2011
Panaginip ni Lehi: Paghawak nang Mahigpit sa Gabay
Oktubre 2011


Panaginip ni Lehi

Paghawak nang Mahigpit sa Gabay

Ang pinakapangunahing tema ng Aklat ni Mormon—na anyayahan ang lahat na lumapit kay Cristo—ang pinakamahalaga sa pangitain ni Lehi.

Elder David A. Bednar

Gustung-gusto ko ang Aklat ni Mormon. Ilan sa mga naaalala ko tungkol sa ebanghelyo na nangyari noong bata ako ay ang pagbabasa sa akin ng nanay ko mula sa Book of Mormon Stories for Young Latter-day Saints, ni Emma Marr Petersen. Sa mga karanasang iyon at sa patuloy na personal kong pag-aaral at pagdarasal, paulit-ulit na pinatotohanan ng Espiritu Santo sa aking kaluluwa na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos.

Pinatototohanan ko na ang Aklat ni Mormon ay isa pang tipan ni Jesucristo. Alam ko na isinalin ni Propetang Joseph Smith ang Aklat ni Mormon nang may at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. At pinatototohanan ko na ang Aklat ni Mormon “ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon, at ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat.”1

Mahahalagang Simbolo sa Panaginip ni Lehi

Ang kahalagahan ng pagbabasa, pag-aaral, pagsasaliksik, at pagbubulay-bulay ng mga banal na kasulatan sa pangkalahatan at lalo na ng Aklat ni Mormon ay binigyang-diin sa ilang aspeto ng pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay (tingnan sa 1 Nephi 8).

Ang pinakatampok sa panaginip ni Lehi ay ang punungkahoy ng buhay—na paglalarawan ng “pag-ibig ng Diyos” (tingnan sa 1 Nephi 11:21–22). “Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16). Samakatwid, ang pagsilang, buhay, at nagbabayad-salang sakripisyo ng Panginoong Jesucristo ang pinakadakilang pagpapamalas ng pag-ibig ng Diyos sa Kanyang mga anak. Tulad ng patotoo ni Nephi, ang pag-ibig na ito ang “pinakakanais-nais sa lahat ng bagay” at, tulad ng ipinahayag ng anghel sa kanyang pangitain, “labis na nakalulugod sa kaluluwa” (1 Nephi 11:22–23; tingnan din sa 1 Nephi 8:12, 15). Ang kabanata 11 ng 1 Nephi ay naglalahad ng detalyadong paglalarawan ng punungkahoy ng buhay bilang simbolo ng buhay, ministeryo, at sakripisyo ng Tagapagligtas—“ang pagpapakababa ng Diyos” (1 Nephi 11:16).

Ang bunga ng puno ay simbolo ng mga pagpapala ng Pagbabayad-sala. Ang pagkain ng bunga ay sumasagisag sa pagtanggap ng mga ordenansa at tipan upang maging lubos na mabisa sa ating buhay ang Pagbabayad-sala. Ang bunga ay inilarawang “kanais-nais upang makapagpaligaya sa tao” (1 Nephi 8:10) at nagdudulot ng malaking galak at ng hangarin na ibahagi ang kagalakang iyon sa iba.

Dahil dito, ang pinakapangunahing tema ng Aklat ni Mormon—ang anyayahan ang lahat na lumapit kay Cristo—ang pinakamahalaga sa pangitain ni Lehi. Kapansin-pansin ang gabay na bakal na patungo sa punungkahoy (tingnan sa 1 Nephi 8:19). Ang gabay na bakal ang salita ng Diyos.

Pagkapit nang Mahigpit Bersus Patuloy na Paghawak nang Mahigpit sa Gabay

Nakakita si Amang Lehi ng apat na grupo ng mga tao sa kanyang pangitain. Tatlo sa mga grupo ang nagpatuloy sa paglakad sa makipot at makitid na landas sa hangaring marating ang punungkahoy at makakain ng bunga nito. Ang ikaapat na grupo ay hindi naghangad na makarating sa puno, kundi tuluyang nagpunta sa malaki at maluwang na gusali (tingnan sa 1 Nephi 8:31–33).

