“Ang Ating Pinakamainam na Handog,” Liahona, Ene. 2024.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Ang Ating Pinakamainam na Handog
Kapag naglalaan tayo ng isang templo, sinasabi natin sa Panginoon, “Narito ang aming handog. Ito lamang po ang kaya naming gawin.”
Mga dalawang linggo bago ang muling paglalaan ng Washington D.C. Temple noong Agosto 2022, napansin namin ng boss ko na mukhang maysakit ang isa sa mga European hornbeam tree na nasa daan papunta sa templo. Medyo kalbo ito sa bandang gitna at payat ang ilang sanga.
Bilang groundskeeper ng templo, nag-alala ako na handa na ang magandang bakuran ng templo maliban sa maliit na lugar na iyon. Ang puno ay nasa tabi ng fountain malapit sa pasukan ng templo.
Mayroon kaming isang malusog na pamalit na puno sa malapit, at pinag-usapan namin ang posibilidad na ipalit ang malusog na puno doon sa maysakit. Ngunit kailangan muna naming tanggalin ang kalapit na bangketa at damo at saka ilipat ang sprinkler at mga linya ng kuryente sa lugar. Ang pinakamatindi kong pangamba ay na bubunutin namin ang maysakit na puno, itatanim sa lugar nito ang kapalit na puno, at wala nang panahon para pagandahin ang buong paligid ng puno para sa muling paglalaan.
Nang sabihin ko sa asawa kong si Carolyn na kailangan naming ilipat ang puno, sumagot siya: “Putulin na lang ninyo ang mga payat na sanga, at hihilingan ko ang scripture sisters ko sa buong bansa na ipagdasal ito. Ang bakuran ng templo ay sa Panginoon. Babasbasan niya ang puno.”
Si Carolyn ay may isang grupo ng mga kaibigang tinatawag niya na scripture sisters niya—mga miyembro ng Simbahan na dati nilang ka-ward. Sama-sama nilang pinag-aralan ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin hanggang sa maglipatan silang lahat, pero patuloy silang nag-uugnayan. Kapag kailangan ng panalangin, nagtatawagan sila.
Matapos ikuwento sa kanila ni Carolyn ang maysakit na puno, sinabi nila iyon sa kanilang mga anak at iba pang mga miyembro ng pamilya. Walang ideya si Carolyn kung ilan ang nagdasal para sa puno, pero nanampalataya siya na diringgin ng Ama sa Langit ang kanilang mga dalangin.
Sa loob lamang ng ilang araw, sumibol ang mga bagong dahon sa puno, na pumuno sa nakakalbong bahagi nito. “Siyempre mas maganda na ito,” sabi ni Carolyn. Nagpadala siya ng mga retrato ng puno sa scripture sisters niya, at sinabi sa kanila, “Tingnan ninyo kung paano tayo sinagot ng Panginoon!”
Alam ko na ipinagdasal ng mga tao ang puno, kaya hindi rin ako nagulat. Alam ko rin na malapit nang basbasan ni Pangulong Russell M. Nelson ang templo at ang bakuran ng templo sa kanyang panalangin ng paglalaan. Magiging OK ang puno.
Nagpapasalamat kami na binigyang-karangalan ng Panginoon ang aming handog at pananampalataya.