Liahona
Dahan-dahang Pagbabasa: Nakikita ang Tagapagligtas sa mga Banal na Kasulatan
Enero 2024


“Dahan-dahang Pagbabasa: Pagkakita sa Tagapagligtas sa mga Banal na Kasulatan,” Liahona, Ene. 2024.

Dahan-dahang Pagbabasa: Pagkakita sa Tagapagligtas sa mga Banal na Kasulatan

Ang paghiram sa pamamaraang ito mula sa sining ay maaaring makatulong sa atin na makita si Jesucristo sa Aklat ni Mormon.

rebulto ni Maria na kandong ang katawan ni Jesus matapos ang Pagpapako sa Krus

La Pietà, ni Michelangelo

Inabot ng mahigit isang taon si Michelangelo sa paglikha ng La Pietà, isang nakamamanghang rebulto ni Maria na kandong ang katawan ni Jesus matapos ang Pagpapako sa Krus. Mas matagal pang inabot si Leonardo da Vinci, mga tatlong taon, sa pagpinta ng kanyang bantog na paglalarawan sa Ang Huling Hapunan.

Kung huhulaan mo, ilang oras kaya sa palagay mo ang ginugugol ng isang bisita sa art museum—karaniwan—na nakatingin sa bawat gawang-sining?

Ang sagot ay 17 segundo, ayon sa isang pag-aaral.1

Isipin kunwari: 17 segundo ang pagtingin sa isang gawang-sining na maaaring maraming taon ang ginugol para malikha.

Naiintindihan ko iyan. Daan-daan ang mga painting at rebulto sa isang museum, at abala tayo. Kaya nagmamadali tayo at tinitingnan natin ang kaya nating tingnan. Ang nakakatawa, dahil sa takot na may malagpasan tayo, sa huli ay nalalagpasan natin ang mismong layunin ng sining—ang mga damdamin at ideyang nais iparanas sa atin ng mga pintor. Pinapasadahan ng ating mga mata ang bawat likha sa museum, pero wala talaga tayong nakikita sa mga iyon. Pagkatapos ay nililisan natin ang museum na pagod na pagod at hindi walang inspirasyon. Maaaring iniisip pa nga natin kung ano ba talaga ang nakikita ng mga tao sa sining—kumbinsido, marahil, na ang sining ay para sa mataas ang pinag-aralan, hindi para sa lahat.

Dahan-dahang Pagtingin

Para malutas ang problemang ito, hinihikayat ng mga art museum sa buong mundo ang mga bisita na magpraktis ng isang bagay na tinatawag nilang “dahan-dahang pagtingin.”2 Inaanyayahan nila ang mga tao na pumili ng isang gawang-sining sa museum, maging komportable, at suriin itong mabuti sandali—5 hanggang 10 minuto. Tingnan ito sa iba’t ibang anggulo. Lapitan ito para mapansin ang mga detalye. Lumayo at tingnan ang kabuuan nito. Kung minsan, sinasabihan pa nga ang mga bisita na huwag basahin ang interpretive sign ng museum na sumusuri sa likhang-sining—kahit hanggang sa magkaroon man lang sila ng pagkakataong bumuo ng sarili nilang mga opinyon at gumawa ng sarili nilang mga tuklas.

Nabago ng dahan-dahang pagtingin ang karanasan sa art museum para sa maraming tao. Naging mahilig pa sa sining ang ilan na hindi kailanman itinuring ang kanilang sarili na mahilig sa sining. Nagkakaroon sila ng tiwala na maaari silang makatuklas ng kahulugan sa anumang gawang-sining, at nagagalak sila sa natutuklasan nila. Nalalaman nila na hindi nila kailangan ng college degree sa kasaysayan ng sining para maantig ng sining; kailangan lang nilang magdahan-dahan at bigyan ng pagkakataon ang sining na gawin ang dahilan ng paglikha rito.

Angkop din ba ang mga alituntuning ito sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan—halimbawa, sa pag-aaral natin ng Aklat ni Mormon sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ngayong taon?

Alam natin na ang Aklat ni Mormon, bilang isa pang tipan ni Jesucristo, ay isinulat na may layuning palakasin ang ating pananampalataya sa Tagapagligtas (tingnan sa 1 Nephi 6:4). Alam natin na isinulat ito ng mga inspiradong propeta ng Diyos, lalo na para sa ating panahon (tingnan, halimbawa, sa Mormon 8:35). Alam natin na ang mga sinaunang propetang sumulat ng Aklat ni Mormon ay ginawa ito nang may malaking personal na sakripisyo. Ang proseso pa lang ng pag-uukit ng mga salita sa mga laminang metal ay napakahirap at matrabahong gawin (tingnan sa Jacob 4:1). At isinapalaran ng ilan sa kanila ang kanilang buhay para maingatan ang talaan upang mapasaatin ito ngayon (tingnan sa Mormon 6:6; Moroni 1).