Sa 1 Nephi 8:21–23 nalaman natin ang tungkol sa unang grupo ng mga tao na nagpatuloy sa paglakad at tumahak sa landas tungo sa punungkahoy ng buhay. Gayunman, nang makaharap ng mga tao ang abu-abo ng kadiliman, na sumasagisag sa “mga tukso ng diyablo” (1 Nephi 12:17), naligaw sila ng landas, at nagpagala-gala, at nangawala o nangaligaw.

Pansinin na hindi binanggit sa mga talatang ito ang gabay na bakal. Ang mga hindi pumapansin o nagbabalewala sa salita ng Diyos ay hindi magkakaroon ng espirituwal na kompas na iyon na nagtuturo ng daan tungo sa Tagapagligtas. Isipin na tinahak ng grupong ito ang landas at nagpatuloy sa paglakad, na nagpapakita ng pananampalataya kay Cristo at espirituwal na pananalig, ngunit natangay sila ng mga tukso ng diyablo at nangawala o nangaligaw.

Sa 1 Nephi 8:24–28 nabasa natin ang tungkol sa pangalawang grupo ng mga tao na tumahak sa makipot at makitid na landas patungo sa punungkahoy ng buhay. Ang grupong ito ay “nagpatuloy sa paglakad sa abu-abo ng kadiliman, mahigpit na nakakapit sa gabay na bakal, maging hanggang sa makalapit sila at makakain ng bunga ng punungkahoy” (talata 24). Gayunman, nang hamakin ng mga taong magagara ang damit at nasa malaki at maluwang na gusali ang pangalawang grupong ito ng mga tao, “sila ay nahiya” at “nangagsilayo sila patungo sa mga ipinagbabawal na landas at nangawala” (talata 28). Mapupuna ninyo na ang grupong ito ay inilarawang “mahigpit na nakakapit sa gabay na bakal” (1 Nephi 8:24; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Makahulugan na ang pangalawang grupo ay patuloy na naglakad nang may pananampalataya at katapatan. Mayroon din sila ng dagdag na pagpapala ng gabay na bakal, at sila ay mahigpit na nakakapit dito! Gayunman, nang dumanas sila ng pang-uusig at panggigipit, nangapunta sila sa mga ipinagbabawal na landas at nangawala. Kahit may pananampalataya, katapatan, at salita ng Diyos, nawala pa rin ang grupong ito sa bandang huli—siguro dahil paminsan-minsan lang sila nagbasa o nag-aral o nagsaliksik ng mga banal na kasulatan. Ang pagkapit nang mahigpit sa gabay na bakal ay nagpapahiwatig sa akin ng paminsan-minsang “kasiglahan” sa pag-aaral o panaka-naka sa halip na ganap at patuloy na pagtutuon sa salita ng Diyos.

Sa talata 30 mababasa natin ang tungkol sa pangatlong grupo ng mga tao na nagpatuloy sa paglakad na “patuloy na humahawak nang mahigpit sa gabay na bakal, hanggang sa makarating sila at napatiluhod at makakain ng bunga ng punungkahoy.” Ang pinakamahalagang kataga sa talatang ito ay patuloy na humahawak nang mahigpit sa gabay na bakal.

Ang pangatlong grupo ay nagpatuloy rin sa paglakad nang may pananampalataya at pananalig; gayunman, walang pahiwatig na sila ay nagpagala-gala, nangapunta sa mga ipinagbabawal na landas, o nawala. Marahil ang pangatlong grupong ito ng mga tao ay palagiang nagbasa at pinag-aralan at sinaliksik ang mga banal na kasulatan. Siguro ang kasigasigan at katapatan sa tila “[maliit] at karaniwang [bagay]” (Alma 37:6) ang nagligtas sa pangatlong grupo sa kapahamakan. Marahil ang “kaalaman ng Panginoon” at “kaalaman ng katotohanan” (Alma 23:5, 6) na natamo sa pamamagitan ng matapat na pag-aaral ng mga banal na kasulatan ang nagdulot ng espirituwal na kaloob ng pagpapakumbaba—kaya ang grupong ito ng mga tao ay “napatiluhod at [kumain] ng bunga ng punungkahoy” (1 Nephi 8:30; idinagdag ang pagbibigay-diin). Marahil espirituwal na pagkain at lakas ang dahilan ng patuloy na “[p]agpapakabusog sa salita ni Cristo” (2 Nephi 31:20) kaya hindi pinakinggan ng grupong ito ang panlilibak at paghamak ng mga tao sa malaki at maluwang na gusali (tingnan sa 1 Nephi 8:33). Ito ang grupong dapat nating pagsikapang salihan.

