Mga Turo para sa Ating Panahon
Natutuhan natin mula sa mga sinaunang propeta na ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng maraming “malilinaw at mahahalagang bagay” na iningatan para turuan tayo sa ating panahon (tingnan sa 1 Nephi 13:40; 19:3). Ang mga katotohanang ito ay nagbibigay-linaw at nagpapaibayo ng pang-unawa sa kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo at tinutulungan ang mga estudyante ng Aklat ni Mormon na harapin ang mga hamon sa buhay nang may pag-asa at katatagan. Sa kasunod na mga sipi, pinatotohanan ng mga makabagong propeta at apostol ang mahahalagang turong ito.
Inaalala Tayo ng Panginoon
“Naaalala ko ang mga salita ng Panginoon na matatagpuan sa aklat ni Eter sa Aklat ni Mormon. Sabi ng Panginoon, ‘Hindi kayo maaaring tumawid sa malawak na kailalimang ito maliban lamang kung ihahanda ko kayo laban sa mga alon ng dagat, at sa mga hanging umiihip, at sa mga bahang darating” [Eter 2:25]. Mga kapatid ko, inihanda Niya tayo. Kung diringgin natin ang Kanyang mga salita at ipamumuhay ang mga utos, maliligtasan natin ang panahong ito ng kapabayaan at kasamaan—isang panahong maihahambing sa mga alon at hangin at bahang makapipinsala. Lagi Niya tayong inaalala. Mahal Niya tayo at pagpapalain tayo kung gagawin natin ang tama.”
Pangulong Thomas S. Monson, “Pangwakas na Pananalita,” Liahona, Nob. 2009, 109.
Si Jesus ang Cristo
“Ang Aklat ni Mormon ang pinakamakapangyarihang nakasulat na patotoo na nasa atin na si Jesus ang Cristo. Ano ayon kay Nephi ang batayan ng pagtanggap ng Espiritu Santo? Pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Ang pagbabasa ba ng Aklat ni Mormon paminsan-minsan ay tumitiyak ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo? Hindi ninyo iisiping sapat na ito kung babasahin ninyong mabuti ang Nephi. Sabi niya ito ang ‘siyang kaloob … sa lahat ng yaong masisigasig na humahanap sa kanya.’ Tiyak na ibig sabihin ng masisigasig dito ay regular. At tiyak na ibig sabihin nito ay pagbubulay-bulay at pagdarasal. At ang pagdarasal ay tiyak na may kasamang taos na pagsamong malaman ang katotohanan. Anumang hindi ganito ay hindi kasigasigan. At anumang hindi ganito ay hindi sapat para sa inyo at sa akin.”
Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Going Home,” sa Brigham Young University 1986–87 Devotional and Fireside Speeches (1987), 77–78.
Isang Pagpapahayag ng Ebanghelyo
“Ang mga sentrong sangkap ng mensahe ng ebanghelyo ay matatagpuan sa lahat ng banal na kasulatan ngunit pinakamalinaw itong ibinigay sa atin sa Aklat ni Mormon at sa mga paghahayag kay Propetang Joseph Smith. Dito malinaw na ipinahayag ni Jesus Mismo ang kanyang doktrina at Kanyang ebanghelyo, na dapat sundin ng mga anak ng Diyos upang ‘mag[karoon] ng buhay na walang hanggan’ (D at T 14:7).”
Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Hindi Ba’t May Dahilan Upang Tayo ay Magsaya?” Liahona, Nob. 2007, 19.
Pagbibinyag sa Maliliit na Bata
“[Naniniwala ang ilang tao] na ang maliliit na bata ay ipinagdalantao sa kasalanan at isinilang sa mundo na likas na makasalanan. Walang katotohanan ang doktrinang iyan!
“‘Kung nalaman ko ang katotohanan,’ pagsulat ni Mormon, ‘na nagkaroon ng mga pagtatalo sa inyo hinggil sa pagbibinyag sa maliliit na anak ninyo’ (Moroni 8:5).
“Tinawag niyang ‘malaking kamalian’ ang kanilang pagtatalo at isinulat: …
“‘Makinig sa mga salita ni Cristo, na iyong Manunubos, na iyong Panginoon at iyong Diyos. Masdan, ako ay pumarito sa daigdig hindi upang tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan sa pagsisisi; ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi sila na maykaramdaman; kaya nga, ang maliliit na bata ay buo, sapagkat wala silang kakayahang gumawa ng kasalanan; dahil dito, ang sumpa kay Adan ay kinuha mula sa kanila dahil sa akin, kung kaya’t iyon ay walang kapangyarihan sa kanila; …
“‘At sa ganitong pamamaraan ipinaalam ng Espiritu Santo ang salita ng Diyos sa akin; dahil dito, minamahal kong anak, alam ko na isang malubhang pangungutya sa harapan ng Diyos, na inyong binyagan ang maliliit na bata’ (Moroni 8:7–9). …
“Basahin ang kanyang buong sulat. Ito ay totoong doktrina.”
Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Little Children,” Ensign, Nob. 1986, 17.
