“Paghahanap ng Kabuuan sa Pamamagitan ni Jesucristo,” Liahona, Ene. 2024.
Pagtanda nang May Katapatan
Pagkakaroon ng Kabuuan sa Pamamagitan ni Jesucristo
Sa bagong-tuklas na kalayaan, mga oportunidad, at pakikipagsapalaran na nagmumula sa pagiging empty nester, bakit hindi ako nasiyahan? Ano ang kulang?
Napaluha ako nang ipagdasal ko na mapayapa ako nang punan ng bunsong anak ko ang kanyang aplikasyon sa misyon. Gusto ko talagang magmisyon siya. Totoo. Patuloy kong sinikap na kumbinsihin ang sarili ko tungkol dito.
Mahal ko ang aking Tagapagligtas at talagang natuwa ako sa pagkakataon ng aking anak na ibahagi ang kagalakang matatagpuan natin sa pamamagitan ni Jesucristo. Subalit sa kaibuturan ng puso ko’y takot akong umalis siya. Alam ko na hindi na siya talaga makakauwing muli pagkatapos ng kanyang misyon. Kahit sa bahay pa siya tumira, hindi na iyon magiging katulad ng dati.
Sinabi sa akin ng mga kaibigan ko na masayang maging empty nester. Tuwang-tuwa kaming mag-asawa at inasam namin ang kalayaan at mga oportunidad na hindi namin natamasa noong pinalalaki namin ang aming mga anak.
Sa bagong-tuklas na kalayaang ito, isinubsob ko ang sarili ko sa napakaraming aktibidad. Naglakbay kaming mag-asawa, nag-aral na tumugtog ng organ para sa calling ko, nakipaglaro sa aking mga apo, at gumawa ng gawain sa templo at family history.
Nakaramdam ako ng kasabikan at adventure. Napagbuti ko ang sarili ko. Nakakita ako ng magagandang bagay.
Subalit palaging may kulang. Mayroon pa ring nawawala. Nang umalis ang anak ko, malaki ang nawala sa buhay ko na tila hindi ko mapunan.
Mga isang taon matapos umalis ang anak ko, naging mainitin ang ulo ko na katulad ng pag-init ng ulo ng mga anak ko noong bata pa sila. Tiningnan ako ng asawa ko at sinabing, “Michelle, kailangan mong maglingkod.” Nagpalista ako para sa isang pagkakataong maglingkod.
Kaya lang, lungkot na lungkot pa rin ako. Nahirapan akong isubsob ang sarili ko sa paglilingkod o sa anumang iba pang nakaabang na mga gawain. Ngayong nagsialis na ang lahat ng anak ko, pakiramdam ko’y hindi na mabubuong muli ang buhay ko kailanman.
Isang gabi nang humingi ako ng tulong sa panalangin, ipinaalam sa akin ng Espiritu na ang nararanasan ko ay ang kahungkagan na kaakibat ng kawalan—kawalan ng layunin. Akala ko nagwakas na ang kalungkutan kong iyon nang punuin ko ang buhay ko ng lahat ng magagandang aktibidad na iyon.
Paghahanap ng mga Sagot
Nang maghanap ako ng mga sagot, natagpuan ko ang pahayag na ito mula sa kasaysayan ni Propetang Joseph Smith: “Kapag may nawala sa atin [na isang bagay o isang tao] na pinagtuunan natin ng ating lakas, pag-iisip, at pagsisikap, dapat itong maging babala sa atin. … Dapat nating ituon ang ating pagmamahal sa Diyos at sa kanyang gawain nang mas matindi kaysa sa ating kapwa-tao.”1
Biglang napalitan ng kagalakan ang matinding kalungkutang nadarama ko. Sinikap ko nang punan ng mga bagay, aktibidad, at karanasan ang aking matinding kalungkutan—paglilingkod, pagmamahal, pagkakaroon ng mga talento. Lahat ng mabubuting bagay, pero hindi napunan ng mga ito ang kahungkagan ng buhay ko. Hindi ako napagaling ng mga ito sa paraan ng paggaling na kinailangan ko.
Natanto ko na ang uri ng kapayapaan at kasiyahan ay maaari lamang dumating sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Itinuro ni Jesus, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6). Sa pamamagitan lamang Niya tayo nakasusumpong ng kagalakan at kabuuan at kapayapaan at kapanatagan. Sabi sa Mga Awit 16:11, “Iyong ipinakita sa akin ang landas ng buhay: sa iyong harapan ay may kapuspusan ng kagalakan.”
Kung Paano Ako Nagbago
Hindi kaagad nagbago ang buhay. Hindi kaagad nawala ang kalungkutan ko. Pero alam ko kung saan ko kailangang magtuon para mangyari ito.
Nagbago ang mga dalangin ko. Sinimulan kong hilingin sa Ama sa Langit na tulungan akong magkaroon ng mas matibay na relasyon sa aking Tagapagligtas. Kapag pinanghihinaan ako ng loob, sadya kong ipinapaalala sa sarili ko na nariyan si Jesucristo para sa akin, at sa pamamagitan ng biyaya ng Kanyang nagbabayad-salang kapangyarihan, tutulungan Niya ako. Ang pag-aaral ko ng mga banal na kasulatan ay higit na natuon sa pagkakaroon ko ng relasyon sa Kanya. Nangailangan ito ng panahon, pero pilit kong itinuon ang aking damdamin, lakas, at isipan kay Jesucristo.
Nang gawin ko ito, nagsimulang gumaan ang mabigat na kadiliman. Lalo akong nagalak sa maliliit na paglilingkod at pagmamahal bawat araw. Pinasigla ng liwanag at pag-asa ang aking landas at pinuno ang kahungkagan sa puso ko. Ang pag-uuna sa Tagapagligtas ay nagbigay ng mas malalim na kahulugan at kagalakan sa bawat aspeto ng aking buhay, mula sa paglilingkod hanggang sa pag-uukol ng oras sa pamilya, mula sa paglalakbay hanggang sa pagpapaunlad ng aking mga talento. Lahat ay naging mas sagana na si Cristo ang nasa sentro.
Ang paglalakbay ng lahat sa pabagu-bagong panahon sa buhay ay kakaiba. Gayunman, ang solusyon sa ating mga kalungkutan ay tumugon sa panawagan ni Cristo nang sabihin Niyang, “[Lumapit] sa akin nang may buong layunin ng puso, at pagagalingin ko [kayo]” (3 Nephi 18:32). Sa pamamagitan lamang Niya tayo makasusumpong ng tunay na paggaling, kapayapaan, pagmamahal, at kagalakan.
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.