Liahona
Masigasig na Maghanap at Inyong Matatagpuan
Enero 2024


“Masigasig na Maghanap at Inyong Matatagpuan,” Liahona, Ene. 2024.

Masigasig na Maghanap at Inyong Matatagpuan

Inihayag na ng Panginoon kung paano natin mahahanap ang katotohanan at patnubay sa ating buhay.

magnifying glass

Nang umuwi kami ng asawa kong si Regina sa Brazil matapos maglingkod sa Angola Luanda Mission mula 2016 hanggang 2019, kinailangan naming gumawa ng isang mahalagang desisyon. Naibenta na namin ang aming bahay bago kami nagmisyon. Isang taon matapos umuwi, kinailangan naming magpasiya kung bibili o uupa kami ng bahay. Paano namin mapipili ang tama para sa amin?

Ang ganitong uri ng desisyon ay kabilang sa maraming gawain, aktibidad, at alalahanin sa pang-araw-araw na buhay na dumarating sa ating lahat. Kung minsan, maaari tayong ilihis ng mga ito mula sa maluluwalhating pagpapala at pribilehiyo na tanging ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ang nag-aalok sa atin. Sa harap ng napakaraming pangako at responsibilidad, maaaring mahirap malaman kung ano ang totoo o aling direksyon ang dapat nating tahakin. Maaaring maging dahilan ito para bigla tayong malula sa malalaking pangangailangan.

Mabuti na lang at hindi tayo iniiwang mag-isa ng ating mapagmahal na Ama sa Langit na alamin kung ano ang totoo o ano ang dapat nating gawin.

Ang Pinagmumulan ng Lahat ng Katotohanan

Bago lisanin ang mundong ito, nangako ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo sa Kanyang mga disipulo na isusugo ng Ama ang Mang-aaliw, o ang Espiritu Santo, para biyayaan sila. Ang Mang-aaliw, sabi ni Jesus, “ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalala sa inyo ng lahat” (Juan 14:26).

Ang mahalagang papel ng Espiritu Santo ay ang maging tagapaghayag ng katotohanan (tingnan sa Juan 16:13). Ang ating Ama sa Langit ang pinagmumulan ng lahat ng inihayag na katotohanan, dumarating man ito sa pamamagitan ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag o sa bawat isa sa atin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Sa pagsisikap nating mapatnubayan ng Espiritu Santo, gagabayan tayo ng ating Ama sa Langit kahit sa pinakamahihirap na panahon.

Humingi, Maghanap, at Kumatok

Dahil nais ng ating Ama sa Langit na bigyang-inspirasyon, turuan, at palakasin tayo, tayo ay inaanyayahan na “humingi, at iyon ay ibibigay sa inyo; maghanap, at kayo’y makasusumpong, kumatok, at kayo’y pagbubuksan” (Mateo 7:7; tingnan din sa Lucas 11:9; 3 Nephi 14:7).

Nang marinig ni Nephi ang mga salita ng kanyang amang si Lehi, hinggil sa pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay, sinabi ni Nephi na siya ay “nagnais ding aking makita, at marinig, at malaman ang mga bagay na ito, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, na siyang kaloob ng Diyos sa lahat ng yaong masisigasig na humahanap sa kanya” (1 Nephi 10:17).

Ang paghahanap ng katotohanan ay nangangailangan ng kasigasigan. Kapag tayo ay masigasig, palagi, taos-puso, at masigla nating sinisikap na alamin ang katotohanan at ang kalooban ng Panginoon para sa ating buhay. Ang kasigasigan sa paghahanap ng katotohanan mula sa Panginoon ay naglalapit sa atin sa Kanya sa lahat ng yugto ng ating buhay.

Maagang natutuhan ni Propetang Joseph Smith sa kanyang buhay na ang isa sa mga pinakaepektibong paraan para mahanap ang katotohanan ay sa matapat na paghahanap ng mga sagot sa mga tanong (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:10, 18). Maaari nating itanong ang mga sumusunod habang naghahanap ng katotohanan. Ang mga sagot ay naglalahad ng isang huwarang masusundan natin para malaman ang katotohanan.

babaeng may hawak na mga banal na kasulatan at nagdarasal

Kanino Tayo Babaling para sa Katotohanan?

Sa katapusan ng Aklat ni Mormon, inanyayahan ng propetang si Moroni ang lahat na magtanong sa Diyos nang may matapat na puso, na may tunay na layunin at pananampalataya kay Cristo, “kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo.” Nagpatotoo si Moroni na ang Diyos ay “ipaaalam ang katotohanan [ng Aklat ni Mormon] sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. At sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:4–5).

Nagtatag ang Diyos, ang ating Amang Walang Hanggan, ng isang praktikal at madaling paraan na maaaring magtanong sa Kanya ang Kanyang mga anak (tingnan sa Santiago 1:5) at lumapit sa Kanya araw-araw, oras-oras—maging sa lahat ng pagkakataon. Ang simple ngunit makapangyarihang paraang ito ay ang panalangin.

Ang mga turo ni Alma sa kanyang anak na si Helaman ay lubos na angkop sa atin: “Magsumamo sa Diyos para sa lahat ng iyong pangangailangan.” Sa “lahat ng iyong gawain … at saan ka man magtungo … , lahat ng iyong nasasaisip ay ituon sa Panginoon; oo, ang pagmamahal sa iyong puso ay mapasa-Panginoon magpakailanman” (Alma 37:36). Itinuro din ni Alma, “Makipagsanggunian sa Panginoon sa lahat ng iyong mga gawain, at gagabayan ka niya sa kabutihan” (Alma 37:37). Hindi natin kailangan ng partikular na oras o lugar para manalangin. Bagama’t maaaring hindi tayo makapagdarasal palagi nang malakas, maaari tayong magdasal palagi sa ating puso (tingnan sa Alma 34:27).

