Isang Patotoo, Isang Tipan, at Isang Saksi
Nagpapatotoo ako na ang Aklat ni Mormon ay isang bagong kasunduan, isang bagong tipan sa buong mundo mula sa Bagong Daigdig.
Ang mga banal na pagpapatibay na naranasan ko hinggil sa Tagapagligtas at sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan ay unang dumating sa akin nang basahin ko ang Aklat ni Mormon noong binata pa ako. Habang binabasa ko ang sagradong talaang ito—paulit-ulit—kong nadama ang hindi maitatatwang pagbulong ng Espiritu Santo na nagsasabi sa aking kaluluwa na ito’y totoo.
Ang pagbabasa ng aklat ang simula ng aking pagkaunawa. Doon ko unang natiyak na ang Diyos ay buhay, na Siya ang aking Ama sa Langit, at ang plano ng kaligayahan ay ginawa sa kawalang-hanggan para sa akin. Ito ang naghikayat sa akin na mahalin ang Banal na Biblia at ang iba pang mga pamantayang aklat ng Simbahan. Tinuruan ako nitong mahalin ang Panginoong Jesucristo, na madama ang Kanyang mahabaging awa, at isaalang-alang ang biyaya at karingalan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.
Dahil nalaman ko sa aking sarili na ang Aklat ni Mormon ay totoong saksi—isa pang tipan at isang bagong kasunduan—na si Jesus ang Cristo, nalaman ko rin na si Joseph Smith noon at ngayon ay propeta ng Diyos. Gaya ng sabi ng aking kalolololohan noong mga unang araw ng Panunumbalik, “Walang masamang tao na makasusulat ng ganitong aklat, at walang mabuting lalaking magsusulat nito, maliban na ito ay tunay at inutusan siya ng Diyos na gawin ito.”1
Sa mga una kong pinaniwalaan ay nadagdag ang lahat ng iba pang pagkaunawa at nakadadalisay na pagpapamalas na ngayon ay nagbibigay ng pinakamalalim na kahulugan sa aking buhay, ng layunin ng aking buhay, at matatag na pundasyon sa aking patotoo.
Ngayon, hindi ako naglayag na kasama ng kapatid ni Jared. Hindi ko narinig ang maluwalhating pagbibigay ng sermon ni Haring Benjamin. Hindi ako kabilang sa mga Nephitang humipo sa mga sugat ng nabuhay na muling Tagapagligtas, ni nanangis na kasama nina Mormon at Moroni sa pagkawasak ng isang buong sibilisasyon. Ngunit ang aking patotoo sa talaang ito at ang kapayapaang dulot nito sa puso ng tao—na ibinigay sa akin sa pamamagitan ng pagbulong ng Banal na Espiritu gaya ng pagbibigay sa inyo—ay tiyak at malinaw tulad ng sa kanila. Pinatototohanan ko ang aklat na ito na para bang nakita ko, kasama ng Tatlong Saksi, ang anghel na si Moroni o, kasama ng Walong Saksi, ay nakita at nahawakan ang mga laminang ginto.
Pinatototohanan ko rin na wala sa atin ang lubos na mananampalataya sa gawaing ito sa mga huling araw at sa gayo’y magkakaroon ng ganap na kapayapaan at kaaliwan sa ating panahon hangga’t hindi niya tinatanggap ang kabanalan ng Aklat ni Mormon at ang Panginoong Jesucristo, na siyang pinatototohanan nito. Gaya ng sinabi ni Mormon kay Moroni sa isa sa mga pinakamahirap na panahon, sinasabi ko rin sa mahirap nating panahon na: “Maging matapat kay Cristo. … At nawa ang biyaya ng Diyos Ama, na ang trono ay mataas sa kalangitan, at ng ating Panginoong Jesucristo, na nakaluklok sa kanang kamay ng kanyang kapangyarihan … ay manatiling kasama mo magpakailanman” (Moroni 9:25–26).
Ang Aklat ni Mormon ay sagradong pagpapahayag ng huling dakilang tipan ni Cristo sa sangkatauhan. Ito ay isang bagong kasunduan, isang bagong tipan sa buong mundo mula sa Bagong Daigdig. Ang liwanag na aking nilalakaran ay ang Kanyang liwanag. Ang kanyang biyaya at kadakilaan ang umaakay sa akin—at sa inyo—sa ating pagpapatotoo sa Kanya sa mundo.