Mga Babala mula sa Aklat ni Mormon
“Kasama sa mga aral na natutuhan natin sa Aklat ni Mormon ang dahilan at epekto ng digmaan at ang mga kundisyong nagbigay-katarungan dito. Binabanggit dito ang mga kasamaan at panganib ng mga lihim na sabwatan, na itinatag para magkamit ng kapangyarihan at makalamang sa mga tao. Binabanggit dito ang katotohanan [na totoo si] Satanas at nagpapahiwatig ng ilan sa mga paraang ginagamit niya. Pinapayuhan tayo rito tungkol sa wastong paggamit ng kayamanan. Narito ang malilinaw at mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo at ang katunayan at kabanalan ni Jesucristo at ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo para sa buong sangkatauhan. Ipinaaalam nito sa atin ang pagtitipon ng sambahayan ni Israel sa mga huling araw. Sinasabi sa atin dito ang layunin at mga alituntunin ng gawaing misyonero. Binabalaan tayo nito laban sa kapalaluan, pagwawalang-bahala, pagpapaliban, mga panganib ng maling tradisyon, pagkukunwari, at kahalayan.
“Responsibilidad na natin ngayong pag-aralan ang Aklat ni Mormon at matutuhan ang mga alituntunin nito at ipamuhay ang mga ito.”
Elder L. Tom Perry ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Mga Pagpapalang Nagmumula sa Pagbabasa ng Aklat ni Mormon,” Liahona, Nob. 2005, 8.
Lahat ng Bagay ay Ipanunumbalik
“Malinaw na inilarawan sa Aklat ni Mormon ang literal at panlahat na katangian ng Pagkabuhay na Mag-uli. Itinuro ni propetang Amulek:
“‘Ang kamatayan ni Cristo ang magkakalag ng mga gapos ng temporal na kamatayang ito, na ang lahat ay magbabangon mula sa temporal na kamatayang ito.
“‘Ang espiritu at ang katawan ay magsasamang muli sa kanyang ganap na anyo; kapwa ang biyas at kasu-kasuan ay ibabalik sa wastong pangangatawan, maging kagaya natin ngayon sa sandaling ito; …
“‘Ngayon, ang panunumbalik na ito ay darating sa lahat, kapwa matanda at bata, kapwa alipin at malaya, kapwa lalaki at babae, kapwa masama at mabuti; at maging doon ay hindi mawawala kahit isang buhok sa kanilang mga ulo, kundi bawat bagay ay manunumbalik sa kanyang ganap na kabuuan’ (Alma 11:42–44).
“Itinuro rin ni Alma na sa pagkabuhay na mag-uli ‘lahat ng bagay ay magbabalik sa kanilang wasto at ganap na anyo’ (Alma 40:23). …
“[Nakapapanatag] na malaman na lahat ng nagkaroon ng kakulangan sa buhay … ay mabubuhay na mag-uli sa ‘wasto at ganap na anyo.’”
Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Pagkabuhay na Mag-uli,” Liahona, Hulyo 2000, 17.
Mga Panganib ng mga Lihim na Sabwatan
“Itinuturo ng Aklat ni Mormon na ang mga lihim na sabwatan sa paggawa ng krimen ay isang malaking hamon, hindi lamang sa mga tao at pamilya kundi sa buong sibilisasyon. Kabilang sa mga lihim na sabwatan ngayon ang mga gang, mga grupong nagkakalat ng droga, at mga samahang gumagawa ng planadong krimen. Ang mga lihim na sabwatan sa ating panahon ay parang mga tulisan ni Gadianton noong panahon ng Aklat ni Mormon. … Kasama sa kanilang mga layunin ang sila ay ‘makapapaslang, at makapandarambong, at makapagnanakaw, at makagagawa ng mga pagpapatutot, at lahat ng uri ng kasamaan, na salungat sa mga batas ng kanilang bayan at gayon din sa mga batas ng kanilang Diyos’ [Helaman 6:23].
“Kung hindi tayo maingat, ang mga lihim na sabwatan ngayon ay kayang magkaroon ng kapangyarihan at impluwensya na kasingbilis at buong-buo gaya noong panahon ng Aklat ni Mormon.”
Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Standing for Truth and Right,” Ensign, Nob. 1997, 38.
Paglutas sa mga Hamon ng Buhay
“Ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng mga mensaheng inilagay roon ng langit upang ipakita kung paano itama ang impluwensya ng maling tradisyon at tumanggap ng kaganapan ng buhay. Itinuturo nito kung paano lutasin ang mga problema at hamong kinakaharap natin ngayon. … [Ang Panginoon] ay gumawa ng paraan upang maitama ang malalaking kamalian sa buhay, ngunit ang patnubay na ito ay walang halaga kung mananatiling nakakulong sa isang nakasarang aklat.”
Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol, “True Friends That Lift,” Ensign, Nob. 1988, 76.
Isang Paalaala ng Ating mga Tipan
“Pinaaalalahanan tayo sa Aklat ni Mormon na ang ating pagbibinyag ay isang tipan na ‘tumayo bilang mga saksi ng Diyos [at ng Kanyang kaharian] sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan kayo maaaring naroroon, maging hanggang kamatayan, nang kayo ay matubos ng Diyos, at mapabilang sa kanila sa unang pagkabuhay na mag-uli, nang kayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan’ (Mosias 18:9; idinagdag ang pagbibigay-diin).”
Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang Tipan ng Pagbibinyag: Ang Maging nasa Kaharian at para sa Kaharian,” Liahona, Ene. 2001, 7.
Ang mga Pagpapala ng Pagsunod
“Sa maraming bahagi ng Aklat ni Mormon, pinangakuan ang mga tao na uunlad sila sa lupain kung susundin nila ang mga kautusan [tingnan sa 1 Nephi 2:20; 2 Nephi 4:4]. Ang pangakong ito ay madalas [na] may kasamang babala na kung hindi nila susundin ang mga utos ng Diyos, sila ay itatakwil mula sa Kanyang harapan [tingnan sa Alma 36:30].”
Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Sana Alam Ninyong Nahirapan Kami,” Liahona, Nob. 2008, 104.