Ang Aklat ni Mormon—Saligang Bato ng Ating Relihiyon
Si Ezra Taft Benson ay naging ika-13 Pangulo ng Simbahan noong Nobyembre 10, 1985. Siya ay maaalala sa kanyang matibay na patotoo tungkol sa kapangyarihan ng Aklat ni Mormon at sa pagbibigay-diin niya sa kahalagahan nito sa araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, gawaing misyonero, at pagtuturo ng ebanghelyo. Sa taong ito ay ipagdiriwang ang ika-25 anibersaryo ng mensaheng ito sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1986.
Minamahal kong mga kapatid, magsasalita ako ngayon tungkol sa isa sa pinakamahahalagang regalo na ibinigay sa mundo sa makabagong panahon. Ang regalong naiisip ko ay higit na mahalaga kaysa anumang imbensyon o likha na mula sa malaking pagbabago sa industriya at teknolohiya. Ito ay isang regalong mas mahalaga sa sangkatauhan kaysa sa maraming kahanga-hangang pagbabago na nakita natin sa makabagong medisina. Ito ay mas makabuluhan sa sangkatauhan kaysa imbensyon tungkol sa paglipad o paglalakbay sa kalawakan. Ang tinutukoy ko ay ang regalong Aklat ni Mormon, na ibinigay sa sangkatauhan 156 na taon na ang nakararaan.
Ang kaloob na ito ay inihanda ng kamay ng Panginoon sa loob nang mahigit isang libong taon, at itinago Niya upang ito ay mapangalagaan sa kadalisayan nito para sa ating henerasyon. Marahil wala nang higit na malinaw na patotoo tungkol sa kahalagahan ng makabagong aklat na ito ng mga banal na kasulatan kaysa sa sinabi ng Panginoon mismo tungkol dito.
Sa Kanyang sariling bibig pinatutunayan Niya (1) na ito ay totoo (D at T 17:6), (2) na naglalaman ito ng katotohanan at ng Kanyang mga salita (D at T 19:26), (3) na ito ay isinalin sa pamamagitan ng kapangyarihan mula sa kaitaasan (D at T 20:8), (4) na naglalaman ito ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo (D at T 20:9; 42:12), (5) na ibinigay ito sa pamamagitan ng inspirasyon at pinagtibay sa pamamagitan ng paglilingkod ng mga anghel (D at T 20:10), (6) na pinatutunayan nito na ang mga banal na kasulatan ay totoo (D at T 20:11), at (7) ang mga tatanggap nito nang may pananampalataya ay makatatanggap ng buhay na walang-hanggan (D at T 20:14).
Ang pangalawang malakas na patotoo tungkol sa kahalagahan ng Aklat ni Mormon ay ang tingnan kung kailan inilagay ng Panginoon ang paglabas nito sa panahon ng Panunumbalik. Ang tanging nauna rito ay ang Unang Pangitain. Sa kagila-gilalas na pagpapakitang iyon, nalaman ni Propetang Joseph Smith ang tunay na katangian ng Diyos at na may ipagagawa sa kanya ang Diyos. Ang paglabas ng Aklat ni Mormon ang sumunod na nangyari.
Isipin ninyo ang nais ipakahulugan niyan. Ang paglabas ng Aklat ni Mormon ay sinundan ng panunumbalik ng priesthood. Ito ay inilathala ilang araw lamang bago maorganisa ang Simbahan. Ang mga Banal ay binigyan ng Aklat ni Mormon na babasahin nila bago sila binigyan ng mga paghahayag na kinapapalooban ng mahahalagang doktrina tulad ng tatlong antas ng kaluwalhatian, selestiyal na kasal, o gawain para sa mga patay. Dumating ito bago maorganisa ang mga korum sa priesthood at ang Simbahan. Hindi ba ito nagpapahiwatig sa atin ng isang bagay tungkol sa pananaw ng Panginoon sa sagradong gawaing ito?
