2011
Ang Aklat ni Mormon: Kasama ng Biblia sa Pagpapatotoo
Oktubre 2011


Ang Aklat ni Mormon:

Kasama ng Biblia sa Pagpapatotoo

Bilang pag-ayon sa batas na nakasaad sa biblia na “sa bibig ng dalawang saksi o ng tatlo ay papagtibayin ang bawa’t salita (II Mga Taga Corinto 13:1), ang Aklat ni Mormon at ang Biblia ay kapwa nagpapatotoo kay Cristo at itinuturo ang mga alituntunin ng Kanyang ebanghelyo. Itinuro ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol na “pinatototohanan ng mga saksi sa mga banal na kasulatan ang isa’t isa. Ang ideyang ito ay matagal nang ipinaliwanag nang isulat ng isang propeta na ang Aklat ni Mormon ay “isinulat sa layuning kayo ay maniwala [sa Biblia]; at kung kayo ay maniniwala [sa Biblia] ay paniniwalaan din ninyo [ang Aklat ni Mormon]’ [Mormon 7:9]. Tinutukoy ng bawat aklat ang isa’t isa. Bawat aklat ay ebidensya na ang Diyos ay buhay at nangungusap sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng paghahayag sa Kanyang mga propeta.”1

Nakalista sa ibaba ang mahahalagang doktrinang itinuturo sa Biblia na pinatototohanan din ng Aklat ni Mormon.

Ang Misyon ni Jesucristo

Ang Biblia at ang Aklat ni Mormon ay nagpapatotoo kay Jesucristo, ang Anak ng Diyos, at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Itinuturo nila na inako ng Tagapagligtas ang ating mga kasalanan at dinaig ang kamatayan.

Bugtong na Anak ng Diyos

Biblia: “Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16; tingnan din sa Mateo 16:16; Juan 6:69).

Aklat ni Mormon: “Alam kong si Jesucristo ay paparito, oo, ang Anak, ang Bugtong ng Ama, puspos ng biyaya, at awa, at katotohanan” (Alma 5:48; tingnan din sa 1 Nephi 11:16–21; Mosias 3:5–8).

Nagbayad-sala para sa Ating mga Kasalanan

Biblia: “Sapagka’t ito ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan,” (Mateo 26:28; tingnan din sa Sa Mga Hebreo 9:28; I Ni Pedro 3:18).

Aklat ni Mormon: “Masdan, inihandog niya ang kanyang sarili na isang hain para sa kasalanan, upang tugunin ang layunin ng batas para sa lahat ng yaong may bagbag na puso at nagsisising espiritu” (2 Nephi 2:7; tingnan din sa 1 Nephi 11:33; Alma 34:8–10; 3 Nephi 11:14).

Dinala ang Ating mga Kapanglawan

Biblia: “Tunay na kaniyang dinala ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kapanglawan” (Isaias 53:4; tingnan din Sa Mga Hebreo 2:18).

Aklat ni Mormon: “At siya ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; … upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:11–12; tingnan din sa Mosias 14:3–5).

Nadaig ang Kamatayan

Biblia: “Datapuwa’t si Cristo nga’y muling binuhay sa mga patay na siya ay naging pangunahing bunga ng nangatutulog” (I Mga Taga Corinto 15:20; tingnan din sa Juan 14:19; Mga Gawa 26:23).

Aklat ni Mormon: “Maniwala kay Jesucristo, na siya ang Anak ng Diyos, at na siya ay pinatay ng mga Judio, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Ama, siya ay bumangong muli kung saan ay natamo niya ang tagumpay laban sa libingan” (Mormon 7:5; tingnan din sa Mosias 16:7–8; Helaman 14:17).

Ang Plano ng Diyos para sa Atin

Itinuturo ng Biblia at Aklat ni Mormon na ang Diyos ang ating Ama sa Langit. Kaugnay nito, naghanda Siya ng “plano ng kaligtasan” (Alma 24:14) para mailigtas tayo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”

Mapagmahal na Ama sa Langit

Biblia: “Sapagka’t sa kaniya tayo’y nangabubuhay, at nagsisikilos, at mayroon tayong pagkatao: na gaya naman ng sinabi ng ilan sa inyong sariling mga manunula, Sapagka’t tayo nama’y sa kaniyang lahi” (Mga Gawa 17:28; tingnan din sa Awit 82:6; Sa Mga Hebreo 12:9).

Aklat ni Mormon: “Alam kong mahal [ng Diyos] ang kanyang mga anak” (1 Nephi 11:17; tingnan din sa 1 Nephi 17:36).

Kamatayan at ang Daigdig ng mga Espiritu

Biblia: “At ang alabok ay mauuwi sa lupa gaya ng una, at ang diwa ay mababalik sa Dios na nagbigay sa kaniya” (Eclesiastes 12:7; tingnan din sa I Ni Pedro 3:19–20; 4:6).

Aklat ni Mormon: “Ang espiritu ng lahat ng tao, maging sila man ay mabuti o masama, ay dadalhin pabalik sa Diyos na sa kanila ay nagbigay-buhay” (Alma 40:11; tingnan din sa mga talata 12–14).

Pagkabuhay na Mag-uli

Biblia: “At pagkatapos na magibang ganito ang aking balat, [g]ayon ma’y makikita ko ang Dios sa aking laman” (Job 19:26; tingnan din sa Ezekiel 37:12; I Mga Taga Corinto 6:14; 15:54).

Aklat ni Mormon: “Alam kong nalalaman ninyo na ang ating laman ay tiyak na manghihina at mamamatay; gayunman, sa ating mga katawan ay makikita natin ang Diyos” (2 Nephi 9:4; tingnan din sa 2 Nephi 9:12; Alma 11:43–45; 40:23).

