Liahona
Pagiging Isang Saksi
Enero 2024


“Pagiging Isang Saksi,” Liahona, Ene. 2024.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Mga Pambungad na Pahina ng Aklat ni Mormon

Pagiging Isang Saksi

si Moroni na ipinapakita kay Mary Whitmer ang mga laminang ginto

Mary Whitmer and Moroni [Si Mary Whitmer at si Moroni], ni Robert Pack

Noong tagsibol ng 1829, malugod na tinanggap nina Mary at Peter Whitmer sina Joseph at Emma Smith at Oliver Cowdery sa kanilang tahanan upang makumpleto ang pagsasalin ng mga laminang ginto. Napakaraming kinailangang gawin ni Mary. Inalagaan niya ang siyam na katao sa sarili niyang tahanan at tinulungan ang may-asawang mga anak niya na nakatira malapit sa kanila.

Ang limang anak na lalaki ni Mary at ang dalawa niyang (magiging) manugang na lalaki ay naging mga opisyal na saksi sa mga laminang ginto noong Hunyo 1829. Noong buwan ding iyon, nagkaroon ng sariling patotoo si Mary.

Sa labas ng kanyang tahanan, nilapitan si Mary ng isang lalaking maputi ang buhok na may bag sa balikat at sinabing, “Ang pangalan ko ay Moroni. Ikaw ay tunay na napagod sa lahat ng karagdagang gawain na kailangan mong gampanan.” Habang ibinababa ang bag na nasa kanyang balikat, nagpatuloy si Moroni, “Ikaw ay lubos na matapat at masipag sa iyong mga gawain. Nararapat, kung gayon, na tumanggap ka ng pagpapatotoo upang mapalakas ang iyong pananampalataya.” Pagkatapos ay ipinakita nito ang laman ng kanyang bag—ang mga laminang ginto.1

Si Mary ay naging isang saksi sa mga laminang ginto, tulad ng Tatlong Saksi at Walong Saksi, na ang mga patotoo ay nasa pambungad na mga pahina ng Aklat ni Mormon. Ang pagpapakumbaba at pagsusumigasig ni Mary ay naghanda sa kanya na maging isang saksi. Hindi nakasulat ang kanyang patotoo sa mga pambungad na pahina ng Aklat ni Mormon, at wala ang kanyang pangalan sa mga plake, bantayog, o isipan ng maraming Banal na sumunod sa kanya. Bagama’t malamang na hindi napansin ng marami ang kanyang mga pang-araw-araw na kontribusyon sa kanyang tahanan at pamilya, alam ng Diyos ang mga iyon.

Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ibang-iba ang paghatol ng Panginoon sa paghatol natin. Nalulugod Siya sa marangal na tagapaglingkod, hindi sa marangal na taong makasarili.

“Ang mga mapagkumbaba sa mundong ito ay magsusuot ng putong ng kaluwalhatian sa kabilang-buhay.”2

Ang talaan ni Moroni ay nakasalin na ngayon sa Aklat ni Mormon, at maaari tayong tumanggap ng patotoo tungkol sa katotohanan nito ayon sa pangakong iniwan ni Moroni sa mga huling pahina nito: “At kapag inyong matanggap ang mga bagay na ito, ipinapayo ko sa inyo na itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo; at kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (Moroni 10:4).

Nararamdaman mo ba na parang mabigat ang iyong mga pasanin ngunit hindi kinikilala ang iyong mga pagsisikap? Kilala ka ng Ama sa Langit, at alam Niya ang kabutihang ginagawa mo. Sa paggawa mo ng mabuti (tingnan sa Mga Gawa 10:38), paglilingkod nang walang pagyayabang sa ginagawa, at pagsasaliksik sa mga banal na kasulatan, maaaring pagtibayin ng Espiritu Santo ang katotohanan ng ebanghelyo sa iyo.

Mga anak nina Mary at Peter Whitmer Sr.

Christian Whitmer

Jacob Whitmer

John Whitmer

David Whitmer

Catherine Whitmer (Page)

Peter Whitmer

Elizabeth Ann Whitmer (Cowdery)

Isa sa Walong Saksi

Isa sa Walong Saksi

Isa sa Walong Saksi

Isa sa Tatlong Saksi

Nagpakasal kay Hiram Page, isa sa Walong Saksi

Isa sa Walong Saksi

Nagpakasal kay Oliver Cowdery, isa sa Tatlong Saksi

Mga Tala

  1. Tingnan sa Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), 80.

  2. Dieter F. Uchtdorf, “Magbuhat Kung Saan Kayo Nakatayo,” Liahona, Nob. 2008, 55.