Kapag natanto natin ang nadarama ng Panginoon tungkol sa aklat na ito, hindi tayo dapat magulat na binibigyan Niya rin tayo ng babala sa paraan ng pagtanggap natin dito. Matapos sabihin na ang mga tatanggap ng Aklat ni Mormon nang may pananampalataya, at gumagawa ng kabutihan, ay makatatanggap ng putong ng buhay na walang hanggan (tingnan sa D at T 20:14), sinundan ito ng ganitong babala ng Panginoon: “Subalit yaong mga magpapatigas ng kanilang mga puso sa kawalan ng pananampalataya, at tatanggihan ito, ito ay babaling sa kanilang sariling kaparusahan” (D at T 20:15).
Noong 1829, nagbabala ang Panginoon sa mga Banal na huwag lapastanganin ang mga bagay na banal (tingnan sa D at T 6:12). Tunay na ang Aklat ni Mormon ay isang bagay na banal, subalit marami pa rin ang lumalapastangan dito, o sa madaling salita, binabale-wala ito, itinuturing ito na walang-halaga.
Noong 1832, nang bumalik na ang ilang naunang misyonero mula sa kanilang misyon, pinagsabihan sila ng Panginoon dahil hindi nila pinahalagahan ang Aklat ni Mormon. Dahil sa ginawa nilang iyon, sinabi niya na nadirimlan ang kanilang isipan. Hindi lamang ang pagbalewala sa sagradong aklat na ito ang naging sanhi ng pagkawala ng liwanag sa kanilang sarili, dinala rin nito ang buong Simbahan sa ilalim ng kaparusahan, maging sa lahat ng anak ng Sion. At pagkatapos sinabi ng Panginoon, “At sila ay mananatili sa ilalim ng kaparusahang ito hanggang sa sila ay magsisi at kanilang alalahanin ang bagong tipan, maging ang Aklat ni Mormon” (D at T 84:54–57).
Dahil ba sa katotohanang mahigit nang isa’t kalahating siglong nasa atin ang Aklat ni Mormon kung kaya’t tila wala na itong halaga sa atin ngayon? Naaalala ba natin ang bagong tipan, maging ang Aklat ni Mormon? Sa Biblia mayroon tayong Lumang Tipan at Bagong Tipan. Ang salitang testamento ay salin sa wikang Ingles ng salitang Griyego na maaari ding isalin bilang tipan. Ito ba ang ibig sabihin ng Panginoon nang tawagin Niya ang Aklat ni Mormon na “bagong tipan”? Tunay na ito ay isa pang tipan o saksi ni Jesus. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit idinagdag natin kamakailan ang mga salitang “Isa Pang Tipan ni Jesucristo” sa pamagat ng Aklat ni Mormon.
Kung ang mga Banal noon ay pinagsabihan sa hindi pagpapahalaga sa Aklat ni Mormon, tayo ba ay hindi sasailalim sa anumang kaparusahan kapag ginawa rin natin ang gayon? Ang Panginoon mismo ay nagpatotoo na walang-hanggan ang kahalagahan nito. Madadala ba ng kakaunti sa atin ang buong Simbahan sa ilalim ng kaparusahan dahil nilapastangan natin ang mga bagay na banal? Ano ang masasabi natin sa araw ng Paghuhukom kapag tumayo tayo sa Kanyang harapan at nakita ang Kanyang mapanuring tingin kung kabilang tayo sa sinasabing nakalimot sa bagong tipan?
May tatlong malalaking dahilan kung bakit dapat pag-aralan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang Aklat ni Mormon nang habambuhay.
Ang una ay dahil ang Aklat ni Mormon ay saligang bato ng ating relihiyon. Ito ang pahayag ni Propetang Joseph Smith. Pinatotohanan niya na “ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon.”1 Ang saligang bato ang gitnang bato sa isang arko. Pinananatili nito ang iba pang mga bato sa kinalalagyan nito, at kung aalisin ito, ang arko ay babagsak.
