Liahona
Ang Aking Mensahe mula sa Panginoon
Enero 2024


“Ang Aking Mensahe mula sa Panginoon,” Liahona, Ene. 2024.

Mga Larawan ng Pananampalataya

Ang Aking Mensahe mula sa Panginoon

Nalaman ko na ang pagtuturo mula sa Aklat ni Mormon ay isang magandang paraan para mahanap ang aking patotoo tungkol dito.

lalaking nakangiti at may hawak na aklat

Mga larawang-kuha ni Leslie Nilsson

Noong 1993, tatlong araw matapos akong lumipat sa Polokwane, sa hilagang South Africa, may kumatok sa pintuan ko. Nang buksan ko iyon, naroo’t nakatayo ang dalawang misyonero ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Lumaki ako na napakarelihiyoso, at binabalaan ako palagi ng pamilya ko na lumayo sa mga misyonero. Pero parang mababait sila at nasisiyahan akong makipag-usap tungkol sa relihiyon, kaya pinapasok ko sila.

Pagkaraan ng napakagandang pagbisita, sinabi nila sa akin, “Puwede ka ba naming bigyan ng Aklat ni Mormon?”

“Sandali lang,” sagot ko. “Palagay ko mayroon ako.”

Nang ipakita ko ang kopya ko sa kanila, nagulat sila. Ipinaliwanag ko na sa bayan kong sinilangan, sa Cape Town, ilang taon na ang nakararaan, nabigyan na ako ng mga misyonero ng Aklat ni Mormon sa isang exhibition. Itinago ko ito, at paminsan-minsa’y binabasa ko ito.

Pagkatapos ng aming pag-uusap, inanyayahan kong bumalik ang mga misyonero. Gayunman, lumaki ako sa ibang simbahan kung saan naging pastor ang aking amain. Ang ideya na mabinyagang muli ay naging isa sa mga hadlang sa conversion ko. Gayunpaman, nagsimula akong dumalo sa maliit na branch ng Simbahan. Pagkaraan ng halos isang taon at kalahati, tinawag ako ng branch president sa kanyang opisina.

“Nais Ka Naming Magkaroon ng Patotoo”

“David, gusto kong bigyan ka ng isang hamon,” sabi ng branch president. “Gusto ka namin talagang magkaroon ng patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon. Pakiramdam ko magagawa mo iyan kung tatawagin kitang magturo ng Doktrina ng Ebanghelyo. Nagtuturo ka na sa isang unibersidad, at hindi ka takot tumayo sa harap ng mga tao.”

Ngayon, kailangan ay mga miyembro ng Simbahan ang mga guro.1 Pero noon, nabigyang-inspirasyon ang branch president na hilingan akong magturo. Pinasasalamatan ko iyan.

“OK po,” sabi ko.

Tuwing Sabado ng gabi pinag-aaralan ko nang napakadetalyado ang lesson para maunawaan ko iyon, malaman iyon, at makaugnay sa mga kuwento at tauhan sa Aklat ni Mormon. Para sa akin, ang pagtuturo mula sa Aklat ni Mormon ay isang magandang paraan para mahanap ang aking patotoo tungkol dito.

Isang araw ng Linggo, pagkatapos kong magturo nang mga isang taon, dumating ang mission president mula sa Pretoria para sa isang kumperensya at dumalo sa klase ko sa Sunday School.

“Salamat, Brother Baxter,” sabi niya pagkatapos. “Magandang lesson iyan. Tagasaan ka?”

Nang sabihin ko sa kanya na Cape Town, itinanong niya kung anong ward ang dinaluhan ko.

“Wala po akong dinaluhang ward.”

“Ano ang ibig mong sabihin?” tanong niya.

“Ako po iyong puwede ninyong tawagin na isang Hentil?” sabi ko. “Hindi po ako miyembro ng Simbahan”

Namutla siya at nagmamadaling pumunta sa branch president.

“Mayroon kang hindi miyembro na nagtuturo ng mga banal na kasulatan?” tanong ng mission president dito.

“Mali po ba ang turo niya?”

“Hindi naman.”