Subalit kung minsan, sa ating kaabalahan, minamadali natin ang pagbabasa ng Aklat ni Mormon. Maaari siguro nating pasadahan ang ilang talata habang nag-aalmusal o papunta sa trabaho. Maaaring pasadahan ng ating mga mata ang bawat salita sa isang kabanata, pero wala tayong gaanong naiintindihan. Hindi palagi, kundi kung minsan, isinasara natin ang aklat o ang app na walang nadaramang anumang pagbabago kumpara noong magsimula tayo.

Dahan-dahang Pagbabasa

Kung nararapat pahalagahan ang isang magandang gawang-sining sa pamamagitan ng dahan-dahang pagtingin, siguro’y nararapat lamang na “dahan-dahan [nating] basahin” ang Aklat ni Mormon. Hindi niyan ibig sabihin na kailangan ay mas tagalan natin ang ating pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pero maaaring makinabang tayo sa pagbabago ng bilis. Sa halip na magmadaling tapusin ang isang kabanata, ang pag-aaral siguro ngayon ay nakatuon lamang sa tatlo o apat na talata. Pero talagang isinusubsob natin ang ating sarili sa mga talatang iyon. Napapansin natin ang mga detalye, salita, at parirala. Pinagninilayan natin kung bakit maaaring mahalaga ang bawat isa—may itinuturo ba ito sa akin tungkol sa Tagapagligtas? Pinalalalim ba nito ang aking pagmamahal sa Kanya at ang aking pananampalataya sa Kanya? May gusto ba Siyang malaman ko?

Sa dahan-dahang pagbabasa ay mapapansin natin ang mga bagay sa Aklat ni Mormon na maaaring hindi natin mapansin sa ibang paraan. Ang pinakamahalaga, matutulungan tayo nitong makita ang Tagapagligtas nang mas madalas sa aklat na ito na isinulat para magpatotoo tungkol sa Kanya. Ang dahan-dahang pagbabasa ay isang paraan para mamulat ang ating mga mata, isipan, at puso sa malakas na patotoo ng Aklat ni Mormon tungkol kay Jesucristo. Ang isang nagbibigay-inspirasyong gawang-sining, kapag nag-ukol tayo ng oras na tingnan ito talaga, ay maaaring magpabago ng buhay. Sa mas malalim pang paraan, ang makita ang Tagapagligtas sa mga banal na kasulatan ay maaaring makaimpluwensya nang malalim sa ating mga iniisip at nadarama—at, dahil dito, sa ating buhay.

Halimbawa, kunwari’y binabasa mo ang 1 Nephi kabanata 1. Natuon ang iyong pansin sa talata 6, kaya nagdahan-dahan ka at nagtagal doon sandali. Maaari kang maakit sa “haliging apoy” na nakita ni Lehi na “lumapag sa ibabaw ng isang malaking bato.” Hindi ganyan ang karaniwang kilos ng isang apoy. Ano ang ibig sabihin niyan? Ang mga iniisip mo ay maaaring pumunta sa iba pang mga haligi ng apoy na binanggit sa mga banal na kasulatan (makakatulong sa iyo roon ang mga footnote). Maaari mong pagnilayan kung bakit napakadalas ikumpara sa apoy ang presensya ng Panginoon. Ano ang sinasabi nito tungkol sa Kanya? Naging haliging apoy na ba siya sa buhay mo?

Malaking bagay na pag-iisipan iyan. At ni hindi mo pa tapos basahin ang talata.

Mangyari pa, may halaga ang mabilis na pagbabasa ng Aklat ni Mormon. Matutulungan tayo nitong matutuhan ang kabuuang kuwento at unawain ang malalawak at paulit-ulit na tema. Pero maraming matututuhan tungkol kay Jesucristo sa mga detalye ng Aklat ni Mormon, at kung minsan ang pinakamainam na paraan para makita ang mga detalyeng iyon ay ang magdahan-dahan at tingnan itong mabuti.

Sinabi ni Nephi tungkol sa mga salitang isinulat niya sa Aklat ni Mormon, “Ang mga salitang ito ay mga salita ni Cristo, at kanyang ibinigay ang mga ito sa akin; at … ipakikita ni Cristo sa inyo, sa kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian, na ang mga ito ay kanyang mga salita” (2 Nephi 33:10–11). Hindi mo kailangang maging mahusay na mambabasa para mahanap ang mga salita ng Tagapagligtas sa Aklat ni Mormon. Kailangan mo lang magdahan-dahan at bigyan ng pagkakataon ang Aklat ni Mormon na gawin ang dapat gawin nito—palakasin ang iyong pananampalataya kay Jesucristo.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Trent Morse, “Slow Down, You Look Too Fast,” ARTnews, Abr. 1, 2011, artnews.com.

  2. Tingnan sa “Slow Art Day,” slowartday.com/about.