May tatlong dahilan kung bakit ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng ating relihiyon. Ito ang saligang bato sa ating patotoo kay Cristo. Ito ang saligang bato ng ating doktrina. Ito ang saligang bato ng patotoo.
Ang Aklat ni Mormon ang saligang bato sa ating patotoo kay Jesucristo, na Siya mismong batong panulok ng lahat ng ginagawa natin. Pinatototohanan nito nang may kapangyarihan at kalinawan na totoong Siya ay buhay. Hindi tulad ng Biblia, na nagpasalin-salin sa iba’t ibang mga maninipi, tagapagsalin, at masasamang tao na gumawa ng pagbabago sa teksto, ang Aklat ni Mormon ay nagmula sa manunulat tungo sa mambabasa sa iisang inspiradong hakbang ng pagsasalin. Samakatwid, ang patotoo nito tungkol sa Panginoon ay malinaw, walang bahid-dungis, at puno ng kapangyarihan. Ngunit higit pa dito ang nagagawa nito. Karamihan sa mga Kristiyano sa mundo ngayon ay hindi tinatanggap ang pagiging Diyos o kabanalan ng Tagapagligtas. Pinag-aalinlanganan nila ang Kanyang mahimalang pagsilang, Kanyang perpektong buhay, at ang katotohanan ng Kanyang maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli. Itinuturo nang malinaw at di-mapag-aalinlanganan ng Aklat ni Mormon ang tungkol sa katotohanan ng lahat ng iyon. Nagbibigay din ito ng pinakakumpletong paliwanag tungkol sa doktrina ng Pagbabayad-sala. Tunay ngang ang banal at inspiradong aklat na ito ay saligang bato sa pagpapatotoo sa mundo na si Jesus ang Cristo.2
Ang Aklat ni Mormon din ang saligang bato ng doktrina ng Pagkabuhay na Mag-uli. Tulad ng nabanggit na noon, ipinahayag mismo ng Panginoon na ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng “kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo” (D at T 20:9). Hindi ibig sabihin niyan na naglalaman ito ng lahat ng turo, lahat ng doktrina na ipinahayag. Sa halip, ang ibig sabihin nito ay makikita natin sa Aklat ni Mormon ang kabuuan ng mga doktrinang iyon na kailangan sa ating kaligtasan. At ang mga ito ay itinuturo nang malinaw at simple nang sa gayon matutuhan maging ng mga bata ang paraan ng kaligtasan at kadakilaan. Napakaraming ibinibigay ang Aklat ni Mormon na nagpapalawak ng ating pag-unawa sa mga doktrina ng kaligtasan. Kung wala ito, maraming itinuturo sa iba pang mga banal na kasulatan ang hindi magiging halos napakalinaw at napakahalaga.
Ang huli, ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng patotoo. Tulad ng arko na babagsak kung aalisin ang saligang bato, gayon din naman na ang buong Simbahan ay tatayo o babagsak ayon sa katotohanan ng Aklat ni Mormon. Naiintindihan itong mabuti ng mga kaaway ng Simbahan. Ito ang dahilan kung bakit lubos nilang pinipilit na pabulaanan ang Aklat ni Mormon, sapagkat kung ito ay mapapabulaanan, mapapabulaanan din si Propetang Joseph Smith. Gayon din ang mangyayari sa mga sinasabi natin tungkol sa mga susi ng priesthood, at paghahayag, at sa ipinanumbalik na Simbahan. Ngunit sa gayon ding paraan, kung totoo ang Aklat ni Mormon—at milyun-milyon na ngayon ang nagpapatotoo na pinatunayan sa kanila ng Espiritu na totoo nga ito—kung gayon kailangang tanggapin ng tao ang mga pahayag ng Panunumbalik at lahat ng kaakibat nito.