“Nagbibigay-inspirasyon po ba siya?”

“Oo naman.”

“Tunay na doktrina po ba ang itinuro niya?

“Oo naman.”

Hinayaan nila akong magpatuloy sa pagtuturo. Makalipas ang ilang buwan, binisita ko ang pamilya ko sa Cape Town dahil magpa-Pasko noon. Habang naroon ako, sinabi sa akin ng aking ina na tatalikuran niya ang kanyang simbahan matapos pumanaw ang aking amain. Sa sandaling iyon mismo, tinulungan ako ng Panginoon na makalaya sa anumang pagkabagabag ng konsiyensya dahil sa katapatan ko sa aking ina at sa simbahang kinalakhan ko.

Pag-uwi ko, tinawagan ko ang branch president.

“Gusto ko na pong magpabinyag bukas,” sabi ko sa kanya.

“David, sigurado ka ba?”

“Wala pong duda,” sabi ko. “Nakatanggap ako ng mensahe mula sa Panginoon.”

mga kamay na may hawak na aklat

“May Ibibigay Ako sa Iyo”

Nang sabihin ko sa totoong tatay ko na naging miyembro na ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, hindi ko maunawaan kung bakit napaka-kalmado niya.

“Hayaan mong ikuwento ko sa iyo nang kaunti ang kasaysayan ko,” sabi niya.

Sinabi sa akin ng tatay ko, na hindi ako kinausap kailanman tungkol sa relihiyon, na noong binata pa siya, dumalo siya sa Cumorah Ward ng Simbahan sa Cape Town. Nakapaglaro siya sa ward basketball team. Nagkaroon siya ng ilang malalapit na kaibigan na mga Banal sa mga Huling Araw. Ang isa sa pinakamatatalik niyang kaibigan ay isang misyonero na napatay sa Vietnam pagkatapos ng kanyang misyon.

Kung hindi namatay ang kaibigang iyon ng tatay ko, palagay ko sasapi siya sa Simbahan. Naiba sana ang kasaysayan ng kanyang buhay. Makalipas ang ilang taon, malaki pa rin ang paggalang niya sa mga Banal sa mga Huling Araw. Hindi siya mismo naging aktibo sa anumang relihiyon, pero talagang sinuportahan niya ang desisyon ko na sumapi sa Simbahan.

Ilang buwan matapos pumanaw ang aking amain, ikinuwento ko sa nanay ko ang tungkol sa aking binyag. Hindi iyon naging gayon kaganda. Gayunpaman, nang magpunta ako sa Netherlands para bisitahin ang mga kapamilyang Dutch sa panig ng aking ina, ikinuwento ko ang conversion ko sa kanila. Noon ko nalaman na may isa kaming kapamilyang may koneksyon sa Simbahan.

Nang bumisita ako, nilapitan ako ng tito ko. “May ibibigay ako sa iyo,” sabi niya. Pagkatapos ay iniabot niya sa akin ang unang edisyon ng Aklat ni Mormon sa Dutch, na inilathala noong 1890.

“Pag-aari ito ng pamilya namin noon pa,” sabi niya. Gusto kong ibigay ito sa iyo.”

Ang dalawang kapamilyang ito na may koneksyon sa Simbahan ay lubhang nakapanatag sa akin. Ngayon, pinahahalagahan ko ang Aklat ni Mormon sa Dutch. Ipinapaalala nito sa akin ang mga unang missionary na bumisita sa akin. Ipinapaalala nito sa akin kung gaano kahalaga ang pagtuturo ng Aklat ni Mormon sa aking conversion. Ipinapaalala nito sa akin ang paggalang ng aking pumanaw na ama sa Simbahan at na tinanggap na ng ilan sa aking mga ninuno ang ipinanumbalik na ebanghelyo.

Ipinapaalala rin nito sa akin na ang Aklat ni Mormon ay tunay na may kapangyarihang kumbinsihin kapwa ang “mga Judio at Gentil na si Jesus ang Cristo, ang Diyos na Walang Hanggan, nagpapatunay ng kanyang sarili sa lahat ng bansa.”2