2011
Saan Ko Makikita ang mga Sagot?
Oktubre 2011


Saan Ko Makikita ang mga Sagot?

Olga Ovcharenko, Sverdlovsk Oblast, Russia

Noong ako ay 21 anyos, ang mga misyonero ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagtuturo ng Ingles sa aming lugar sa Russia. Noong una ay dumalo ako para matuto ng Ingles, pero hindi nagtagal ay ipinasiya kong makinig sa mga espirituwal na kaisipang ibinahagi ng mga elder pagkatapos ng klase at magtanong sa kanila.

Pinalaki ako sa nangungunang relihiyon sa aking bansa, pero marami akong tanong na hindi nasasagot. Nasagot ng mga misyonero at miyembro ng kanilang Simbahan ang mga tanong na hindi nabigyan ninuman noon ng kasiya-siyang sagot.

Pagkatapos ng isang klase namin sa Ingles, lakas-loob akong humingi sa mga misyonero ng kopya ng kanilang aklat, ang Aklat ni Mormon. Pero pagdating ko sa bahay, itinabi ko lang ito sa estante.

Gayunman, hindi naman ito nagtagal doon. Narinig ko na sa mga miyembo ng Simbahan na dumadalo sa klase sa Ingles na may mga solusyon ang mga banal na kasulatan sa mga problema. Kaya nang magkaroon ako ng personal na mga hamon o problema, kinuha ko ang Aklat ni Mormon sa estante at sinimulan kong magbasa. Totoo ngang nakita ko ang mga sagot—ang uri ng mga sagot na nagsabi sa akin ng mismong kailangan kong malaman.

Sa puntong iyon nadama ko na hindi ko kayang mabuhay nang wala ang Simbahan. Dito ko gustong mapabilang. Dito ko nadama na kabilang ako.

Gayunpaman, gusto kong makatiyak sa pamamagitan ng pagtatanong sa Diyos. Ang problema ay nakatira ako sa isang maliit na apartment na iisa ang kuwarto kasama ang may-ari ng aking tinutuluyan, na may edad nang babae, at walang pribadong lugar kung saan maaari akong magdasal. Pero isang gabi dahan-dahan akong nagpunta sa kusina—na nakahiwalay nang bahagya sa bahay namin—at tinanong ko ang Ama sa Langit kung totoo ang Simbahan. Matinding damdamin ang naging sagot sa akin kaya nalaman ko ang kailangan kong gawin.

Hindi nagtagal at nabinyagan ako, at ang pagiging miyembro ko sa Simbahan ang naging pinakamaligayang sandali sa buhay ko. Kung noon ay may mga katanungan ako, ngayon ay nasagot na ang mga ito. Kung noon ay nakadama ako ng kahungkagan, ngayon ay masaya na ako.

Nagpapasalamat ako na sinasagot tayo ng Ama sa Langit. Alam ko na mangungusap Siya sa atin, sa panalangin at sa mga banal na kasulatan.