Oo, minamahal kong mga kapatid, ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng ating relihiyon—ang saligang bato ng ating patotoo, ang saligang bato ng ating doktrina, at ang saligang bato sa patotoo sa ating Panginoon at Tagapagligtas.
Ang ikalawang malaking dahilan kung bakit dapat nating pag-aralan ang Aklat ni Mormon ay dahil sa isinulat ito para sa ating panahon. Ang aklat ay hindi napasa kamay ng mga Nephita; ni ng mga Lamanita noong unang panahon. Ito ay sadyang para sa atin. Sumulat si Mormon nang malapit nang magwakas ang sibilisasyon ng mga Nephita. Sa inspirasyong mula sa Diyos, na nakakakita sa lahat ng bagay mula sa simula, pinaikli niya ang mga talaang maraming siglo nang naisulat, pumili ng mga kuwento, mensahe, at pangyayari na lubos na makatutulong sa atin.
Ang bawat pangunahing manunulat ng Aklat ni Mormon ay nagpatotoo na sumulat siya para sa mga darating na henerasyon. Sinabi ni Nephi: “Ipinangako sa akin ng Panginoong Diyos na ang mga bagay na ito na aking isinusulat ay itatago at iingatan, at ipapasa-pasa sa aking mga binhi, sa bawat sali’t salinlahi” (2 Nephi 25:21). Ang kanyang kapatid na si Jacob, na humalili sa kanya, ay gayon din ang isinulat: “Sapagkat sinabi [ni Nephi] na ang kasaysayan ng kanyang mga tao ay dapat iukit sa isa pa niyang mga lamina, at na dapat kong ingatan ang mga laminang ito, at ipasa ang mga ito sa aking mga binhi, sa bawat sali’t salinlahi” (Jacob 1:3). Binanggit din nina Enos at Jarom na sila rin ay sumusulat hindi para sa sarili nilang mga tao kundi para sa mga darating na henerasyon (tingnan sa Enos 1:15–16; Jarom 1:2).
Sinabi mismo ni Mormon, “Oo, ako ay nangungusap sa inyo, kayong mga labi ng sambahayan ni Israel” (Mormon 7:1). At tunay na nakita ni Moroni, ang huli sa mga binigyang-inspirasyong manunulat, ang ating panahon. “Masdan,” sabi niya, “ipinakita sa akin ng Panginoon ang mga dakila at kagila-gilalas na bagay hinggil sa yaong hindi maglalaon ay mangyayari, at sa araw na yaon kung kailan ang mga bagay na ito ay mangyayari sa inyo.
“Masdan, ako ay nangungusap sa inyo na parang kayo ay naririto, gayon pa man kayo ay wala rito. Ngunit masdan, ipinakita kayo sa akin ni Jesucristo, at nalalaman ko ang inyong mga ginagawa” (Mormon 8:34–35).
Kung nakita nila ang ating panahon at pinili ang mga bagay na iyon na magiging makabuluhan sa atin, hindi ba iyon ang paraan na dapat nating pag-aralan ang Aklat ni Mormon? Dapat nating palaging itanong sa ating sarili, “Bakit binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Mormon (o si Moroni o si Alma) na isama iyon sa kanyang talaan? Anong aral ang matututuhan ko roon na tutulong sa akin na mamuhay sa araw at panahong ito?”
At may mga halimbawa roon kung paano sinagot ang tanong na iyan. Halimbawa, sa Aklat ni Mormon ay nakikita natin ang huwaran sa paghahanda sa Ikalawang Pagparito. Isang malaking bahagi ng aklat ang nakatuon sa ilang dekada bago ang pagdating ni Cristo sa Amerika. Sa masusing pag-aaral tungkol sa panahong iyan, malalaman natin kung bakit nilipol ang ilang tao sa kakila-kilabot na paghuhukom na nangyari bago ang Kanyang pagdating at ang dahilan kung bakit naroon ang iba sa templo sa lupaing Masagana at nahawakan ng kanilang mga kamay ang mga sugat sa Kanyang mga kamay at paa.
