2011
Nangusap sa Akin ang Aklat ni Mormon
Oktubre 2011


Nangusap sa Akin ang Aklat ni Mormon

Gina Baird, Utah, USA

Noong dalawang taong gulang ang aming bunsong anak na si Amanda, siya ay nasuring may leukemia. Mahirap ang sakit niya, at ang kanyang kanser ay hindi naalis pagkatapos ng chemotherapy. Kinailangan niyang sumailalim sa bone marrow transplant.

Habang ang aking asawa at dalawang anak ay nasa aming tahanan sa Utah, ako ang kasama ni Amanda sa ibang estado mula Setyembre hanggang sa unang bahagi ng Enero. Hindi kami nagkasama-sama sa Pasko, ngunit sa pagtatapos ng gamutan, umuwi na kami.

Sa unang pagpunta namin sa ospital para sa checkup matapos makauwi, nakakita muli ang mga doktor ng mga leukemia cell sa dugo ni Amanda. Hindi nagtagumpay ang transplant. Sa pagkarinig sa balita, para akong lulubog sa kinatatayuan ko. Ang pamilya namin ay dumanas nang labis na pag-aalala, pagod, pagkahiwalay sa isa’t isa, at paghihirap. Ngayon ay mawawala rin pala ang aming anak.

Umuwi ako sa bahay nang hapon na iyon sa dalawa kong anak na lalaki. Habang naghihintay kami sa pag-uwi ng aking asawa mula sa trabaho, kinuha namin ang mga kopya namin ng Aklat ni Mormon at nagsimulang magbasa. Nasa 2 Nephi 9 kami noon. Habang nagbabasa kami, ang sumusunod na salita ay nangusap sa akin:

“Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang kayo ay magsaya, at itaas ang inyong mga ulo magpakailanman, dahil sa mga pagpapalang ipagkakaloob ng Panginoong Diyos sa inyong mga anak.

“Sapagkat nalalaman kong marami sa inyo ang nagsaliksik na mabuti, upang malaman ang mga bagay na mangyayari; kaya nga alam kong nalalaman ninyo na ang ating laman ay tiyak na manghihina at mamamatay; gayunman, sa ating mga katawan ay makikita natin ang Diyos. …

“Sapagkat kung paanong ang kamatayan ay napasalahat ng tao, upang matupad ang maawaing plano ng dakilang Lumikha, talagang kinakailangang magkaroon ng kapangyarihan ng pagkabuhay na mag-uli. …

“O kaydakila ng kabutihan ng ating Diyos, na naghanda ng daan upang tayo ay makawala mula sa mahigpit na pagkakahawak ng kakila-kilabot na halimaw na ito; oo, yaong halimaw, na kamatayan. …

“At siya ay paparito sa daigdig upang kanyang mailigtas ang lahat ng tao kung sila ay makikinig sa kanyang tinig; sapagkat masdan, kanyang titiisin ang sakit ng lahat ng tao, oo, ang sakit ng bawat nilalang, kapwa lalaki, babae, at mga bata, na kabilang sa mag-anak ni Adan.

“At titiisin niya ito upang ang pagkabuhay na mag-uli ay maganap sa lahat ng tao, upang ang lahat ay tumayo sa harapan niya sa dakila at araw ng paghuhukom” (2 Nephi 9:3–4, 6, 10, 21–22).

Habang binabasa ko ang mga salitang ito, napuspos ng Espiritu Santo ang silid. Dama kong alam ng aking Ama sa Langit ang balitang natanggap ko nang araw na iyon. Dama ko na ang mga salitang isinulat ng propetang si Jacob mahigit 2,000 taon na ang nakararaan ay isinulat sa akin para sa araw na iyon at tuwirang nagmula sa Tagapagligtas. Alam Niya ang hirap at lungkot na nadama ko nang marinig kong mamamatay ang aming anak. At naroon Siya upang panatagin ang aming pamilya lakip ang Kanyang pangakong naglaan Siya ng daan at balang-araw, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagkabuhay na mag-uli, “sa ating mga katawan ay makikita natin ang Diyos.”

Nabuhay nang halos isa pang taon si Amanda, ngunit hindi ko malilimutan ang araw na iyon nang mangusap sa akin ang mga salita ng Aklat ni Mormon sa sandali ng aking pangangailangan at binigyan ako ng Panginoon ng pag-asa, kapanatagan, at pang-unawa tungkol sa Kanyang plano.