Ang mga sagot na natatanggap natin sa ating mga dalangin ay maaaring hindi umayon palagi sa ating inaasahan. Kung minsan, maaari pa nga itong maging salungat sa ating kagustuhan. Ang ating mga dalangin ay maaari ding masagot nang mas matagal kaysa nais natin. Kung minsa’y maaari silang salubungin sandali ng katahimikan. Ngunit nasasaisip ng Ama sa Langit ang ating mga pangangailangan. Ang Kanyang mga sagot ay laging magiging para sa ating ikabubuti. Kailangan lang nating sumulong nang may pananampalataya kay Jesucristo. (Tingnan sa Lucas 11:9–13.)1

Ipinahayag na ng ating Tagapagligtas at Manunubos na hindi tayo kailanman makakarating sa Ama sa Langit maliban sa pamamagitan Niya. “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay,” sabi ni Jesus. “Sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan ko” (Juan 14:6). Inaalis nito ang iba pang alternatibo, o maging ang anumang balakid, sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos. Kaya nga lahat ng panalangin, mensahe, patotoo, klase, at napakaraming iba pang bagay na ginagawa natin—sa simbahan, sa tahanan kasama ang ating pamilya, o nang mag-isa—ay ginagawa sa pangalan ni Jesucristo.

Ano ang Dapat Nating Maging Saloobin?

Para mahanap ang katotohanan, kailangan nating maging tapat at magkaroon ng mga tunay na layunin. Kapag mapagpakumbaba tayong nananawagan sa Ama sa Langit, makakakilos tayo ayon sa mga sagot na natatanggap natin at lalawak ang kakayahan nating gawin ito.

Ang katapatan at tunay na layunin ay nagtutulak sa atin na gawin ang mga bagay na nais ipagawa sa atin ng Ama sa Langit, hindi ang gusto nating gawin. Malinaw nating ipinapakita sa Ama sa Langit ang ating tiwala sa Kanya kapag tayo ay “masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa [atin]” (Mosias 3:19). Sa pamamagitan ng mga katangiang ito, nauunawaan natin at nagtitiwala tayo na laging gagawin ng Ama sa Langit ang pinakamabuti para sa atin.

taong nakaupo at nakatingala sa bundok

Larawang kuha ni Lee Michael Ragsdale

Paano Darating ang mga Sagot?

Sa pagpapasiya kung bibili ba o uupa ng bahay, ipinagdasal, pinagnilayan, at pinag-usapan naming mag-asawa nang husto ang tungkol dito. Kalaunan, nadama namin sa aming puso’t isipan na hindi kami dapat bumili ng bahay. Sumunod kami nang may pananampalataya ayon sa sagot na natanggap namin, nang hindi nalalaman kung ano ang mangyayari sa aming buhay.

Makalipas ang mga 18 buwan, noong Abril 2022, tinawag ako bilang General Authority Seventy. Pagkatapos ng pangkalahatang kumperensya ng Abril 2022, mayroon lang kaming tatlong linggo upang lisanin ang Brazil para sa una naming assignment. Ang pagtira sa isang inupahang bahay noong panahong iyon ay mas nagpadali sa proseso ng paglipat. Ngayon, malinaw naming nakikita ni Regina na ginabayan kami ng Panginoon sa aming desisyon.

Tumanggap din si Nephi ayon sa kanyang nais. Sa masigasig na paghahanap ng katotohanan at paniniwala at pagtitiwala na ihahayag ng Ama sa Langit ang katotohanan sa kanya, biniyayaan si Nephi na mamasdan ang mga bagay na nakita ng kanyang ama. Namasdan niya ang punungkahoy ng buhay, na kumakatawan sa pag-ibig ng Diyos—ang pag-ibig na “pinakakanais-nais sa lahat ng bagay” at “labis na nakalulugod sa kaluluwa” (1 Nephi 11: 22, 23).

Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, inihahayag ng ating Ama sa Langit ang katotohanang makakamtan ng lahat ng Kanyang mga anak. Inihayag ng Panginoon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith na ang Espiritu Santo ay maaaring mangusap sa ating puso’t isipan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 8:2), “[tumimo] … sa [ating] damdamin” (Doktrina at mga Tipan 128:1), papangyarihin na “ang [ating] dibdib ay mag-alab” (Doktrina at mga Tipan 9:8), puspusin ang ating kaluluwa ng kagalakan, linawin ang ating pag-iisip, o mangusap ng kapayapaan sa ating nababagabag na puso (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 11:13; 6:14–15, 22–23).

Pinatototohanan ko na ang katotohanan ng Diyos ay pumapawi sa pagdududa at takot at nagpapalakas sa ating patotoo. Kasama ni Nephi, ipinapahayag ko, “Sapagkat siya na naghahanap nang masigasig ay makasusumpong” (1 Nephi 10:19). Ihahayag ng Diyos ang katotohanan kung masigasig natin itong hahanapin, sapagkat Siya “ang tagapagbigay-gantimpala sa mga masigasig na humahanap sa kanya” (Mga Hebreo 11:6). At gagawin Niya ito nang napakalinaw na walang pagdududang maiiwan na ginagabayan ng Kanyang kamay ang ating buhay.

Tala

  1. Tingnan sa Richard G. Scott, “Paggamit sa Kaloob ng Langit na Panalangin,” Liahona, Mayo 2007, 8–11.