlong beses kong pinisil iyon—ang secret code namin para sa ‘Mahal kita’ o I love you. Karaniwa’y pinipisil din niya ang kamay ko nang apat na beses para sabihing ‘mas mahal ko kayo,’ pero hindi siya tumugon. Sobrang sakit ang nararamdaman niya. Lumuluhang tiningnan ko ang dati kong masiglang 10-taong-gulang na anak na namamaluktot. Lungkot na lungkot ako.”

Tahimik at taos-pusong nagdasal si Janna.

“Sinabi ko sa Ama sa Langit na alam ko na alam na alam Niya ang pinakamainam, pero nagdasal ako, ‘Tulungan Mo po sana siya.’ Habang nakaupo ako roon at nagdarasal, nag-init ang buong katawan ko. Napanatag ako nang may pumasok sa isip ko tungkol sa Tagapagligtas na si Jesucristo: ‘Siya ang ilaw. Hanapin Siya sa dilim.’”

Inangat ni Janna ang kanyang ulo at bumulong sa tainga ni Kamryn: “Kailangan mong hanapin ang Tagapagligtas sa dilim.”

Pagkatapos, nakatulog si Kamryn na nakikinig sa mga himno at banal na kasulatan sa Church library app.

batang babaeng may nakatapal sa mata

Nang lumala ang impeksyon niya sa mata, natagpuan ni Kamryn ang Tagapagligtas sa dilim.

Larawang kuha sa kagandahang-loob ng pamilya ni Kamryn

Kadalasa’y hindi gaanong matindi ang sakit ni Kamryn, pero kapag nakakaramdam siya ng matinding sakit, pinapanatag siya ni Janna at ng asawa nitong si Darrin at muling nilalagyan ng mga kumot ang mga bintana sa kanyang kuwarto. Sa masasakit na panahong iyon, sabi ni Kamryn, “Hinahanap ko lang po ang Tagapagligtas sa dilim.”5

Kapag ang buhay ay tila “isang madilim at mapanglaw na ilang” (1 Nephi 8:4), maaaring kailangan din nating hanapin ang Tagapagligtas sa dilim. Pinatototohanan ko na ang Aklat ni Mormon, kasama ang patotoo nito “na si Jesus ang Cristo, ang Diyos na Walang Hanggan,”6 ay aakayin tayo sa Kanya. Ang mga taong taos-pusong nagbabasa ng Aklat ni Mormon, namumuhay ayon sa mga tuntunin nito, at nagdarasal tungkol sa katotohanan nito ay madarama ang Espiritu Santo at mag-iibayo ang kanilang pananampalataya at patotoo tungkol sa Tagapagligtas.

Nawa’y magpakita tayo ng pasasalamat para sa “pinakatumpak” na aklat7 na ito sa pamamagitan ng pagbabasa, pagpapahalaga, at paggamit nito para palakasin ang ating pananampalataya at ang pananampalataya ng iba sa Ilaw ng Sanlibutan.