Paano Pag-aaralan ang Aklat ni Mormon
Dalawampu’t limang taon na ang nakararaan, idinetalye ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) ang “tatlong malalaking dahilan kung bakit dapat gawing habambuhay na hangarin ng mga Banal sa mga Huling Araw ang pag-aaral ng Aklat ni Mormon.”1 Narito ang mga dahilan:
-
Una, ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng ating relihiyon—ang saligang bato ng ating pagsaksi kay Jesucristo, ng ating doktrina, at ng ating patotoo.
-
Ikalawa, ang Aklat ni Mormon ay isinulat para sa ating panahon.
-
Ikatlo, ang Aklat ni Mormon ay higit na naglalapit sa atin sa Diyos.
Ang mga dahilang ito sa pag-aaral ng Aklat ni Mormon ay nagmumungkahi rin ng ilang paraan para mapag-aralan natin ang natatanging banal na kasulatang ito.
Ang Saligang Bato ng Ating Relihiyon
Yamang ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng ating pagsaksi kay Cristo at sa kaganapan ng Kanyang ebanghelyo, mahalaga sa ating pag-aaral na bigyan ng natatanging pansin ang maraming turo at patotoo ng Tagapagligtas na nakapaloob dito. Nagawa na ito ng ilan sa pamamagitan ng pagbili ng bago at murang kopya ng Aklat ni Mormon at pagmamarka sa lahat ng talatang tumutukoy o nagtuturo tungkol sa Tagapagligtas, sa Kanyang ministeryo, at Kanyang misyon. Naghahatid ito kapwa ng mas malalim na pagsaksi kay Jesus bilang Anak ng Diyos at ng panibagong pagpapahalaga sa Kanyang nagawa at patuloy na ginagawa para sa atin.
Isinulat para sa Ating Panahon
Nang sumulat ang mga may-akda ng Aklat ni Mormon, nasa isip nila ang darating na mga henerasyon, lalo na ang mga huling araw. Sa pagpapaikli ng mga talaan ng mga Nephita, sinabi ni Mormon na hindi niya kayang isama maging “ang ika-isandaang bahagi man lamang” nito (tingnan sa 3 Nephi 5:8; tingnan din sa Salita ni Mormon 1:5). Sinabi ni Moroni, “Ako ay nangungusap sa inyo na parang kayo ay naririto, gayon pa man kayo ay wala rito. Ngunit masdan, ipinakita kayo sa akin ni Jesucristo, at nalalaman ko ang inyong mga ginagawa” (Mormon 8:35). Isinulat ng dalawang may-akdang ito at ng iba pa, ayon sa inspirasyon ng langit, kung ano ang may pinakamalaking pakinabang sa atin sa mga huling araw na ito.
Kung gayon ay dapat tayong mag-aral na iniisip ang mga tanong na ito: “Bakit ito isinama? Paano ito naaangkop ngayon at sa akin?” Halimbawa, napuna ni Pangulong Benson na sa Aklat ni Mormon nakikita natin ang huwaran sa paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Nalaman natin kung paano namuhay sa panahon ng digmaan, humarap sa pang-uusig at apostasiya, gumawa ng gawaing misyonero, at tumugon sa mga panganib ng materyalismo ang mga disipulo ni Cristo.2 Tulad ng ginawa ni Nephi, kapag nag-aaral tayo, dapat nating “ihalintulad” ang mga banal na kasulatan sa ating sarili—ibig sabihin, sikaping tuklasin kung paano ipamuhay ang nabasa natin sa Aklat ni Mormon (tingnan sa 1 Nephi 19:23).
Higit na Paglapit sa Diyos
Sa pagbanggit muli ng sinabi ni Pangulong Benson: “Hindi lamang itinuturo sa atin ng Aklat ni Mormon ang katotohanan, bagama’t ito nga ang ginagawa nito. Hindi lamang nagpapatotoo ang Aklat ni Mormon tungkol kay Cristo, bagama’t ito nga rin ang ginagawa nito. Mayroon pang iba. May kapangyarihan sa aklat na iyon na magsisimulang dumaloy sa inyong buhay sa sandaling simulan ninyong dibdibang pag-aralan ang aklat.”3
Tunay ngang ang pag-aaral ng Aklat ni Mormon ay nag-aanyaya sa Espiritu, at ang Espiritu ang daluyan ng paghahayag. Iminumungkahi nito na mag-isip tayong mabuti at magnilay-nilay kapag nag-aaral—magbulay-bulay, magdasal, at marahil ay magtala habang nagbabasa tayo. Inilalagay tayo nito sa isang kundisyon para tumanggap ng dagdag na liwanag at pang-unawa, kapwa tungkol sa pinag-aaralan natin at sa iba pang bagay. Kung minsan makabubuting basahin ang buong Aklat ni Mormon sa loob ng medyo maikling panahon para maunawaan ang daloy ng kuwento at mensahe nito. Ngunit karaniwan ay pinakamainam na maglaan ng sapat na oras bawat araw upang pag-aralan ang aklat kaysa magtakda ng bilang ng talata o pahina na babasahin sa isang araw.
Mga Tulong sa Pag-aaral
Mapalad tayo ngayon na may nagagamit tayong mga pantulong sa pag-aaral natin ng Aklat ni Mormon. Ang ilan ay kasama na sa ating mga banal na kasulatan—ang Topical Guide, Bible Dictionary, at indeks sa mga banal na kasulatan sa wikang Ingles at ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan sa iba pang wika. At ang mga edisyon ng mga banal na kasulatan ng mga Banal sa mga Huling Araw ay may maraming talababa at cross-reference sa bawat pahina.
Kabilang sa iba pang nakalimbag na mga tulong sa pag-aaral ang Sunday School Class Member Study Guide, Seminary Student Study Guide, at Institute Student Manual. Bago sa ating panahon ang dumaraming kagamitang elektroniko, na inilarawan sa sidebar sa pahina 31.
Kasangkapan sa Pagbabalik-loob
Ang Aklat ni Mormon ay isang walang-katumbas na yaman at kasangkapan sa pagbabalik-loob na ipinlano at inilaan ng Panginoon para sa ating dispensasyon. Kinikilala ko ito bilang pundasyon ng sarili kong patotoo tungkol kay Jesucristo, sa pagtawag kay Joseph Smith bilang propeta, at sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang “kaharian ng Panginoon na muling itinatag sa mundo.”4 Natutuwa akong makiisa sa patotoo ni Jesucristo na “yayamang ang inyong Panginoon at inyong Diyos ay buhay ito ay totoo” (D at T 17:6). Nawa’y palalimin ng habambuhay ninyong pag-aaral ng Aklat ni Mormon ang inyong pagbabalik-loob at akayin kayo sa tuwid na landas tungo sa buhay na walang-hanggan.