Mula sa Aklat ni Mormon nalaman natin kung paano namuhay ang mga disipulo ni Cristo sa panahon ng digmaan. Mula sa Aklat ni Mormon nakita natin ang kasamaan ng mga lihim na pagsasabwatan na inilarawan sa malinaw at kakila-kilabot na katotohanan. Sa Aklat ni Mormon nakikita natin ang mga aral kung paano haharapin ang pag-uusig at apostasiya. Marami tayong natututuhan kung paano gawin ang gawaing misyonero. At higit sa lahat, nakikita natin sa Aklat ni Mormon ang mga panganib ng materyalismo at paglalagak ng ating mga puso sa mga bagay ng mundo. May mag-aalinlangan pa ba na ang aklat na ito ay sadyang isinulat para sa atin at dito ay magkakaroon tayo ng dakilang kapangyarihan, malaking kapanatagan, at matinding proteksyon?
Ang ikatlong dahilan kung bakit mahalaga ang Aklat ni Mormon sa mga Banal sa mga Huling Araw ay ibinigay sa naunang pahayag ni Propetang Joseph Smith. Sabi niya, “Sinabi ko sa mga kapatid na ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon, at ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat.” Iyan ang ikatlong dahilan sa pag-aaral ng aklat. Tumutulong ito upang mas mapalapit tayo sa Diyos. Hindi ba’t may nadarama tayo sa kaibuturan ng ating mga puso na naghahangad na mapalapit sa Diyos, na maging higit na katulad Niya sa ating buhay sa araw-araw, na madama sa tuwina ang Kanyang presensya? Kung gayon, ang Aklat ni Mormon ang tutulong sa atin upang magawa ito nang higit pa sa alinmang aklat.
Hindi lamang itinuturo sa atin ng Aklat ni Mormon ang katotohanan, bagama’t ito nga ang ginagawa nito. Hindi lamang nagpapatotoo ang Aklat ni Mormon tungkol kay Cristo, bagama’t ito nga rin ang ginagawa nito. Kundi mayroon pang iba. May kapangyarihan sa aklat na iyon na magsisimulang dumaloy sa inyong buhay sa sandaling simulan ninyong dibdibang pag-aralan ang aklat. Magkakaroon kayo ng karagdagang lakas para labanan ang tukso. Magkakaroon kayo ng kapangyarihang iwasan ang panlilinlang. Magkakaroon kayo ng lakas na manatili sa makipot at makitid na landas. Ang mga banal na kasulatan ay tinatawag na “mga salita ng buhay” (tingnan sa D at T 84:85), at wala ng iba pang aklat na higit na totoo kaysa sa Aklat ni Mormon. Kapag nagsimula kayong magutom at mauhaw sa mga salitang iyon, makikita ninyo na lubos na sasagana ang buhay.
Ang ating mahal na kapatid na si Pangulong Marion G. Romney … ay nagpatotoo tungkol sa pagpapala na maaaring dumating sa buhay ng mga taong magbabasa at pag-aaralan ang Aklat ni Mormon. Sabi niya:
“Nakatitiyak ako na kung, sa ating mga tahanan, ay babasahin ng mga magulang nang may panalangin at regular ang Aklat ni Mormon nang personal at nang kasama ang kanilang mga anak, mapapasa ating mga tahanan at sa lahat ng nakatira roon ang diwa ng aklat na iyon. Madaragdagan ang pagpipitagan; mag-iibayo ang paggalang at pag-uunawaan sa isa’t isa. Mapapawi ang diwa ng pagtatalu-talo. Papayuhan ng mga magulang ang kanilang mga anak nang may matinding pagmamahal at karunungan. Ang mga anak ay higit na susunod at magpapakumbaba sa payo ng kanilang mga magulang. Mag-iibayo ang kabutihan. Ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa—ang dalisay na pag-ibig ni Cristo—ay mag-iibayo sa ating mga tahanan at buhay, magdudulot ng kapayapaan, kagalakan, at kaligayahan.”3
Ang mga pangakong ito—ibayong pagmamahal at pagkakasundo sa tahanan, malaking paggalang sa pagitan ng magulang at anak, mas malakas na espirituwalidad at kabutihan—ay hindi mga pangako na walang-kabuluhan, kundi ito ang siyang talagang ibig sabihin ni Propetang Joseph Smith nang sabihin niyang tutulungan tayo ng Aklat ni Mormon na mas mapalapit sa Diyos.
