Sa Bawat Wika at Tao
Nang ipagkatiwala ni Alma, isang propeta sa Aklat ni Mormon, ang mga talaan ng kanyang mga tao sa kanyang anak na si Helaman, pinagbilinan niya ang kanyang anak na alalahanin na ang Panginoon ay may “matalinong layunin” sa pangangalaga sa mga banal na kasulatan (Alma 37:12). Ganito ang sabi niya tungkol sa mga talaan, “Ang mga ito ay iingatan at ipapasa-pasa sa bawat sali’t salinlahi … hanggang sa ang mga ito ay maipahayag sa lahat ng bansa, lahi, wika, at tao” (Alma 37:4).
Noong 1827 natanggap ni Joseph Smith ang mga talaang iyon at pagsapit ng 1829 ay tapos na niya itong isalin sa Ingles sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Ang aklat, na inilathala noong 1830, ay isang mabisang kasangkapan ng mga misyonero sa paghihikayat sa mga mambabasa na totoo ang ebanghelyo ni Jesucristo. Gayunman, dahil 5,000 kopya lang nito ang unang nailimbag, ang pagpapadala ng aklat ni Mormon sa “lahat ng bansa, lahi, wika, at tao” ay tila matagal pang mangyari.
Magkagayunman, muling tiniyak ng Panginoon ang propesiyang ito kay Joseph Smith noong 1833, na ibinabadya ang araw kung kailan “ang bawat tao ay maririnig ang kabuuan ng ebanghelyo sa kanyang sariling wika, at sa kanyang sariling salita” (D at T 90:11). Ang Aklat ni Mormon, na “naglalaman … ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo” (D at T 20:9), ay may mahalagang papel na ginagampanan sa katuparan ng propesiyang ito.
Sa kalagitnaan ng 1800s dinala ng mga misyonero ang ebanghelyo sa Europa. Ang Aklat ni Mormon ay inilathala sa Danish noong 1851, na sinundan ng mga edisyon sa French, German, Italian, at Welsh noong 1852. Ngayon ang buong Aklat ni Mormon ay makukuha na sa 82 wika, na may mga piling kabanata na isinalin sa 25 pang wika. Ang propesiya na maririnig ng lahat ng tao ang ebanghelyo sa kanilang sariling wika ay unti-unting natutupad taun-taon sa pagsulong ng pagsasalin at gawaing misyonero.
Ang Gawain ng Pagsasalin
Ang proseso ng pagsasalin ng Aklat ni Mormon sa bagong wika mula sa Ingles ay gumugugol kung minsan ng maraming taon. Magsisimula lang ang proseso matapos aprubahan ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ang proyekto at sapat ang bilang ng mga miyembrong nagsasalita ng wikang iyon na magsisilbing mga tagasalin. Ang mga tagasalin at tagarepaso ay binibigyan ng mahihigpit na panuntunan at pinagbibilinang manatiling malapit sa Espiritu habang nagsasalin. Kapag tapos na ang pagsasalin, dumaraan ang teksto sa bukod na proseso ng ecclesiastical review.
Matapos ilathala, maaari nang orderin ng mga miyembro ang bagong edisyon sa pamamagitan ng Distribution Services. Marami sa mga miyembrong ito ang may kopya ng mga piniling kabanata lamang ng Aklat ni Mormon na naisalin sa kanilang wika, o, sa ilang sitwasyon, mga patotoo lamang ng mga misyonero.
Ang Aklat ni Mormon at ang Gawaing Misyonero
Kapag binuksan ang isang lugar para sa gawaing misyonero, malaking hamon ang hindi pagkakaunawaan sa wika. Dahil walang nakalimbag na mga materyal ng Simbahan sa wikang gamit sa lugar, dapat matuto ng wikang iyon ang mga misyonero at magpatotoo nang may Espiritu. Sa ilang bahagi ng mundo, maraming tao ang nakapagsasalita ng pangalawang wika, at nabibigyan sila ng mga misyonero ng Aklat ni Mormon sa wikang iyon. Bago isinalin ang Aklat ni Mormon sa Mongolian, halimbawa, pinag-aralan ito ng maraming miyembro sa Mongolia sa wikang Russian.
Ngunit higit na mauunawaan ang ebanghelyo kung pamilyar at malinaw itong mababasa sa katutubong wika ng isang tao. Nakita mismo ni Eric Gemmell, na naglingkod sa Slovenia Ljubljana Mission mula 2001 hanggang 2003, ang kaibhang nagagawa sa mga miyembro at investigator ng pagkakaroon ng Aklat ni Mormon sa sarili nilang wika. Nakapaglingkod na siya ng 18 buwan ng kanyang misyon bago nagkaroon ng Aklat ni Mormon sa wikang Slovenian.
Mahirap ang gawain. Sampung taon pa lamang naitatatag ang unang branch ng Simbahan. Katatanggap pa lang ng kalayaan ng Slovenia at nasa proseso pa ng pagtatanggal ng dating wikang Serbo-Croatian ng estado. Nagdala ang mga misyonero ng mga kopya ng Aklat ni Mormon sa Serbo-Croatian at Ingles, na mga wikang napag-aralan ng karamihan sa mga kabataan sa paaralan. Ngunit mas madalas kaysa hindi, tinanggihan ng mga tao ang aklat dahil hindi nila maintindihan ang alinman sa dalawang wika. Naaalala ni Eric kung gaano kalungkot magpatotoo sa mga tao tungkol sa kadakilaan at kahalagahan ng Aklat ni Mormon—at sabihin sa kanila pagkatapos na wala siyang kopya nito sa kanilang wika.
