Digital Lamang
5 Simpleng Paraan para Maibahagi ang Aklat ni Mormon
Napakadali na ngayon, higit kailanman, na tulungan ang iba na madama ang kapangyarihan ng Aklat ni Mormon sa kanilang buhay.
Kamangha-mangha ang mga pahayag mula sa mga makabagong propeta at apostol tungkol sa mga pagpapala ng pagbabasa ng Aklat ni Mormon.
Sabi ni Propetang Joseph Smith: “Sinabi ko sa mga kapatid na ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon, at ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat.”1
Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994): “Ang Aklat ni Mormon ang kasangkapang nilayon ng Diyos na ‘[punuin ang] mundo gaya [ng] isang baha, upang tipunin ang [Kanyang] mga hinirang’ (Moises 7:62).”2
Kamakailan lang, nagpatotoo si Pangulong Russell M. Nelson: “Ito ang aklat na tutulong upang maihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.”3
Ang gayong makapangyarihang mga pahayag ay nagpapaalala sa atin sa kahalagahan ng pagbabahagi ng Aklat ni Mormon sa mga nasa paligid natin. Kapag ginawa natin ito, matutulungan natin ang iba na tumanggap ng karagdagang kapangyarihan sa kanilang buhay sa pamamagitan ng mga katotohanang itinuturo doon, tulad ng pinatotohanan ni Pangulong Nelson nang sabihin niyang:
“Kapag naiisip ko ang Aklat ni Mormon, naiisip ko ang salitang kapangyarihan. Ang mga katotohanan ng Aklat ni Mormon ay may kapangyarihan na pagalingin, panatagin, ipanumbalik, tulungan, palakasin, aluin, at pasayahin ang ating kaluluwa.”4
Mga Ideyang Maaari Mong Subukan
Sa ating makabagong mundo, walang katapusan ang mga posibilidad sa pagbabahagi ng Aklat ni Mormon. Habang iniisip natin kung paano magbahagi, maaari tayong magsimula sa pag-iisip kung kanino natin maibabahagi ang Aklat ni Mormon at kung ano ang nangyayari sa kanilang buhay. Pagkatapos ay maaari nating sundin ang Espiritu para malaman kung paano sila lubos na mapagpapala ng Aklat ni Mormon. Narito ang lima (sa maraming iba pang) ideya na maaari nating subukan:
-
Sa pag-aaral natin ng Aklat ni Mormon, maaari tayong maghanap ng mga talatang namumukod-tangi sa atin. Ipinapaisip ba sa atin ng isa sa mga ito ang isang taong kilala natin? Maaari nating sundin ang pahiwatig at magiliw na ibahagi ang mga salitang nabasa natin sa taong iyon sa text, email, tawag sa telepono, o maikling sulat.
-
Kapag positibo ang naging epekto sa atin ng Aklat ni Mormon, maaari nating ipagdasal at itanong sa Diyos kung sino pa ang maaaring makinabang sa pakikinig sa ating mga karanasan. Pagkatapos ay maaari nating ibahagi ang ating mga kuwento, na nagtitiwala sa pangako ng Panginoon na “ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo” (Doktrina at mga Tipan 84:88).
-
Naantig ba tayo sa isang kuwentong ipinalabas sa isang video mula sa koleksyon ng Mga Video ng Aklat ni Mormon? Lalong dumarami ang mga tao na nakakakita sa mga video na ito online at naaakit sila sa mga katotohanan ng ebanghelyo dahil sa mga kuwentong ipinalalabas ng mga ito. Muli, kung nabigyang-inspirasyon tayo habang nanonood tayo, maaari nating isipin kung sino pa ang maaaring masiyahan sa gayon ding karanasan at pagkatapos ay magbahagi ng isang video link sa kanila.
-
Isa sa mga pinakamadaling paraan ng pagbabahagi ay sa pamamagitan ng simpleng pagpindot sa isang button sa Book of Mormon app. Maaari kang magbahagi ng isang link sa isang tao o ipa-scan lang sa kanila ang isang code mula sa app sa cell phone mo. Kahit habang nakaupo sa tabi ng isang tao sa bus, maaari mong maibahagi ito at bigyan sila ng access sa Aklat ni Mormon sa anumang wika. Nasa app ang buong teksto ng Aklat ni Mormon. Kasama rin dito ang Mga Video ng Aklat ni Mormon at marami pang iba na maaaring umakay sa mga tao na alamin pa ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo.
-
Ang isa sa mga pinaka-tradisyonal na paraan na maaari nating maibahagi ang Aklat ni Mormon ay ang bigyan lang ang isang tao ng nakalimbag na kopya nito. Maraming tao ang naghahanap ng magandang aklat na mababasa. Maaari nating ibahagi sa kanila ang Aklat ni Mormon at sabihin sa kanila kung bakit napakahalaga nito sa atin kapag binabasa natin ito.
May mga sagot ang Aklat ni Mormon sa mga hamon ng buhay!5 Pinalalakas nito ang pananampalataya kay Jesucristo6 at itinuturo ang mga tao sa Kanya! Maaari nitong tulungan ang mga tao na madaig ang kasalanan at kalungkutan, turuan sila kung paano madama ang kapayapaan ng Tagapagligtas,7 at palawakin ang pagkaunawa nila sa kung sino sila tuwing babasahin nila ito!
Tulad ng sabi ni Pangulong Nelson, ang Aklat ni Mormon ay “kasangkapan ng Diyos upang maisakatuparan ang [pagtitipon ng Israel].”8 Inilabas ng Panginoon ang Aklat ni Mormon bilang bahagi ng Kanyang gawain, at oportunidad nating ibahagi ang mabuting balita nito sa iba. Paano man natin ibinabahagi ang Aklat ni Mormon, matitiyak natin na tayo ay abala sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos upang tumulong sa pagtitipon ng Kanyang mga anak.