Liahona
Ang Tamang Frequency
Enero 2024


“Ang Tamang Frequency,” Liahona, Ene. 2024.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Ang Tamang Frequency

Hindi ko naunawaan kung bakit hindi nakipag-ugnayan sa amin ang nawawalang piloto.

maliit na eroplano na nasa background ang air traffic control tower

Larawang-guhit ni Roger Motzkusart

Isang hapon noong internship ko bilang air traffic controller sa airport sa Tijuana, Mexico, napansin namin ng instructor ko na natakpan ng makapal na ulap mula sa karagatan ang airport at ang malaking bahagi ng lungsod. Gayunman, ang visibility o pagtanaw sa lugar ay pasok sa mga limitasyong pinahihintulutan para makalapag sa lupa at makalipad ang eroplano.

Hindi nagtagal, namanmanan namin sa radar na paparating ang isang Cessna 172 mula sa timog na gumagaygay sa baybayin, at lumilipad gamit ang visual flight rules (VFR). Sa ilalim ng VFR, nakikita ng mga piloto ang kinaroroonan nila sa mga reference point sa lupa para makarating sa kanilang pupuntahan.

Sa kasamaang-palad, nawala ang piloto sa ulap. Paikut-ikot sa paligid ng baybayin, sinikap niyang hanapin ang kanyang kinaroroonan ayon sa airport, pero nilimitahan ng mga ulap ang kanyang natatanaw. Tinanong ko ang instructor ko kung ano ang magagawa namin para tulungan siya.

“Kailangan niyang mag-tune in sa airband frequency ng tower at makipag-ugnayan sa atin,” sagot niya. “Kung hindi, wala tayong magagawa para sa kanya.”

Hindi ko naunawaan kung bakit hindi nakipag-ugnayan sa amin ang nawawalang piloto. May problema ba siya sa kanyang radyo? Napakiramdaman ba niya na kaya niyang makaligtas sa panganib nang mag-isa?

Lumipas ang mga sandali. Sa huli, nag-tune in ang piloto sa tower frequency. Sa nag-aalalang tono, humingi siya ng tulong. Agad namin siyang binigyan ng mga tagubilin para maakay siya nang ligtas papunta sa airport runway. Kinailangan lang niyang magtiwala sa mga tagubilin namin at sa mga flight instrument niya.

Hindi maipaliwanag ang aming kagalakan nang makita naming makalabas ng ulap ang eroplano ilang minuto kalaunan at makalapag pagkatapos.

Sa daan pauwi, pinagnilayan ko ang naranasan ng piloto. Ang pagtawag sa amin sa tamang airband frequency ay nakagawa ng kaibhan sa pagitan ng pagtanggap ng tulong o paglipad nang paikut-ikot—o mas malala pa.

Tulad ng pilotong ito, nawawala ako kung minsan sa “abu-abo ng kadiliman” (1 Nephi 8:23). Kapag kailangan ko ang patnubay ng Diyos, matiyaga Niyang hinihintay na marinig ang aking tinig.

Tulad ng maaari kong makita ang nawawalang eroplano sa radar, ang ating Ama sa Langit ay nakikita tayo at ang mga hamon sa ating buhay. Nagpapasalamat ako na pinapatnubayan Niya tayo. Tumutulong Siya sa pamamagitan ng panalangin, mga banal na kasulatan, mga buhay na propeta, at kaloob na Espiritu Santo. Aakayin Niya tayo mula sa pisikal at espirituwal na panganib kung magtu-tune in tayo sa tamang frequency, hihiling ng patnubay, at makikinig sa Kanyang tinig.