Anim na buwan bago umuwi si Eric, dumating ang unang kargamento ng mga kopya ng Aklat ni Mormon sa wikang Slovenian. Nagpulong ang branch kung saan bawat miyembro at misyonero ay tumanggap ng kopya nito. “May natatanging diwa sa paligid,” pag-alaala ni Eric. Itinala niya sa kanyang journal kung ano ang pakiramdam ng mahawakan ang gayon kahalaga at pinakahihintay na aklat. “Parang mga laminang ginto na mismo ang nahawakan mo,” pagsulat niya. Pagkatapos ng pulong, iniuwi ng mga misyonero ang natirang mga aklat para gamitin sa gawaing misyonero. Tuwang-tuwa si Eric at ang kompanyon niya kaya pagdating na pagdating sa apartment nila, agad nilang binuksan ang mga kahon, inilatag ang mga aklat, at kinunan ito ng retrato para maalala ang pangyayari. Hindi sila makapaghintay na maibahagi ang aklat sa mga tao. Dahil may Aklat ni Mormon na sila sa wikang Slovenian, hindi lamang naging mas madali sa mga misyonero ang paglapit sa mga tao, kundi nagkaroon din sila ng paraan upang muling mapalakas ang patotoo ng mga di-gaanong aktibong miyembro na matagal nang hindi nagsisimba.
Sa huling anim na buwan niya sa misyon, nasaksihan ni Eric ang paglago ng patotoo ng mga miyembro sa Slovenia. “Nang magkaroon sila ng Aklat ni Mormon sa wika nila,” sabi niya, “talagang naunawaan nila ito. Tumimo ito sa kanilang puso.” Dati, kailangan pa ng mga tagapagsalita at guro sa mga pulong ng Simbahan para mabasa sa Serbo-Croatian ang mga banal na kasulatan at ipasalin at ipapaliwanag sa iba ang ilan sa mga salita. “Parang nanlalata kami sa paggamit ng mga salitang hiram sa ibang wika,” paggunita ni Eric. Nang simulan ng mga miyembro ang pagbabasa ng Aklat ni Mormon sa sarili nilang wika, “agad naragdagan ang pang-unawa nila sa ebanghelyo,” sabi ni Eric.
Sa Sarili Nilang Wika
Si Mojca Zheleznikar ay isa sa mga miyembrong sumapi sa Simbahan bago nagkaroon ng Aklat ni Mormon sa wikang Slovenian. Nagkaroon siya ng patotoo sa ebanghelyo sa pakikinig sa mga misyonero at pag-aaral ng Aklat ni Mormon sa wikang Croatian at Ingles. Nang matapos ang pagsasalin sa wikang Slovenian, binasa ni Mojca ang tekstong isinalin at nadama ang kapangyarihan ng mga salita sa kanyang katutubong wika. “Nadama kong nahayag sa akin ang katotohanan sa simpleng kalinawan at malalim na kadalisayan,” paggunita niya. “Para itong tinig ng aking Lumikha na kinakausap ako sa sarili kong wika, ang wikang sinalita sa akin ng aking ina.”
Gayon din ang nararanasan ng mga miyembro sa iba’t ibang panig ng mundo kapag natanggap nila ang Aklat ni Mormon sa kanilang wika. Noong 2003, matapos isalin ang Aklat ni Mormon sa wikang Kekchi, ang wikang gamit ng mga Maya mula sa Guatemala at Belize, nirepaso ng mga tagasalin ang pagkakasalin kasama ang mga grupo ng mga miyembrong tagaroon. Paggunita ng isang tagasalin, “Nagtipon kami ng isang grupo ng matatagal nang miyembro sa kapilya ng Senahú para magbasa, at tuwing matatapos namin ang bawat taludtod, nagkakaroon ng mapitagang katahimikan sa silid. Lubos ang pagkaunawa, at matinding nadama ang Espiritu. Isa iyong sagradong karanasan.”
Si Elvira Tzí, isa sa mga miyembrong kasama sa pulong na iyon, ay nagpapasalamat sa pagkasalin ng Aklat ni Mormon sa wikang Kekchi dahil sa biyayang idudulot nito sa susunod na henerasyon. Sabi niya, dahil sa pagsasalin ang nakababatang mga miyembro ay “magkakaroon ng lubos na pag-unawa sa salita ng Panginoon at susundin ang mga utos ng Panginoon.”
Para sa mga miyembro ng Simbahan, ang pag-aaral ng Aklat ni Mormon sa sarili nilang wika ay pinagmumulan ng di-mabilang na pagpapala. Kapag ang mga miyembro ay “mapanalanging pinag-aaralan at itinuturo ang mga banal na kasulatan,” sabi ng Unang Panguluhan, “lalago ang kanilang patotoo, madaragdagan ang kanilang kaalaman, lalalim ang kanilang pagmamahal sa pamilya at sa iba, lalawak ang kakayahan nilang maglingkod sa iba, at tatangggap sila ng ibayong lakas na labanan ang tukso at ipagtanggol ang katotohanan at kabutihan.”1
Malalaking Pagpapala
Ang saganang mga pagpapalang dulot ng Aklat ni Mormon sa buhay ng mga nagsisipag-aral nito ay malakas na panghikayat upang ibahagi nila ang aklat sa iba, na higit na magsasakatuparan sa propesiya. Taun-taon mga apat na milyong kopya ng Aklat ni Mormon ang ipinamamahagi sa buong mundo sa mahigit 100 wika habang isa-isang nagpapatotoo ang mga miyembro at misyonero tungkol kay Jesucristo. Ang “matalinong layunin” na binanggit ni Alma noong unang panahon ay inihahayag sa lugar na naaabot ng Aklat ni Mormon at sa bawat buhay na nagbago.