Liahona
Ang Aking Pinakamalalaking Kayamanan
Enero 2024


“Ang Aking Pinakamalalaking Kayamanan,” Liahona, Ene. 2024.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Ang Aking Pinakamalalaking Kayamanan

Ang pagkukunwaring isang Banal sa mga Huling Araw ay humantong sa aking pagpapabinyag at pagbabagong-buhay sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Larawan
mga kamay na naghahanda ng pagkain, na may Aklat ni Mormon na nakalapag sa malapit

Larawang-guhit ni Ben Simonsen

Ang trabaho ko bilang isang chef ang buhay ko. Naglakbay ako sa mundo na nagluluto sa mga luxury hotel at sa mga cruise ship. Sumali ako sa isang grupo ng mahuhusay na cook na nanalo sa maraming international culinary competition.

Minsan, tatlong taon akong napalayo sa pamilya ko. Madalas akong tawagan ng nanay ko na umiiyak at pinauuwi ako.

Isang araw sa Milan, Italy, kung saan kinontrata akong magluto sa isang hotel, nakilala ko ang mga full-time missionary sa isang subway station na napakaraming tao. Nagkuwento sila sa akin tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at nagbahagi ng ilang alituntunin ng ebanghelyo. Natuwa ako lalo na sa itinuro nila sa akin tungkol sa pamilya.

Binigyan ako ng mga misyonero ng kopya ng Aklat ni Mormon at hiniling sa akin na ipagdasal ito. Binigyan din nila ako ng isang polyeto na may mga tagubilin kung paano magdasal.

Bumalik ako sa aking hotel na masaya, nagpunta sa kuwarto ko, nagdasal, at nagsimulang magbasa. Habang lalong lumalawig ang pagbabasa ko ng Aklat ni Mormon, lalo kong ninais na magbasa. Sa kasamaang-palad, hindi na kami muling nagkita ng mga misyonero dahil sa trabaho ko. Nang matapos ang kontrata ko sa hotel, umuwi ako sa Bari, kung saan nagsimula akong magluto para sa isa pang hotel.

Isang araw sa hotel restaurant, tinangka ng isa pang cook, sa di-angkop na mga kadahilanan, na makipagdeyt sa ilan sa mga waitress doon. Nagalit siya dahil tumanggi ang mga waitress, na mga Banal sa mga Huling Araw, na makipagdeyt sa kanya.

Nang maalala ko ang mga misyonero na nakilala ko sa Milan, sinabi ko sa cook na may karapatan ang mga waitress na tanggihan siya.

“Ah, Mormon ka rin ba?” tanong niya.

Dahil gusto ko ang mga alituntuning naituro sa akin ng mga misyonero at dahil naramdaman ko na may katwiran akong ipagtanggol ang mga waitress, sumagot ako ng, “Oo.”

Nang sumunod na makita ng cook ang mga waitress, sinabi niya sa kanila na isa akong Banal sa mga Huling Araw. Tuwang-tuwa sila. Nang magtipon kami para mananghalian, sinimulan nilang tanungin ako tungkol sa Simbahan sa Milan. Nagkuwento ako sa kanila tungkol sa lungsod at na doon ko nakilala ang mga misyonero. Nang dumating ang tanghalian namin, inabot ko ang isang baso ng alak sa mesa.

“Bakit ka iinom ng alak?” tanong ng isa sa mga waitress.

“May mali ba roon?” sabi ko.

“Aktibo ka pa ba?” tanong ng isa pa.

“Sa anong paraan?” sabi ko.

“Ano ang suot mo noong araw na bininyagan ka?” tanong nila.

“Hindi ko maalala,” sabi ko sa kanila. “Isang buwan pa lang ako noon.”

Galit na galit sila dahil inakala nila na tinutuya ko sila. Tiniyak ko sa kanila na hindi ko sila tinutuya. Inamin ko na hindi ako miyembro ng Simbahan, pero sinabi ko sa kanila na gusto ko ang Aklat ni Mormon at ang mga alituntunin ng ebanghelyo na natutuhan ko. Pagkatapos ay itinanong ko kung paano ko malalaman ang iba pa tungkol sa kanilang simbahan.

Hindi nagtagal ay ipinakilala ako ng mga waitress sa mga misyonero. Halos hindi sila makapaniwala nang matapos ko ang mga talakayan at mabinyagan ako.

Larawan
ina at ama na may kasamang dalawang batang lalaki

Retrato ng pamilya sa kagandahang-loob ng awtor

Nang mabinyagan ako, nagbago ang buhay ko. Nalaman ko na hindi ka maaaring maging makamundo at mamuhay rin ayon sa ebanghelyo. Nalaman ko na hindi ang trabaho ang pinakamahalaga sa buhay. Nalaman ko na nauuna ang Panginoon at ang pamilya ko. Sa huli, naunawaan ko ang kalungkutan ng aking ina sa pagkawala ko, at humingi ako ng tawad sa kanya.

Tumigil ako sa paglalakbay sa mundo, nakasal sa Bern Switzerland Temple, nagsimula ng pamilya, at nagtrabaho bilang cook sa isang lokal na ospital, kung saan ginamit ko ang aking mga talento para tulungang gumaling ang mga maysakit. Ngayo’y ako na ang namamahala sa mga tauhan sa ospital. Ang pagtatrabaho sa sarili naming lugar ay nagbibigay sa akin ng pagkakataong mag-ukol ng oras sa aking pamilya at sa mga calling sa Simbahan.

Mula nang magpunta ako sa templo at matanggap ko ang aking endowment dalawang taon matapos akong mabinyagan, minahal ko na ang kasagraduhan ng templo at ang gawain doon. Nang pumanaw ang tatay ko makalipas ang apat na taon, nalungkot ako. Siya ang idolo ko. Salamat sa ebanghelyo ni Jesucristo, alam ko na buhay pa rin siya.

Nang pumasok ako sa silid-selestiyal matapos gawin ang mga ordenansa para sa pumanaw kong ama, nadama ko ang kanyang yakap. Sa sandaling iyon, alam ko na natanggap na ng aking ama ang ebanghelyo at ang pagmamahal ng Panginoon sa Kanyang mga anak.

Tayong mga Banal sa mga Huling Araw ay pinagpalang malaman ang tunay na ebanghelyo. Nagpapasalamat ako kung paano nito binago ang buhay ko. Sa ebanghelyo ko natagpuan ang tunay na kaligayahan. Ang ebanghelyo at ang pamilya ko ang pinakamalalaking kayamanan ko.

Print