Nagsisilbing Gabay ang mga Kautusan

Itinuturo ng Biblia na ang Diyos ay nagbibigay ng mga kautusan at pagpapalain tayo kapag tayo ay sumusunod. Itinala at sinunod din ng mga propeta ng Aklat ni Mormon ang mga kautusan.

Mga Pagpapala ng Pagsunod

Biblia: “At iniutos ng Panginoon sa amin na gawin ang lahat ng mga palatuntunang ito, na matakot sa Panginoon nating Dios, sa ikabubuti natin kailan man, upang ingatan niya tayong buhay. … At siya’y magiging katuwiran sa atin, kung ating isagawa ang buong utos na ito” (Deuteronomio 6:24–25; tingnan din sa Mga Kawikaan 4:4; Juan 14:21).

Aklat ni Mormon: “Pinangakuan niya kayo na kung inyong susundin ang kanyang mga kautusan, kayo ay uunlad sa lupain; at kailanman siya ay hindi nag-iiba mula roon sa kung alin ay kanyang sinabi; samakatwid, kung inyong susundin ang kanyang mga kautusan, kayo ay kanyang pagpapalain at pauunlarin” (Mosias 2:22; tingnan din sa 2 Nephi 1:20).

Ang Sampung Utos

Biblia: Inihayag ng Panginoon ang Sampung Utos kay Moises (tingnan sa Exodo 20:1–17).

Aklat ni Mormon: Itinuro ni Abinadi ang Sampung Utos sa mga saserdote ni Haring Noe (tingnan sa Mosias 12:33–36; 13:12–24).

Ikapu

Biblia: “Dalhin ninyo ang buong ikasangpung bahagi sa kamalig, upang magkaroon ng pagkain sa aking bahay” (Malakias 3:10; tingnan din sa Levitico 27:30).

Aklat ni Mormon: “Sa ito ring Melquisedec na ito kung kanino nagbayad si Abraham ng ikasampung bahagi; oo, maging ang ating amang si Abraham ay nagbayad ng ikasampung bahagi ng lahat ng kanyang pag-aari” (Alma 13:15; tingnan din sa 3 Nephi 24:8–10).

Binyag at Espiritu Santo

Biblia: “Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios” (Juan 3:5; tingnan din sa Marcos 16:16; Mga Gawa 2:36–38).

Aklat ni Mormon: “Magsisi, lahat kayong nasa mga dulo ng mundo, at lumapit sa akin at magpabinyag sa aking pangalan, upang kayo ay pabanalin sa pamamagitan ng pagtanggap sa Espiritu Santo, upang kayo ay makatayong walang bahid-dungis sa aking harapan sa huling araw” (3 Nephi 27:20; tingnan din sa 2 Nephi 9:23; 31:5–9).

Ang Simbahan ni Jesucristo Noong Unang Panahon

Itinatag ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa Jerusalem at sa mga lupain ng Amerika. Saksi ang Biblia at Aklat ni Mormon na inoorganisa at pinamumunuan Niya ang Kanyang mga tao sa pamamagitan ng mga propeta at apostol.

Mga Propeta

Biblia: “Tunay na ang Panginoong Dios ay walang gagawin, kundi kaniyang ihahayag ang kaniyang lihim sa kaniyang mga lingkod na mga propeta” (Amos 3:7; tingnan din sa Jeremias 1:7; 7:25).

Aklat ni Mormon: “Sa pamamagitan ng tinig ng Espiritu ay ipinaaalam ang lahat ng bagay sa mga propeta” (1 Nephi 22:2; tingnan din sa Jacob 4:4–6).

Ang Labindalawa

Biblia: “Tinawag niya ang kaniyang mga alagad; at siya’y humirang ng labingdalawa sa kanila, na tinawag naman niyang mga apostol” (Lucas 6:13; tingnan din sa Mga Taga Efeso 2:19–20; 4:11–14).

Aklat ni Mormon: “Pinagpala kayo kung kayo ay makikinig sa mga salita nitong labindalawang aking pinili mula sa inyo upang maglingkod sa inyo” (3 Nephi 12:1; tingnan din sa 1 Nephi 11:29).

Awtoridad ng Priesthood

Biblia: “Ako’y hindi ninyo hinirang, nguni’t kayo’y hinirang ko, at aking kayong inihalal, upang kayo’y magsiyaon at magsipagbunga, at upang manatili ang inyong bunga” (Juan 15:16; tingnan din sa Mateo 16:19; Lucas 9:1–2; Sa Mga Hebreo 5:4).

Aklat ni Mormon: “Nag-orden [si Alma] ng mga saserdote at elder, sa pamamagitan ng pagpapatong ng kanyang mga kamay alinsunod sa orden ng Diyos upang mamuno at magbantay sa simbahan” (Alma 6:1; tingnan din sa 2 Nephi 6:2; Moroni 3).

Karagdagang Pag-aaral

Ang tsart na ito ay hindi kumpletong listahan. Bilang bahagi ng inyong personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan o kasama ang inyong pamilya, maaari kayong magdagdag ng mga reperensya sa tsart na ito at magsaliksik ng mas marami pang alituntuning itinuro kapwa sa Aklat ni Mormon at sa Biblia gamit ang Topical Guide o Gabay sa mga Banal na Kasulatan at mga pantulong sa pag-aaral online sa scriptures.lds.org.

Tala

  1. Russell M. Nelson, “Mga Saksi sa mga Banal na Kasulatan,” Liahona, Nob. 2007, 43.

Larawan ni Harold B. Lee ni Doyle Shaw, sa kagandahang-loob ng Church History Museum