Itinanong ng mga kapatid ni Nephi, “Ano ang kahulugan ng gabay na bakal na nakita ng ating ama, na patungo sa punungkahoy?

“At sinabi [ni Nephi] sa kanila na ito ang salita ng Diyos; at sinuman ang makikinig sa salita ng Diyos, at mahigpit na kakapit dito, kailanman sila ay hindi masasawi; ni ang mga tukso o nag-aapoy na sibat ng kaaway ay makapananaig sa kanila tungo sa pagkabulag, upang akayin sila sa pagkalipol” (1 Nephi 15:23–24; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Kung gayon, ano ang kaibhan sa pagitan ng mahigpit na pagkapit at ng paghawak nang mahigpit sa gabay na bakal? Gusto kong imungkahi na ang paghawak nang mahigpit sa gabay na bakal ay nangangailangan, nang husto, ng mapanalangin, palagian, at masigasig na paggamit ng mga banal na kasulatan bilang tiyak na pinagmumulan ng inihayag na katotohanan at maaasahang gabay sa paglalakbay sa makipot at makitid na landas tungo sa punungkahoy ng buhay—maging sa Panginoong Jesucristo.

“At ito ay nangyari na, na namasdan ko na ang gabay na bakal, na nakita ng aking ama, ay salita ng Diyos, na nagbibigay-daan patungo sa bukal ng mga buhay na tubig, o sa punungkahoy ng buhay” (1 Nephi 11:25).

Ang Aklat ni Mormon ay para sa Atin Ngayon

Ang Aklat ni Mormon ay naghahayag ng mga katotohanang makabuluhan at mahalaga sa ating panahon at mga sitwasyon. Ang espirituwal at praktikal na kabuluhan ng Aklat ni Mormon sa ating buhay ay binigyang-diin ni Moroni: “Masdan, ako ay nangungusap sa inyo na parang kayo ay naririto, gayon pa man kayo ay wala rito. Ngunit masdan, ipinakita kayo sa akin ni Jesucristo, at nalalaman ko ang inyong mga ginagawa” (Mormon 8:35). Dahil nakita niya ang ating panahon at mga sitwasyon sa pamamagitan ng kaalaman ng Diyos sa simula pa lamang, ang mga pangunahing may-akda ng Aklat ni Mormon ay talagang nagsama ng mga paksa at halimbawang napakahalaga sa mga naninirahan sa mundo sa mga huling araw.

Pag-isipan sana ninyong mabuti at nang may panalangin ang sumusunod na tanong: Anong mga aral ang maaari at dapat kong matutuhan sa pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay at sa alituntunin na patuloy na humawak nang mahigpit sa gabay na bakal para manatiling malakas ang aking espirituwalidad sa mundong kinaroroonan natin ngayon?

Sa inyong kasigasigan at paghahangad ng inspirasyong masagot ang mahalagang tanong na ito, mas lubos ninyong mauunawaan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, sa inyong puso’t isipan, ang kahalagahan ng patuloy na paghawak nang mahigpit sa gabay na bakal. At kayo ay pagpapalaing maipamuhay ang mga aral na iyon nang may pananalig at kasigasigan sa sarili ninyong buhay at sa inyong tahanan.

Nawa’y magkaroon tayong lahat ng mga matang makakakita at mga taingang makikinig sa karagdagang mga aral mula sa pangitain ni Lehi na tutulong sa atin na “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao. Samakatwid, kung kayo ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31:20).

Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 74.

ANG PANAGINIP NI LEHI,ni Greg Olsen, HINDI MAAARING KOPYAHIN

PAGLALARAWAN NI David Stoker

PAGLALARAWAN NI Matthew Reier