Mga kapatid, buong puso kong isinasamo sa inyo na taimtim na isaalang-alang ang kahalagahan ng Aklat ni Mormon sa inyong sarili at sa buong Simbahan.
Mahigit 10 taon na ang nakaraan nang ipahayag ko ang sumusunod tungkol sa Aklat ni Mormon:
“Nakabatay ba ang walang-hanggang ibubunga sa ginagawa natin sa aklat na ito? Oo, maaaring sa ating ikapagpapala o sa ating kapahamakan.
“Dapat pag-aralan ng bawat Banal sa mga Huling Araw ang aklat na ito nang habambuhay. Kung hindi ay ipinapahamak niya ang kanyang kaluluwa at binabalewala ang makapagtutugma ng espirituwal at intelektuwal na aspeto sa kanyang buong buhay. May pagkakaiba sa pagitan ng miyembrong nakasalig sa bato ni Cristo sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon at nananatiling nakahawak sa gabay na bakal na iyan, at sa taong hindi.”4
Muli kong pinagtitibay ang mga salitang iyon sa inyo ngayon. Huwag tayong manatili sa ilalim ng kaparusahan, lakip ang pagpapahirap at kahatulan nito, sa pagbabale-wala sa dakila at kagila-gilalas na regalong ito na ibinigay sa atin ng Panginoon. Sa halip, kamtin natin ang mga pangakong kaakibat ng pagpapahalaga nito sa ating mga puso.
Sa Doktrina at mga Tipan, bahagi 84, mga talata 54 hanggang 58, mababasa natin:
“At ang inyong mga isipan sa mga nakaraang panahon ay naging madilim dahil sa kawalan ng paniniwala, at sapagkat inyong pinawalang-kabuluhan ang mga bagay na inyong tinanggap—
“Kung aling kawalang-kabuluhan at kawalan ng paniniwala ay nagdala sa buong simbahan sa ilalim ng kaparusahan.
“At ang kaparusahan na ito ay nasa sa mga anak ng Sion, maging sa lahat.
“At sila ay mananatili sa ilalim ng kaparusahang ito hanggang sa sila ay magsisi at kanilang alalahanin ang bagong tipan, maging ang Aklat ni Mormon at ang dating mga kautusan na aking ibinigay sa kanila, hindi lamang upang sabihin, kundi upang gawin alinsunod sa yaong aking isinulat”—
“Upang sila ay makapagdala ng bunga na nararapat para sa kaharian ng kanilang Ama; kung hindi ay mananatili sa kanila ang kaparusahan at paghuhukom na ibubuhos sa mga anak ng Sion.”
Mula noong huling pangkalahatang kumperensya, nakatanggap ako ng maraming sulat mula sa mga Banal, kapwa bata at matanda, mula sa iba’t ibang panig ng mundo na tumanggap sa hamon na basahin at pag-aralan ang Aklat ni Mormon.
Natuwa ako sa kanilang mga kuwento kung paano nabago ang kanilang buhay at kung paano sila napalapit sa Panginoon dahil sa kanilang pangako. Pinagtibay sa aking puso ng maluluwalhating patotoong ito ang mga salita ni Propetang Joseph Smith na ang Aklat ni Mormon ay tunay na “saligang bato ng ating relihiyon” at ang isang lalaki at babae ay “malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat.”
Ito ang aking dalangin, na ang Aklat ni Mormon ay maging saligang bato ng ating buhay.